the prwc blog


June 7, 2007 Regular Issue
July 25, 2007, 12:19 pm
Filed under: Ang Bayan

1. Editoryal: Samantalahin ang lumalalim na krisis pampulitika. Ang naghaharing rehimeng Arroyo na mismo ang lumilikha ng kundisyon para sumambulat ang tumitinding krisis pampulitika at humantong ito sa maigting na pagtutuos sa pagitan nito at ng mamamayan.

Sa desperadong pagpupumilit ng rehimen na makapangunyapit sa poder lampas pa sa 2010, ginawa nito ang lahat para maipanalo ang mga kandidato nito sa kagaganap na eleksyon. Nagsagawa ito ng todo-todong pandaraya at maruruming maniobra, panggigipit sa mga kalaban at malawakang paghahasik ng karahasan.

Sa pamamagitan ng pagkopo nito ng malaking mayorya sa Kongreso at mga lokal na pamahalaan, tinitiyak ng rehimen na mahaharang nito ang panibagong impeachment. Mairaratsada na rin nito ang matagal nang ipinagpipilitang pagbabago sa konstitusyon upang bigyang-daan ang higit na panunupil nito sa bayan at pagkapit sa poder. Sa gayon, inaasahan nitong mas maluwag na makatatamasa ito at ang amo nitong imperyalismong US ng higit na biyaya sa ekonomya, pulitika at militar sa kapinsalaan ng bansa at mamamayang Pilipino.

Sa kabila ng todo-todong pagsisikap na dayain ang eleksyon, hindi nito lubusang nakontrol ang eleksyon sa Senado, party-list at sa ilang distritong kongresyunal at lokal na pamahalaan. Pero hanggang sa huling sandali’y pilit na sinisikap pa rin ng kampong Arroyo na makapaglaglag pa ng kandidato ng oposisyon at makapagpapasok ng mga kandidato ng Malacañang.

Gumagawa rin ang Comelec at mga opereytor ni Arroyo ng iba’t ibang paraan sa pandaraya upang mabawasan pa ang makukuhang pwesto ng mga progresibong organisasyong party-list.

Lalong nagpupuyos ang damdamin ng mamamayan sa tuluy-tuloy pang nalalantad na matitinding kaso ng pandaraya at pandarahas sa eleksyon na kalakha’y kagagawan ng kampong Arroyo. Pinakahuli lamang ang mga ito sa mahaba nang listahan ng mga pang-aabuso at paglapastangan sa kanilang mga karapatan at interes.

Sariwa pa rin sa isipan ng mamamayan ang huwad na pagkapanalo ni Arroyo noong 2004 na pinatampok ng iskandalong “Hello Garci.” Saksi sila kung papaano inabuso ni Arroyo ang kapangyarihang hindi karapat-dapat na mapasakanya. Hindi na nila mapalalampas muli ang pagsangkalan na naman ng pekeng pangulo sa huwad na pananagumpay ng kanyang mga alipures para supilin ang mga lumalaban sa rehimen at itulak ang mga hakbanging magbibigay-daan sa tuluy-tuloy na pamamayagpag nito sa kapangyarihan.

Pinabubulaan ng lubhang paghihikahos ng dumaraming mamamayan ang ipinagmamalaki ng rehimeng Arroyo na pag-unlad umano ng ekonomya. Taumbayan ang bumabalikat sa pagbayad ng mabigat na pasaning buwis at utang na ipinapataw ng rehimen. Pero ang isinusukli naman sa kanila’y salat at bulok na mga batayang serbisyong panlipunan. Samantala, buong kahayukan ang pandarambong ng mga imperyalistang dayuhan at kakutsaba nilang malalaking kumprador at burukrata. Bagsak ang lokal na industriya at agrikultura at papalala ang disempleyo dahil sa mapagsamantala, mapang-api at maka-imperyalistang mga patakaran sa ekonomyang masugid na itinataguyod ng rehimeng Arroyo.

Ibayo pang pagkasuklam ang nararamdaman ng mamamayan sa rehimen at mga armadong galamay nito dahil sa walang tigil na mga pamamaslang, pagdukot, malawakang terorismo at iba pang paraan ng panunupil sa mga aktibista at mamamayang mahigpit na tumututol sa umiiral na bulok at malupit na paghahari.

Batid ng rehimen na ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa at masusugid na oposisyunista ang pinakamalalaki, pinakasolido at pinakamalalakas na sagka sa pagpapalawig pa ng paghahari nito lampas sa kasalukuyang termino ni Arroyo. Dahil dito’y nagbalangkas na rin ang rehimen ng plano para patindihin ang panunupil at saywar mula 2007 hanggang 2010 na tumatarget sa mga pangunahin nitong kaaway. Oras na magkabisa na ang Anti-Terrorism Law sa Hulyo, isa ito sa mga magiging pangunahing instrumento ng karahasan at panunupil na gagamitin ng rehimen laban sa kanila.

Dapat nang itransporma ang nag-uumapaw na galit ng mamamayan kay Gloria Arroyo upang mabuo ang isang malawak at malakas na kilusang protestang hahantong sa tuwiran at mapagpasyang pakikipagtuos sa rehimen. Dapat pabilisin ang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan sa kalunsuran at kanayunan para mabuo ang malakas na pwersang may kapasyahang lumaban at humamon sa rehimen. Dapat ding buuin ang pinakamalawak na nagkakaisang prenteng anti-Arroyo na magsusulong ng higanteng kilusang protestang hahantong sa pagpapatalsik sa kamuhi-muhing naghaharing pangkatin.

Dapat ding pabilisin ang pagpapalaki at pagpapalakas ng Partido, Bagong Hukbong Bayan, mga rebolusyonaryong organisasyong masa at mga rebolusyonaryong base. Mahalaga ang malawakang paglulunsad ng masisiglang rebolusyonaryong pagkilos ng masa.

Kailangang patuloy na paigtingin ang mga taktikal na opensiba ng BHB para parusahan ang mga pasistang armadong pwersang nagsisilbing pangunahing salalayan ng rehimen at dulutan sila ng mga suntok sa katawan at ulo na mabisang makapagpapahina sa rehimen at makapag-aambag sa pagpapabilis ng pagbabagsak nito.

2. Talamak na dayaan sa Mindanao. Lalong nagiging garapal at talamak ang pandaraya ng rehimeng Arroyo sa nakaraang halalan ngayong nasa dulo na ng bilangan ng mga boto. Walang rendang ginagamit ang Comelec, militar at iba pang makinarya ng estado upang dayain at manipulahin ang resulta ng eleksyon, kasabwat ang mga warlord sa malalaking bahagi ng Autonomous Region of Muslim Mindanao.

Katulad noong eleksyon ng 2004, susi ang pandaraya sa mga eryang ito para makapiga ng dagdag pang mga boto. Dito ginagawa ng rehimen ang lahat ng makakaya nito upang pilit pa ring maipasok ang kahit isa pang kandidato sa pagkasenador mula sa Team Unity at isabotahe ang eleksyon sa party-list laban sa mga progresibong partido.

Deka-dekada nang talamak ang dayaan sa mga prubinsya sa Lanao, Zamboanga Peninsula, Cotabato, Maguindanao, Sulu, Basilan at Tawi-tawi. Noong 2004, tumampok ang mga lugar na ito dahil sa pagkakasangkot ng mga upisyal nito sa Comelec sa nalantad na kaso ni Comelec Commissioner Virgilio Garcillano, pangunahing opereytor sa pandaraya ni Arroyo sa eleksyon sa Mindanao at naging notoryus sa buong bansa bilang “Garci.”

Nitong nakaraang eleksyon, daan-daang libo ang hindi nakaboto sa Maguindanao at Lanao del Sur. Ang mga Election Inspector o mga sundalo ang pumupuno ng mga balota. Sa maraming lugar sa Zamboanga, iisa o iilang sulat-kamay na lamang ang pumupuno sa mga balota. Sa ilan pang lugar, wala man lamang naidaos na eleksyon at sa halip, nagmanupaktura na lamang ang mga Board of Canvassers ng mga election return (ER).

Sa Lanao del Sur, wala ni isa sa 13 bayan ang nakapagdaos ng eleksyon noong Mayo 14 dahil sa karahasan at mga iregularidad. Sinadya ang mga pambobomba sa lugar upang maipahuli ang eleksyon dito at sa gayo’y maibenta ang mga boto ng mga manipulador sa mga kandidato para sa Senado at party-list na handang magbayad nang mas mahal sa pag-asang makapaghabol ng panalo.

Idinaos ang espesyal na eleksyon sa Lanao del Sur noong Mayo 23 at 27. Nagrehistro rin ng imposibleng paglaki ng bilang ng mga rehistradong botante mula 275,572 tungong 396,913 ang prubinsyang ito mula 2004. Lalong kaduda-duda na sa dalawang bayan dito, lumaki nang mahigit 100% ang bilang ng mga botante at mahigit 60% hanggang 80% naman sa tatlo pa.

Lalong talamak ang dayaan sa Marawi City kung saan nagaganap ang bilangan para sa buong Lanao del Sur. Kasabwat ang matataas na upisyal ng Comelec, gumagana bilang mga opereytor ng mga sindikato sa pandaraya ang mga lokal na pulitiko sa lugar na namimili at nagbebenta ng mga boto at nagpapatakbo ng mga operasyon sa manipulasyon ng mga bilangan.

Sa Sulu, ibinunyag ng isang guro ang mga detalye sa pandaraya ng Comelec sa kanilang bayan. Ayon sa gurong si Darwiza Lim Alfad, walang naganap na eleksyon noong Mayo 14 sa kanilang baryo pero pinalabas ng Comelec na nakakuha roon ng 12-0 panalo ang Team Unity. Ayon sa salaysay niya, inutusan lamang sila ni Pakulin Sulaiman, municipal election officer, na punuan ang mga ER sa isang bahay. Pagkatapos ay inutusan si Alfad na pirmahan ang mga ER at dalhin ang mga ito sa munisipyo.

Sa pagbibilang ng mga boto, may mga kaso kung saan sadyang di binibilang ang mga boto ng Genuine Opposition kaya panay “zero” o halos wala silang boto. Gayundin, ang mga ibinotong organisasyon sa party-list ay pinapalitan ng mga pangalang idinidikta ng mga lokal na pulitikong alipures ng Malacañang. Sa maraming lugar at pagkakataon, sadyang hindi pinagagalaw sa mga botante ang espasyo sa balota para sa Senado at party-list. Sa pagkanbas na lamang sa mga munisipyo pinupunuan ang mga blangkong espasyong ito.

Sa maraming lugar, pinagbawalan ng mga sundalo at mga upisyal ng Comelec na makapasok at makapagbantay ang mga poll watcher at mga tagamasid. Laganap ang dayaan maging sa mga lugar na may presensya ang mga mamamahayag, mga poll watchdog (mga nagbabantay sa mga anomalya) at mga poll watcher. Maraming presinto ang walang listahan ng mga botante kaya kahit sino na lamang, kabilang ang mga bata, ay pwedeng bumoto. Hindi nilalagyan ng indelible ink ang mga bumoto, kaya paulit-ulit silang nakaboboto. Maraming nakasaksi sa mga poll watcher ng mga kandidato ni Arroyo na nagdidikta sa mga botante sa loob mismo ng presinto. Maraming mamamayan na natakot na bweltahan sila ng mga sundalo at armadong alipures ng madadayang makapangyarihang pulitiko.

Sa kabila ng napakaraming reklamo laban sa mga upisyal ng Comelec sa maraming lugar sa Mindanao na nasangkot sa mga anomalyang nalantad sa “Hello, Garci!” tapes, hindi sila pinalitan kundi itinaas pa ang ranggo.

Sa Maguindanao, apat na gurong nagsilbing Election Inspector ang lumantad upang magbigay ng testimonya kaugnay sa garapal na pandaraya sa kani-kanilang mga lugar. Ayon sa kanila, kasama ang mahigit 50 pang ibang Election Inspector, pwersahan silang isinama ng mga armadong pwersa at dinala sa isang sagingan noong Mayo 14. Sa harap nila, pinunuan ng mga armadong lalaki ang mga balota gamit ang isang gabay na listahang naglalaman ng mga pangalan ng 12 kandidato pagkasenador ng Team Unity at ng mga lokal na kandidato ni Arroyo. Anila, pare-pareho ang bilang ng mga boto na nakuha ng lahat ng mga kandidato ng Team Unity at wala ni isang boto para sa oposisyon.

Sa Lanao del Sur, huli sa akto sa pamamagitan ng bidyo ng ABS-CBN ang mga upisyal ng Comelec na sina Jubil Surmieda at Renault Macarambon na nagpapasok ng mga blangkong ER sa isang hotel sa Marawi City kung saan sikretong pupunuan ang mga blangkong espasyo. Noong una’y itinanggi nila ito at pati ang nangangasiwa roon noon na si Comelec Commissioner Rene Sarmiento ay tumanggi na nagpapasok sila ng mga ER sa hotel. Napilitan na lamang silang umamin nang ipakita sa kanila nina Ricky Carandang at Noel Alamar, mga korespondent ng ABS-CBN, ang kuha sa bidyo.

Tinanggihan ng Comelec ang hiling ng oposisyon na magdeklara ng “kabiguan ng eleksyon” sa North at South Cotabato. Nagpatawag na lamang ang Comelec ng panibagong pagkanbas ng mga boto sa mga lugar na ito.

Sa panibagong pagkanbas, napatunayang nandaya ang mga upisyal ng Comelec sa North at South Cotabato dahil sa malaking pagkakaiba ng resulta ng una at inulit na kanbas. Lumabas sa panibagong kanbas na may 119,000 idinagdag na boto para sa mga kandidato ng Team Unity, habang ginawang iilan ang mga boto para sa Genuine Opposition. Upang palabasing nandaraya rin ang oposisyon, tusong dinagdagan rin ng mga opereytor ni Arroyo ng 38,000 boto ang pangalan ni Loren Legarda.

Sa Maguindanao, idineklara na ng Comelec ang “kabiguan ng eleksyon” at nakatakda na itong magdaos ng espesyal na eleksyon sa prubinsya. Mahigpit na tinututulan ng kandidato ng GO na si Koko Pimentel ang pakanang ito. Aniya, iligal ang magdaos ng espesyal na eleksyon para lamang sa pagkasenador . Lalo lamang titindi ang dayaan at bilihan sa eleksyong ito dahil magpupumilit ang Malakanyang na isingit sa huling pwesto ang kandidato nitong si Miguel Zubiri. Sa halip, dapat na iproklama na ng Comelec ang lahat ng mga nanalong senador. Si Pimentel ngayon ang nasa ika-12 pwesto sa mga nanalong kandidato pagkasenador.

3. Dayaan sa Cagayan. Tulad sa iba pang lugar, naging talamak din ang paggamit ng militar para maghasik ng terorismo sa iba’t ibang bayan sa Cagayan nitong huling eleksyon. Kabilang dito ang sumusunod na mga insidente:

Nangampanya ang AFP laban sa Anakpawis at Bayan Muna sa mga baryo ng Dungeg sa Sta. Teresita at Iska sa Gonzaga. Nananakot at nagbanta sila sa mga “pulong-pulong” sa mga bayan ng Tuao, Allacapan, Piat at Tuguegarao. Bukod sa mga progresibong partido, hindi rin nakaligtas sa saywar at paninira ng AFP ang mga kandidato ng oposisyon.

Sa bisperas ng eleksyon, nag-operasyon ang 17th IB sa mga baryo ng Caruppian, Bunugan at Bagunot sa Baggao. Tantya nilang malakas dito ang Bayan Muna at iba pang progresibo dahil nakinabang ang mga residente sa mga pasilidad na pansaka na mula sa mga pondong pamproyekto ng mga progresibong mambabatas. Pumwesto naman sa mga presinto ang mga elemento ng militar sa mga bayan ng Sta. Teresita at Allacapan. Noong Mayo 14, sa baryo ng Rebecca sa bayan ng Gonzaga at sa mga barangay ng Villa at Dungeg sa Sta. Teresita, pinigilan ng mga elemento ng PNP at AFP ang mamamayang bumoto at kasabay na nangampanya laban sa mga progresibong partido.

Sa bilangan, maraming mga presinto at bayan ang hindi na naglagay sa tally board ng boto ng mga progresibong partido at oposisyunistang senador. Ipinagbawal din ng Comelec ang pagpasok ng mga poll watcher ng mga progresibong partido sa mga lugar kung saan ginagawa ang municipal canvassing.

4. Sistemang party-list, sinasabotahe. Nitong nagdaang halalan, inilunsad ng Malacañang ang isang sistematiko at maruming kampanya ng pandarahas, pananakot at pandaraya upang pahirapan ang mga progresibong party-list at hadlangan ang inaasahang lalo pang pagdami ng mga kinatawan nito sa Kongreso. Lahat na’y ginawa ng Malacañang upang itaboy ang mga progresibong partido sa Kongreso upang pigilan silang epektibong katawanin ang interes ng mamamayan at ilantad sa kabulukan ng naghaharing rehimen.

Nagawa ng Malacañang na ibaba nang husto ang nakuhang boto ng mga progresibong partido kumpara sa nakaraang eleksyon at nagawang ipanalo ang bagong nagsulputan at di kilalang mga grupong pakawala ng Malacañang.

Sa pinakahuling talaan ng boto, bumababa sa ikalawang pwesto ang partidong Bayan Muna, na inasahang mangunguna at makakukuha ng malaking bahagi ng boto sa party-list. Inungusan ito ng grupong BUHAY ng relihiyosong grupong El Shaddai ni Mike Velarde, bagay na labis na ikinagulat at ipinagtaka ng marami.

Nakaambang makapagpaupo ng kinatawan sa Kongreso ang hindi bababa sa limang grupong party-list na may nominadong kilalang alyado ni Arroyo. Kabilang sa mga ito ang mga grupong A TEACHER, ABONO, AGAP, Batas at ARC.

Samantala, nanganganib na mabawasan ang bilang ng mga kinatawan sa kongreso ng Bayan Muna at iba pang mga progresibong partidong tulad ng Gabriela at Anakpawis. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagpapatakbo ng napakaraming grupong party-list at pagdaragdag ng mga boto nito. Bagamat hindi lahat ng pakawala ng Malacañang ay makapagpapaupo ng kinatawan sa Kongreso, pinalalaki ng mga ito ang kabuuang bilang ng mga boto para sa party-list. Sa ganitong paraan, lalong napahihirapan ang mga progresibong partido na makakuha ng katumbas ng 2% ng kabuuan.

Pandarahas at pandaraya laban sa Bayan Muna atbp. Pangunahing ginamit ng rehimeng Arroyo ang AFP at PNP upang takutin ang mamamayan laluna sa mga lugar na malakas ang suporta sa mga partidong ito.

Sa Region IX (Zamboanga Peninsula), nagbahay-bahay ang mga militar at pulisya sa mga komunidad at tinakot ang mga lider ng mga progresibong partido para hindi makaboto at makapagtanggol sa kanilang partido ang mga ito. Pinigilan ding pumasok ang mga poll watcher ng mga progresibong grupong party-list sa mga presinto at lugar ng bilangan para walang magawa ang mga ito sa harap ng iba’t ibang pandaraya.

Sa Mindanao, dinagdagan ng mahigit dalawang milyon ang mga boto ng iba’t ibang organisasyon sa party-list na pakawala ng Malacañang. Sa maraming kaso, mas malaki pa ang boto para sa mga ito kaysa sa bilang ng mga rehistradong botante. Sa bayan ng Muhammad Adjul, Basilan kung saan 9,115 lamang ang mga botante, nakakuha ng 26,000 boto ang mga grupong party-list ng Malacañang tulad ng ALIF, YACAP, Aangat Tayo, Ahon Bayan at Sulong Barangay. Sa marami ring kaso, libu-libong boto para sa mga progresibong grupong party-list ang nawala dahil inilipat ito sa mga pakawala o suportado ng rehimen.

Sa ARMM, tiniyak mismo ng upisyal doon ng Comelec na si Rey Sumalipao ang pagdaragdag ng ilampung libong boto para sa ALIF, Biyaheng Pinoy at YACAP. Si Sumalipao, na sangkot din sa pandaraya ni Arroyo noong 2004, ay kilalang tauhan ng dating Comelec Commissioner Virgilio Garcillano.

Sa Zamboanga del Sur at mga prubinsya ng Lanao, ilampung libong boto ang idinagdag sa ALIF. Sa maraming bayan, walang botong nakuha ang ibang grupo. Sa Zamboanga Sibugay, mahigit 36,000 boto ang idinagdag sa COOP-NATCO at UNI-MAD.

Nakita naman sa isang ER sa Caloocan na daan-daang boto ang iniulat na nakuha ng Kasangga, ang partido ng kapatid ni Mike Arroyo, gayong ayon sa mga ulat sa presinto ay mabibilang lamang sa daliri ng isang kamay ang natanggap nitong mga boto.

Veterans formula. Upang lalo pang bawasan ang bilang ng mga kinatawan ng mga progresibong partido, inianunsyo ng Comelec nitong Hunyo 4 na ipatutupad nito ang bagong sistema ng pagtatakda ng bilang ng mga uupong kongresista. Mula 1998, bawat 2% ng kabuuang boto sa party-list ay may katumbas na isang kinatawan, at ang bawat partido sa sistemang party-list ay maaaring magkaroon ng maksimum na tatlong representante sa Kongreso.

Kapalit nito, inianunsyo ng Comelec na ipatutupad nito ngayon ang “Veterans formula” na pinagpasyahan ng Korte Suprema noong 2001. Mahigpit itong tinutulan ng iba’t ibang sektor kaya hindi ito ipinatupad ng Comelec noong mga nakaraang eleksyon. Batay sa nasabing pormula, ang nangunang grupong party-list na lamang ang magkakaroon ng tatlong pwesto at ang iba pang nakakuha ng 2% o mahigit na boto ay magkakaroon ng isa hanggang dalawang pwesto na lamang.

Sa kabila ng iba’t ibang paraan para gipitin at dayain ang mga progresibong grupong party-list, lumampas na sa 6% ang nakuhang boto ng Bayan Muna habang nakaipon na ng mahigit 4% ang Gabriela at mahigit 2% ang Anakpawis–tatlo sa mga progresibong partidong pinag-iinitan ni Arroyo at mga namumunong upisyal niya sa Malacañang at sandatahang lakas.

Batay sa dating kalakaran, makakukuha pa rin ang Bayan Muna ng maksimum na tatlong pwesto. Ang GWP naman ay makakukuha ng minimum na dalawang pwesto at ang Anakpawis ay may minimum na isang pwesto. Kung itutuloy ng Comelec ang desisyon nito, dalawang kinatawan na lamang ang makukuha ng Bayan Muna. Gayundin, isa na rin lamang ang makukuha ng Gabriela Women’s Party at posibleng hindi makapagpapaupo ng kinatawan ang Anakpawis.

5. Pagpapalaya kay Ka Bel, iniutos ng Korte Suprema. Kasunod ng pagbasura ng Korte Suprema noong Mayo 31 sa kasong rebelyong isinampa laban kay Anakpawis Party Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran at lima pa sa tinaguriang “Batasan 6”, binigyan ng pansamantalang kalayaan ang mambabatas nitong Hunyo 4. Pinahintulutan siya ni Makati Regional Trial Court Judge Elmo Alameda na dumalo sa huling tatlong sesyong araw ng ika-13 Kongreso na magtatapos sa Hunyo 7.

Binatikos din ng Korte Suprema ang Department of Justice at binalaan na huwag gamitin ang batas at ang upisinang ito para sa makikitid na adyenda ng mga pulitiko.

Mula sa Philippine Heart Center (PHC), mainit na sinalubong si Ka Bel ng kapwa kongresman at mga tagasuporta nang siya’y dumating sa Batasan Pambansa Complex noong hapon ng Hunyo 4. Nakasuot ng pulang barong Tagalog si “Ka Bel” at gayundin ang karamihan sa mga tagasuporta niya.

Paglapag niya sa kongreso, sinagpang ni Ka Bel ang pagkakataon upang muling igiit na walang batayan ang kasong rebelyong isinampa laban sa kanya at kina Rep. Satur Ocampo, Teodoro Casiño at Joel Virador ng Bayan Muna; Rep. Rafael Mariano ng Anakpawis; at Rep. Liza Maza ng Gabriela Women’s Party.

Sinagpang din niya ang pagkakataon upang magsalita kaugnay sa mga usaping kinakaharap ng masang anakpawis. Pangunahin na rito ang kanyang panukala para sa P125 dagdag na sahod ng mga manggagawa at P3,000 across the board increase sa sweldo ng mga kawani ng gubyerno.

Kasabay nito, naghapag ng petisyon si Ka Bel sa Korte Suprema para sa kagyat at ganap na pagpapalaya sa kanya. Magsasampa rin siya ng kaso laban sa lahat ng mga sangkot sa kanyang pag-aresto at detensyon. Hinihiling niya sa korte na bigyan siya ng isang milyong pisong danyos perwisyos sa bawat buwan na iligal siyang ikinulong.

Ni minsan ay hindi nanahimik si Ka Bel sa labinlimang buwang pagkakabimbin niya sa PHC. Tuluy-tuloy ang kanyang pagbatikos sa mga krimen ng rehimen at sa pampulitikang panggigipit na dinaranas ng mga katulad niyang progresibo.

Sa harap ng desisyon ng Korte Suprema, desidido pa rin sina Secretary of Justice Raul Gonzalez, Solcitor-General Agnes Devanadera at National Security Adviser Norberto Gonzales, at si Executive Secretary Eduardo Ermita, ang namumuno sa Cabinet Oversight Committee, na patuloy na ikulong si Ka Bel. Naghapag sila ng “motion for reconsideration” sa katawa-tawang rasong winasak umano ng nasabing desisyon ang sistemang hudikatura ng Pilipinas para lamang pumabor sa “Batasan 6”.

Naganap ang pagbasura ng kasong rebelyon laban sa “Batasan 6” matapos ang serye ng mga kampanya para palayain si Ka Bel. Inilunsad nitong Mayo ng iba’t ibang lider at myembro ng mga lokal at dayuhang samahan ng mga manggagawa ang International Forum for Ka Bel’s Freedom. Nangungunang mga isponsor ang Center for Trade Union and Human Rights, Kilusang Mayo Uno at Free Ka Bel Movement.

Kasabay nito, inilunsad rin ang mga aksyong protesta para sa pagpapalaya kay Ka Bel sa Hongkong, Japan, Denmark, The Netherlands, London, South Korea, U.S.A., Austria, Canada, Australia, New Zealand at iba pang mga bansa. Hiningi rin ng mga internasyunal na delegado na ihinto na ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga myembro ng militanteng grupo at sa mga lokal na kandidato at mga tagapagsuporta nila.

Sa New Zealand, naglunsad ng protesta ang pinuno ng Free Ka Bel Movement na si Dennis Maga para kundenahin ang pampulitikang paniniil at ilantad ang ekstrahudisyal na mga pamamaslang isang linggo bago pumunta si Gloria Arroyo sa naturang bansa. Laking kahihiyan ni Arroyo nang tumampok sa buong mundo ang protesta ni Maga nang ipasok niya ang kanyang sarili sa isang kulungan sa tapat mismo ng gusali ng parlamento sa New Zealand.

Dinaluhan ni Arroyo ang Asia-Pacific Regional Interfaith Dialogue sa New Zealand noong Mayo 29-31.

6. (Pananalanta ng pasistang estado) Pastor, dinukot at tinortyur. Patuloy ang pasistang pananalanta ng mga berdugo ng rehimeng Arroyo nitong nakaraang dalawang linggo. Pinakatampok sa mga kasong nakalap ng Ang Bayan ang pagdukot at iligal na pagkulong sa isang progresibong pastor at lider-masa sa Laguna.

Hunyo 6. Dinukot si Gilbert Rey Cardeno, 27, tagapangulo ng Bayan Muna-South Cotabato, bandang alas-11 ng umaga sa Barangay Crossing Dos, Koronadal City. Si Cardeno ang pinakabatang kagawad ng National Council ng Bayan Muna.

Mayo 28. Dinukot ng mga elemento ng 730th Combat Wing ng Philippine Air Force mula sa kanyang bahay sa Barangay Bunducan, Nasugbu, Batangas mga alas-10 ng gabi si Diego Samonteza, myembro ng lokal na tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Karapatan. Walang ipinresentang mandamyento de aresto ang militar nang dukutin ang biktima. Kahit maraming nakapagtestigo, mariing pinabulaanan ng militar na nasa kanilang kustodiya si Samonteza. Sa halip ay itinuro nito ang mga pulis ng Calabarzon. Itinuro naman ng mga pulis ang AFP bilang salarin.

Samantala, sa Pampanga, pinatay ng dalawang nakamotorsiklong salarin si Mario Nulud, 47, punong barangay ng San Juan Bautista, Guagua sa tapat ng kanyang bahay mga alas-9:30 ng umaga. Si Nulud ay nagsilbing tagapangampanya ng kapapanalo pa lamang na gubernador ng Pampanga na si Fr. Ed Panlilio. Pinaniniwalaang utak ng naturang pagpaslang ang jueteng lord na si Rodolfo “Bong” Pineda, asawa ni Lilia Pineda, ang natalong kandidato pagkagubernador. Nitong nakaraang linggo, pinaslang din ang dalawa pang punong barangay mula sa mga bayan ng Porac at Mabalacat. Pareho silang tagasuporta ni Panlilio.

Mayo 27. Dinukot at tinortyur ng mga operatiba ng Naval Intelligence Security Forces (NISF) sa Barangay Malaban, Biñan, Laguna, mga alas-5:30 ng hapon si Berlin Guerrero, 44, pastor ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) at dating tagapangulo ng Bayan. Nakabimbim siya ngayon sa Camp Pantaleon Garcia ng PNP sa Imus, Cavite.

Inaresto si Guerrero dahil umano sa mga kasong pagpatay at inciting to sedition subalit walang ipinakitang mga mandamyento de aresto ang mga dumakip sa kanya. Nang ipakita na sa midya si Guerrero ay may mga bakas siya ng tortyur sa kanyang katawan.

Nasaksihan ang pagdukot sa pastor ng kanyang asawang si Merlinda, 40 at mga anak na sina Julian Mark, 16, Lora Wigbertte, 15 at Jarius Vinces, 13. Pauwi na ang pamilya mula sa paggunita ng UCCP sa unang anibersaryo ng pagpaslang kay Noel Capulong, regional coordinator ng Bayan Muna sa Southern Tagalog, nang sila’y dukutin sa tapat ng Seven Gas Station sa Casile Road. Isinakay sila sa isang kulay puting L-300 van na walang plaka. Pinalaya ang mag-iina pero tinangay ng NISF ang pastor. Kinabukasan ay tinawagan ni Guerrero si Mylene para sabihing nasa kustodiya siya ng PNP-Cavite.

Mayo 21. Pinatay ng mga armadong badigard ng isang pulitiko sa Cavite si Dodie Nuñez, photojournalist ng “Katapat”, alas-9 ng gabi habang papauwi sa kanyang bahay sa General Mariano Alvarez. Ang “Katapat” ay isang lokal na pahayagan na pagmamay-ari ni Archie Gadang, na kumandidato pagka-gobernador laban kay Ireneo Maliksi noong nakaraang eleksyon. Isa si Nuñez sa mga naglantad ng korapsyon sa administrasyong Maliksi. Si Gadang ay may nakabimbing kaso na libelo ngunit nakapyansa kaya nakalaya.

Mayo 20. Tinangkang dukutin sa Las Piñas City ng mga berdugo ng rehimeng Arroyo si Roy Valdez, nominado ng Anakpawis para sa Kongreso, mga alas-9 ng umaga. Ang mga nagtangkang dumukot ay mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group at ilan pang militar na sakay sa isang L-300 van na may plakang WNM 238 at isang Revo van na may plakang XDM 541. Tatlo pang motorsiklo na may tagdadalawang operatiba ang nagsilbing lookout at back-up para sa naturang grupo. Nakabantay ang mga salarin malapit sa kanyang bahay at minanmanan pa ang paligid ng 20 kataong nakasibilyan. Sa tulong ng mga kaibigan at kapitbahay, nakatakas si Valdez sa naturang pagkakahon. Si Valdez ay bise-presidente rin ng KMU National Council.

Mayo 10. Inambus ang ika-pitong nominado ng Anakpawis na si Orly Marcellana ng mga berdugo ni Gloria Arroyo sa Barangay Sala, Cabuyao, Laguna alas-3:30 ng hapon. Kagagaling nina Marcellana at Virgilio Batarlo sa upisina ng Anakpawis papuntang Calamba City nang napansin nilang sinusundan ang kanilang sinasakyang dyip ng dalawang nakabonet na taong nakamotorsiklo. Nang dumaan sila sa isang istasyon ng gasolina, dumating ang dalawa pang tao na ang isa ay may bitbit na M16. Agad tumalon si Marcellana at tumakbo sa malapit na komunidad. Humingi siya ng saklolo at nabigo ang tangkang patayin siya.

Si Marcellana ay pangkalahatang kalihim ng KASAMA-Timog Katagalugan, ang rehiyunal na organisasyon ng mga magsasaka sa rehiyon at regional coordinator ng Anakpawis-Southern Tagalog. Balo siya ng yumaong pangkalahatang kalihim ng Karapatan-TK na si Eden Marcellana na pinatay ng mga berdugo ni Jovito Palparan, Jr. sa Mindoro Oriental noong Abril 2003.

7. (Pananalanta ng pasistang estado) Karahasan sa Negros. Dalawang magsasaka ang napatay at anim na iba pa ang malubhang nasugatan nitong Hunyo 4 nang pagbabarilin sila ng mga pribadong gwardya ni Roberto Cuenca, isang malaking asendero na kaalyado ni Gloria Arroyo. Ang mga magsasaka ay pawang mula sa Hacienda Velez-Malaga sa Negros Occidental. Iginigiit lamang nila ang kanilang karapatan bilang mga “benepisyaryo” ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gubyerno.

Pinasok ng may 100 magsasakang myembro ng Task Force Mapalad (TFM) ang limang ektaryang lupain sa Hacienda Velez-Malaga sa Barangay Robles, La Castellana na iginawad na ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 57 magbubukid ng asyenda na nabigyan na ng CLOA o Certificate of Land Ownership Award. Ang lupang ito ay bahagi ng umaabot sa 144 ektarya na iginigiit ng mga kasapi ng Task Force Mapalad na dapat mapasakamay nila sa kabuuang 446-ektaryang lupain ni Cuenca, isa sa mga nangungunang kroni noon ng diktador na si Marcos.

Tatlong ektarya na ang nabungkal ng mga magsasaka nang bigla silang paputukan ng shotgun ng tatlong bantay ni Cuenca na nakakubli sa mga punong kahoy. Napatay agad sina Alejandro Garcesa, 70, at Ely Tupas, 52, na parehong may mga hawak na CLOA. Nasugatan sina Jude Capitania, 32; Jobert Malayas, 25; Rene Florendia, 27; Alan Hagocoy, 26; Norberto Diamante, 47; at Andre Barcoma, 17.

Iginawad ni DAR Sec. Nasser Pangandaman sa mga magsasaka ang karapatang bungkalin ang lupa makaraan ang halos isang buwang hunger strike ng mga kasapi ng TFM sa upisina ng DAR sa Quezon City mula Pebrero 23 hanggang Marso 22 nitong taon. Ngunit mariin itong tinutulan ni Cuenca. Sa tulong ng kaibigan niyang si Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo ay ginamit nila ang kuneksyon sa Malacañang para hindi matuloy ang aktwal na paghawak ng mga benepisyaryo sa lupa. Ibinigay na dahilan ang di pa raw natatapos na sarbey na magtatakda kung papaano hahatiin ang lupa.

Nanood lamang ang mga tropa ng Regional Mobile Group ng PNP habang nangyayari ang pamamaril, ayon sa mga nakasaksi.

8. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) Matatagumpay na ambus sa Luzon at Visayas. Di bababa sa sampung elemento ng kaaway ang napatay at 14 ang nasugatan sa mga taktikal na opensiba na inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa iba’t ibang dako ng kapuluan mula Mayo 24 hanggang 31. Limang iba’t ibang kalibre ng armas ang nasamsam sa mga armadong aksyong ito.

Sa Compostela Valley. Dalawang CAFGU ang napatay ng mga isnayper ng BHB sa Barangay Pasian, Monkayo noong Mayo 31.

Bago ito, isang sundalo ang napatay sa isang labanan sa pagitan ng 25th IB at BHB sa ilalim ng Front 27 sa Sityo Mahayag, Barangay Banawe, Mawab noong Mayo 29, alas-8 ng umaga.

Sa Aurora. Tinambangan ng BHB sa Sityo Igang, Barangay Dimasaet, Dilasag ang 40 kataong yunit ng “B” Coy ng 48th IB noong Mayo 29, bandang alas-6:30 ng gabi. Pauwi ang mga ito sa kanilang hedkwarters sa Barangay Dibacong mula sa isang operasyon nang masabugan ng command-detonated land mine ang sinasakyan nilang siksbay. Isa ang napatay at siyam ang nasugatan, kabilang ang hepe ng “B” Coy na si 2Lt. Renente Macario.

Sa Masbate. Dalawang M16 at isang M14 ang nasamsam ng mga kasapi ng Jose Rapsing Command ng BHB nang tambangan nila ang mga elemento ng 9th IB noong Mayo 27 sa Barangay Docol, Baleno. Apat na sundalo ang namatay at tatlong iba pa ang nasugatan sa labanang tumagal nang halos tatlong oras.

Sa isang pahayag, sinabi ni Kasamang Greg Bañares, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Bicol na tatlong sundalo ang agad na nabuwal sa unang bugso ng putukan. Nadagdagan pa ang mga kaswalti ng kaaway nang tambangan din ng BHB ang mga pwersang panaklolo.

Nagsilbing pain para magsidatingan ang mga inambus na sundalo ang pagdisarma ng isang iskwad ng BHB noong Mayo 26 sa nag-iisang bantay ng cellsite ng Globe sa Barangay Lahung, Baleno. Nakumpiska mula sa kanya ang isang .38 at isang 12-gauge shotgun.

Sa Negros Oriental. Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma noong Mayo 26 sa bayan ng La Libertad si Sgt. Jonimar Emperado, isang operatibang paniktik ng Philippine Air Force. Ang sarhento ay pangtatlo nang operatibang paniktik ng militar na pinarusahan ng mga myembro ng Leonardo Panaligan Command ng BHB.

Sa Camarines Norte. Isang sundalo ang napatay nang harasin ng BHB noong Mayo 25 ang isang kampo ng militar sa Barangay Tuacang, Basud.

Sa Quezon. Isang sundalo ng 3rd Special Forces Coy ang napatay at dalawa pa ang nasugatan nang magkaengkwentro ang BHB at militar sa Barangay Cagsiay, Mauban noong Mayo 24.

9. Hindi mga batang sundalo. MARIING pinabulaanan ng PKP na mga batang mandirigma ang tatlong kabataang nasa kamay ngayon ng AFP. Binatikos ng PKP ang anito’y pang-iintriga at pagsisinungaling ng AFP at paggamit nito sa mga bata sa mga operasyong counter-insurgency at saywar nito.

Pilit na pinalalabas ng AFP na isang batang gerilya ang 16 na taong gulang na lalaki na dinakip ng mga elemento nito noong Hulyo 3 sa Barangay Milawid, Panukalan, Quezon.

Bago ito, dinakip din ng mga elemento ng 19th IB noong Mayo 27 ang isang 16 anyos na buntis na babae mula sa kanyang bahay sa Barangay Tag-abaca, Leyte, Leyte at pinaratangan din siyang “batang mandirigma”. Isa pang 17 anyos na lalaking sumuko umano noong Mayo 26 sa militar sa Leyte, Leyte ang pinalalabas na menor de edad na myembro ng BHB.

10. Papalaki ang bilang ng kabataang hindi nakakapag-aral. Umabot sa 3.4 milyong mga bata at kabataan ang hindi nakapasok nang magbukas ang mga paaralan nitong Hunyo 4. Ito ang masaklap na katotohanan ng sistema ng edukasyon sa bansa.

Ayon sa estadistika ng Department of Education, umabot sa 10.6% ang tantos ng drop-out (tumigil sa pag-aaral) sa elementarya at 15.8% sa hayskul noong nakaraang taon. Mayorya sa mga tumigil sa pag-aaral ay mula sa mga pampublikong paaralan.

Ayon sa mga pag-aaral, sa bawat 100 pumapasok sa elementarya ay lilimampu lamang ang makakaabot sa hayskul. Sa 50 mag-aaral, 23 lamang ang makakaabot sa kolehiyo. At sa 23, lalabing-apat lamang ang makatatapos ng kolehiyo.

Papaliit ang bilang ng mga mag-aaral habang tumataas ang antas ng edukasyon. Umaabot sa 20.5 milyon ang nag-aaral sa elementarya at hayskul sa buong bansa habang umaabot lamang sa 2.9 milyon ang nag-aaral sa kolehiyo. Mula rito, 400,000 lamang ang nakapagtatapos bawat taon sa kolehiyo.

Hindi na bago ang usapin ng mga drop-out sa bansa. Gayunpaman, mabilis na lumaki ang tantos nitong nakaraang ilang taon lamang. Noong 2004, umabot sa 73% ang drop-out rate sa kolehiyo. Karamihan sa mga ito ay galing sa mga pribadong paaralan.

Isang tampok na halimbawa na rito ang pagbagsak ng enrollment sa University of the East-Recto. Noong dekada 1990 hanggang maagang bahagi ng 2000, umabot sa 15,000 ang bilang ng mga mag-aaral dito. Noong 2005, halos 11,000 na lamang ang mga estudyante rito. Sa departamento nito sa edukasyon, halos 800 na lamang ang mag-aaral. Karamihan sa mga estudyante ay humihinto na sa pag-aaral at ang iba ay lumilipat sa ibang kolehiyong may mababang matrikula.

Kahit ang mga unibersidad ng estado ay hindi rin ligtas sa lumalaking bilang ng mga drop-out. Sa Polytechnic University of the Philippines-Sta. Mesa, taun-taon ay lumiliit ang bilang ng mga nakakapasok sa nasabing unibersidad. Umabot sa 8,000 ang kanilang pinayagang pumasok kumpara sa halos 60,000 na kumuha ng entrance examination noong nakaraang taon. Ngunit kahit nakapasok na ay napakarami naman ang binabayaran na halos mataas pa sa matrikula.

Nitong nakaraang mga taon, malinaw ang tunguhin ng paglipat ng mga estudyante mula sa mga pribadong eskwelahan tungo sa pampublikong eskwelahan dahil relatibong mas mababa ang gastusin sa mga ito. Subalit dahil patuloy na bumababa ang badyet para sa mga pampublikong paaralan, hindi sapat na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga estudyanteng dumadami taun-taon.

Kulang na kulang ang mga paaralan (14,000 sa elementarya at 8,000 sa hayskul). Kulang din ang kasalukuyang mga pasilidad para maserbisyuhan ang 20,587 mga klasrum, P30.6 milyon para sa libro, 16,390 guro at 26,282 prinsipal sa mga pampublikong paaralan.

Hindi pa rin abot ng mayorya ng naghihikahos na mga pamilya ang mga gastos kaugnay sa pagpapaaral sa kanilang mga anak sa mga pampublikong paaralan sa kabila ng relatibong mas mabababang bayarin sa mga ito.

Sa halos lahat ng kaso ng pagtigil sa pag-aaral, pangunahing salik ang mataas na gastos sa edukasyon—mula matrikula, gamit sa eskwelahan, transportasyon at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang estudyante.

Dagdag dito, walang ipinapakitang interes ang reaksyunaryong estado na itaguyod ang de-kalidad at murang edukasyon sa mababa at intermedyang antas. Taun-taon, kinakaltasan nito ang badyet para sa edukasyon.

Gayundin, kakarampot lamang na badyet ang inilalaan sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (P14 bilyon.) Lumiliit ang bilang ng mga ito bunsod ng patakarang rasyunalisayon na nakasaad sa balangkas ng Long Term Higher Education Development Program o LTHDP ng rehimeng Arroyo. Napipilitan silang magtaas ng matrikula o di kaya naman ay magbenta ng mga ari-arian nito sa mga kapitalista.

Sa University of the Philippines, halimbawa, kahindik-hindik ang hanggang 300% na umento sa mga bayarin ngayong pasukan. Mula P300/yunit, magiging P1,000/yunit na ang babayaran ng isang “iskolar ng bayan” upang makapag-aral dito. Mahigit 80 pang pampublikong unibersidad ang nagtaas din ng matrikula.

Higit naman sa 91 na mga pribadong paaralan ang nagtaas ng kanilang matrikula nang hanggang 20% ngayong taon, ayon sa Department of Education.

Kabilang dito ang Bicol University, 6-10%; St. Louis University sa Baguio, 6%; St. Scholastica’s College, 6%; UE Recto, 6-9%; Ateneo de Davao, 8.2%; Trinity University of Asia, 10%; Mapua Institute of Technology, 3%; Phil. School of Business Administration, 15%; Letran College, 5%; at De La Salle University, 5.3%.

Ang mga pagtaas na ito ay naisagawa sa kabila ng panawagan ng mga mag-aaral at magulang na isauli ng mga eskwelahan ang mga sobrang bayaring iligal nilang siningil. Iilan lamang ang tumupad nito at ang iba ay walang pakundangang nagtaas pa nang lagpas sa itinatakdang maksimum na porsyento.

Hindi lamang pinahihintulutan, hayagan pang iniengganyo ng reaksyunaryong gubyerno ang mga paaralang ito na magtaas ng matrikula. Sa pamamagitan ng CHED Memo No. 14, ipinaubaya na ng rehimen ang pagtataas ng matrikula sa mga pribadong may-ari ng mga eskwelahan.

11. RPM-P/RPA-ABB: Watak-watak at umaalingasaw ang baho. Nagaganap ngayon ang matinding banggaan sa pagitan ng mga kriminal na lider ng tinaguriang Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas (RPM-P)/Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB). Sa kanilang pagbabanggaan, ibinubunyag nila ang kani-kanilang kriminal at kontra-rebolusyonaryong aktibidad. Nagiging lalong malinaw na hungkag ang karatulang “rebolusyonaryo” na isinabit nila sa kanilang mga leeg.

Naunang ibinunyag noong Mayo 23 ni Nilo de la Cruz (alyas Sergio Romero), tagapangulo ng RPM-P, ang pagpapatalsik sa tatlong kasama niya sa pamunuan ng RPM-P dahil sa malalaking katiwalian sa pinansya, pagsisilbi bilang mga bayarang private army ng mga pulitiko at pandarahas sa mga magsasaka sa Negros. Pinatalsik niya sina Stephen Paduano (alyas Carapali Lualhati, pambansang kumander ng RPA-ABB), Veronica Tabara (alyas Inca, byuda ni Arturo Tabara at pangkalahatang kalihim ng RPM-P) at Ariel Sabandar (alyas Suk, pinuno ng katiting na grupo ng RPA-ABB sa Central Mindanao).

Ayon kay De la Cruz, sina Paduano ay nagsisilbing pribadong hukbo ng mga bulok na pulitiko tulad nina David Lacson, nanalong meyor ng E.B. Magalona, Negros Occidental; at Jocelyn Limkaichong, nanalong diputado ng unang distrito ng Negros Oriental. Ani De la Cruz, nagsisilbing armadong utusan si Paduano ng mga pulitiko at militar sa pandarahas laban sa mamamayang Negrense. Pinakahuli nito ang pananakot sa E.B. Magalona sa bisperas ng eleksyon nitong Mayo 14 laban sa pagboto kay Mayor Alfonso Gamboa. Hayagan ding nangampanya sina Paduano para kay Limkaichong, na masugid na sumusuporta sa militar laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Inakusahan din ni De la Cruz si Veronica Tabara ng pagkurakot sa P500 milyong pondo mula sa gubyerno para sa kanila umanong “livelihod program” at sa P10 milyong “reintegration fund” para sa kanilang “pagbabalik-loob” sa reaksyunaryong gubyerno. Si Sabandar naman daw ay naghahasik ng mga intriga sa kanilang hanay.

Ibinaling naman nina Paduano, Tabara at Sabandar kay De la Cruz ang akusasyon ng pagiging pinuno ng mga bayarang mamamatay-tao. Inilantad nila ang bigong pagpatay nina De la Cruz kay Gov. Armand Sanchez ng Batangas noong Hunyo 1, 2006 kung saan pinasabugan ng bomba ang kanyang sinasakyan. Grupo rin daw ni De la Cruz ang sumunog sa isang van ng ABS-CBN noong 2005 at binayaran para patayin si Go Teng Kok, presidente ng Philippine Amateur Track and Field Association. Nitong unang linggo ng Hunyo, ang pangkat nina Paudano ay nagdaos ng sariling pulong at naghalal ng sarili nilang bagong tagapangulo, isang Fidel Nava.

Ang pagkakabiyak-biyak ng mga rebisyunistang taksil ay hindi na bagong pangyayari. Mula nang patalsikin sila sa PKP noong maagang bahagi ng dekada 1990 ay tuluy-tuloy na nagkawatak-watak ang maliliit na grupong ito dahil sa pag-aagawan sa pondong mula sa mga kriminal at kontra-rebolusyonaryong aktibidad.

Noong 1996, humiwalay ang pangkat ni De la Cruz sa paksyong binuo nila ni Popoy Lagman at sumanib ito sa RPA na itinayo ni Arturo Tabara. Nagkagalit sina De la Cruz at Lagman dahil sa bangayan nila sa hatian ng daan-daan milyong suhol mula sa PEA-Amari kapalit ng tulong nila sa pagpapalayas ng mga maralita mula sa lupaing inaangkin ng kumpanya. Pinatay nina Tabara at De la Cruz si Lagman noong 2001 bilang ganti sa panloloko nito.

Ngayon, bangayan na naman sa pera ang pangunahing dahilan ng panibagong biyakan sa sinanibang grupo ni De la Cruz.

Nagbubuhay-mayaman ang mga lider ng RPMP/RPA-ABB at ilang paboritong mga tauhan nila, samantalang naghihirap naman ang kanilang mga tauhang pinauupa nila bilang mersenaryo at bandido. Tumatanggap si Paduano ng “retainer’s fee” (regular na kabayaran) mula sa Maricalum Mining Company at Philex Gold Mining sa Sipalay, Negros Occidental, gayundin mula sa plantasyon ng Ylang-Ylang sa Ilog, Negros Occidental na pagmamay-ari ni Danding Cojuangco. Noong namamayagpag pa sa kapangyarihan si Arturo Tabara bilang tagapangulo ng RPM-P ay kinasabwat niya sina Paduano at Daniel Batoy (alyas Mokong), ang pangalawang kumander noon ng RPA-ABB, para bigyan ng armadong gwardya habang nagtatago sa Boracay Island sa Aklan si Boy Cuadra, ang pusakal na drug lord ng Western Visayas.

Ang mga rebisyunista at anti-mamamayang taksil ding ito ang responsable sa pag-atake at pamamaslang sa mga lider at kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) at mga organisasyon ng mga magsasakang alyado ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Task Force Mapalad sa Negros at Panay. Kilalang mga amo nila ang malalaking asendero-kumprador tulad nina Danding Cojuangco, Roberto Cuenca, Rep. Ignacio Arroyo ng Negros Occidental, Gov. George Arnaiz ng Negros Oriental at ang retiradong heneral at hepe ng paniktik ng PNP na si Robert Delfin.

Ang RPMP/RPA-ABB ay nakikipagsabwatan at nagpapakasangkapan din sa militar sa pagpatay at pagdukot sa mga lider aktibista ng hayag na pambansang demokratikong kilusan. Pinakahuli nilang krimen ang pagdukot kina Luisa Posa-Dominado at Nilo Arado noong Abril 12. Mahigit 10 kadre at mandirigma na ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang patraydor nilang pinaslang.

12. (Balita) Panghihimasok-militar ng Australia sa bansa, bubwelo sa ilalim ng bagong kasunduan. PINIRMAHAN noong Mayo 31 nina Gloria Arroyo at Australian Prime Minister John Howard ang RP-Australia Status of Forces Agreement (SOFA), isang kasunduan na nagpapahintulot sa pagpasok ng mga tropang Australyano sa Pilipinas para umano sa mga kontra-terorismong operasyon. Ang SOFA ay maihahalintulad sa Visiting Forces Agreement (VFA) na nauna nang pinirmahan ng US at Pilipinas.

Samantala, bilang bahagi ng tuluy-tuloy na panghihimasok ng US sa Pilipinas, inilunsad ng 2,000 Amerikano at Pilipinong sundalo ang Cooperation Afloat Readiness Training (CARAT) sa Zamboanga City at prubinsya ng Basilan na pinupugaran umano ng mga elemento ng Abu Sayyaf. Tatlong barko de gera ng US kasama ang 1,400 sundalong Amerikano at US Marines ang nagsanay kasama ang tatlong navy patrol boat at 600 sundalo at Marines mula sa AFP mula Mayo 31 hanggang Hunyo 6. Ito ang unang pagkakataon na ginawa sa naturang mga lugar ang CARAT na sa nakaraan ay ginagawa lamang sa dating naval base ng US sa Subic Bay.

13. (Balita) Pag-aresto kay Dr. Binayak Sen, kinundena. MARIING kinundena ng mga organisasyong nagtataguyod ng mga sibil at demokratikong karapatan sa India ang pag-aresto noong Mayo 14 kay Dr. Binayak Sen, pangkalahatang kalihim ng People’s Union for Civil Liberties (PUCL) (Chhattisgarh) at bise-presidente ng PUCL (National). Si Sen ay inaresto sa bisa ng mapaniil na Unlawful Activities (Prevention) Act 2004 at Chhattisgarh Special Public Security Act 2006.

Pinabulaanan ng naturang mga grupo ang akusasyon na si Dr. Sen ay isang Maoistang gerilya. Anila, ikinagagalit ng gubyernong Chhattisgarh ang pagdodokumento ni Dr. Sen ng matitinding paglabag sa karapatang-tao. Aktibo rin si Dr. Sen sa pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mahihirap at pagmonitor ng istatus sa kalusugan at nutrisyon ng mamamayan ng Chhattisgarh. Sa pakikipagtulungan sa Chhatisgarh Mukti Morcha’s Shaheed Hospital, nangunguna siya sa paglulunsad ng programang pangkalusugan at pagtatayo ng isang ospital na pagmamay-ari at pinatatakbo ng mga manggagawa para sa kapakanan ng ordinaryong mamamayan.

Myembro rin siya ng Jan Swassthya Sahyog na nagpapatupad ng isang programa para sa mura at epektibong serbisyong pangkalusugan sa komunidad para sa mga tribo at kanayunan ng distritong Bilaspur ng Chhattisgarh. Aktibo rin si Dr. Sen sa iba’t iba pang lokal na mga programang pangkalusugan sa iba’t ibang lugar ng Chhattisgarh.

Kabilang sa mga organisasyong mariing bumatikos sa pag-aresto kay Dr. Sen ang Human Rights Forum, Andhra Pradesh; People’s Democratic Forum, Karnataka; People’s Union for Democratic Rights, Delhi; Andhra Pradesh Civil Liberties Committee; at Association for the Protection of Democratic Rights, Kolkata.

14. (Balita) Batas para tustusan ang gera sa Iraq, umani ng batikos. BINATIKOS ng mga anti-gerang aktibista si President George W. Bush dahil sa pagpapatibay niya noong Mayo 25 sa kontrobersyal na batas na maglalaan ng $120 bilyon para tustusan ang gera ng US sa Iraq at Afghanistan hanggang Septembre 30. Mariin din nilang kinundena ang mga Democrat sa Kongreso dahil sa pagbitiw nila sa dati nilang iginigiit na itali ang naturang badyet sa pagtatakda ng tiyak na iskedyul ng pag-uwi ng mga tropang Amerikano.

Ikinagalit ng mga anti-gerang aktibista na 86 na Democrat sa Mababang Kapulungan at 37 sa Senado ang bumoto para sa naturang batas. Iginigiit nila na dapat managot ang naturang mga Democrat sa pagsuporta nila sa walang kinahihinatnang gera ng US sa Iraq. Ayon sa mga aktibista, hindi sila mag-aatubiling palitan ang naturang mga representante kung patuloy nilang susuportahan ang gera sa Iraq.

Ang apat na taon nang pakikipaggera ng US sa Iraq ay patuloy na nagdudulot ng kaswalti sa mga tropang Amerikano. Umaabot na sa 3,452 tropa ng US ang namamatay at 34,000 ang nasusugatan. Tinatayang hindi bababa sa tatlong Amerikanong tropa ang namamatay bawat araw.

15. (Balita) Mga sundalo, muling ibabalik sa Kamaynilaan. PORMAL na ibabalik ng AFP ang mga tropa nito sa Metro Manila ngayong natapos na ang eleksyon. Matatandaang napilitan ang AFP at ang rehimen na iatras ang naka-full battle gear na mga sundalo dala ng matinding pagbatikos ng iba’t ibang sektor sa kanilang presensya sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila.

Mahigit 600 sundalo ang nakatakdang italaga ng AFP sa 16 na paaralan sa Maynila, Quezon City, Malabon, Caloocan at Taguig para tumulong diumano sa paglilinis ng kalat pagkatapos ng eleksyon. Gayunpaman, tulad ng nakaraan, ipagpapatuloy nila ang paniniktik sa mga progresibong grupo at organisasyong masa.

Naglunsad ng kilos protesta nitong Hunyo 4 ang Kabataan Party para kundenahin ang pagbabalik ng mga sundalo sa Metro Manila. Nananawagan ito na itigil na ang militarisasyon sa Metro Manila na nagiging dagdag na paraan para sikilin at abusuhin ng mga sundalo ang mga ordinaryong sibilyan.

Samantala, inianunsyo ng Philippine National Police (PNP) ang pagdedeploy ng “secret marshals” sa mga pampublikong lugar. Bubuuin ito ng mga ordinaryong pulis at mga di-unipormadong non-commissioned officer. Kahalintulad ito ng deployment noong panahon ng diktadurang Marcos ng mga tropa ng Metrocom sa mga pampublikong lugar at sasakyan para tiktikan ang binansagang mga subersibo at maka-Kaliwang grupo.

16.


Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s



%d bloggers like this: