the prwc blog


June 21, 2007 Regular Issue
July 25, 2007, 12:18 pm
Filed under: Ang Bayan

1. Editoryal: Ibasura ang CARP at isulong ang rebolusyong agraryo. Sa loob ng halos dalawang dekada nang pagsasakatuparan ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), malinaw sa masang magsasaka na isa lamang itong huwad na programa sa reporma sa lupa. Malaking panloloko ang deklaradong layunin at mga sinasabing tagumpay nito. Nananatili hanggang ngayon ang malawakang problema ng kawalan ng lupa ng nakararaming magsasaka.

Walang pinag-iba ang CARP sa serye ng mga naunang programa sa reporma sa lupa na binalangkas ng papet at reaksyunaryong gubyerno ng malalaking panginoong maylupa, kumprador at burukrata-kapitalista. Tadtad ito ng mga ligal na butas na nagpapawalang-saysay sa umano’y layunin nito. Sa katuus-tuusan, nagtagumpay ang CARP hindi sa pamamahagi ng lupa kundi sa pagpapanatili sa paghaharing panginoong maylupa at sa pyudal at malapyudal na monopolyo sa lupa at produksyon sa kanayunan.

Lalong tumampok ang kahungkagan ng CARP nang gawin itong kasangkapan ng reaksyunaryong gubyerno para magsilbi sa imperyalistang “globalisasyon.” Ginamit lamang ng magkakasunod na rehimen ang CARP upang padaliin ang pagpapalit-gamit at pagpapailalim ng milyun-milyong ektarya sa kontrol ng dayuhang malalaking korporasyon sa agribisnes o mga proyektong komersyal at panturismo ng malalaking kumprador. Lalong lumala ang korapsyon sa CARP sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Hinuhuthot ang bilyun-bilyong pondo nito, kabilang ang binabawing nakaw na yaman ng mga Marcos na nakalaan sa programa.

Kaya marapat lamang na puspusang tutulan ng kilusang magsasaka ang balak na pagpapalawig pa sa programang ito. Palalawigin lamang nito ang ilusyon at ang paghihirap ng masang magsasaka.

Ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa ay nagtutulak sa kanila na puspusang kumilos upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Sa lahat ng sulok ng bansa, patuloy na umaalingawngaw ang sigaw ng mga magsasaka para sa tunay na repormang agraryo. Ipinaglalaban nila ang kanilang karapatang magmay-ari ng lupa. Naglulunsad sila ng mga pagkilos para labanan ang pangangamkam ng lupa. Hinahadlangan nila ang mga programa at malalaking proyektong pagmimina, pagtotroso at pagtatayo ng mga plantasyon na pawang mapanira sa kapaligiran at sa kanilang kabuhayan. Tinututulan nila ang pagbaha ng mga imported na produktong agrikultural at ang buong iskema ng imperyalistang “globalisasyon” na pumapatay sa lokal na produksyong agrikultural at nagwawasak sa kanilang kabuhayan.

Kasabay nito, nilalabanan din ng kilusang magsasaka ang mga pasistang atake, pang-aabusong militar at terorismo ng kaaway. Nilalantad at binabatikos nila ang korapsyon sa gubyerno, laluna kung isinasangkalan pa ang umano’y mga programang pangmagsasaka. Ipinagtatanggol nila ang kanilang mga demokratikong karapatan at iginigiit ang mga serbisyo publiko at iba pang responsibilidad ng gubyerno sa masang hikahos.

Puspusang isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa ang tunay na reporma sa lupa sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa pamamagitan lamang nito mapagpasyang malulutas ang daantaon nang problema sa lupa at kahirapan ng mayorya ng mamamayang Pilipino. Sa harap ng matindi at marahas na reaksyon ng kaaway, isinusulong ang rebolusyong agraryo habang masigla at malaganap na ipinupursige ang armadong pakikibaka at ang pagtatayo ng rebolusyonaryong baseng masa.

Nag-aalab ang rebolusyonaryong diwa at paglaban ng masang magsasaka habang kumakalat ang apoy ng rebolusyong agraryo.

Puspusang ipinatutupad sa papalawak na saklaw ang minimum na programa ng rebolusyong agraryo habang hindi pa naipagtatagumpay sa buong bansa ang digmang bayan. Oras na magtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyong bayan, mapagpasyang ipatutupad sa pangkalahatang saklaw ang kumpiskasyon, nasyunalisasyon at libreng pamamahagi ng lupa. Ito ang magiging isa sa unang hakbangin ng bagong demokratikong gubyerno. Garantiya rin ito laban sa rekonsentrasyon ng lupa at paghahanda sa susunod na yugto ng pagtatayo ng sosyalistang lipunan.

Kasalukuyang malawakang inilulunsad ng rebolusyonaryong kilusan sa mga larangan at sonang gerilya ang iba’t ibang pakikibakang antipyudal, tulad ng hakbang-hakbang na pagpapababa ng upa sa lupa, pagpawi sa usura, pagpapataas ng sahod at pagpapahusay ng kalagayan sa trabaho ng mga manggagawang bukid, pagpapababa ng presyo at arkila sa mga gamit at sangkap sa produkyon at pagpapataas ng presyo ng mga produkto ng magsasaka.

Isinusulong ang iba’t ibang bahagi ng rebolusyong agraryo alinsunod sa linya ng nagkakaisang prenteng antipyudal. Sumasalig pangunahin sa maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid; kinakabig ang mga panggitnang magsasaka; ninunyutralisa ang mga mayamang magsasaka; at sinasamantala ang pagkakahati-hati sa hanay ng mga panginoong maylupa upang maihiwalay at madurog ang mga despotiko at pusakal. Kaalinsabay na pinalalawak din ang rebolusyonaryong nagkakaisang prente para mahikayat ang iba pang positibong pwersa at maihiwalay ang pinakamasasahol na kaaway.

Bahagi rin ng rebolusyong agraryo ang pagsasakatuparan ng iba’t ibang programa para maitaas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng kooperasyon at pagpapaunlad ng produksyon. Nagsusulong din sila ng mga pakikibaka para mapaunlad ang iba’t iba pang sosyo-ekonomiko-kultural na programa at aktibidad. Kabilang dito ang edukasyong masa, sining, kalusugan at iba pa na pawang makatutugon sa mga kagyat na pangangailangan at pag-unlad ng masang magsasaka.

Maaari ring ipatupad sa kasalukuyan ang maksimum na programa ng kumpiskasyon sa lupain ng ilang piling pinakadespotiko at pusakal na panginoong maylupa na may mabibigat na krimen sa masang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan. Kailangan lamang masusing pag-aralan ang bawat kaso at ibatay sa kakayahan ng mga rebolusyonaryong pwersa at masang magsasaka na ipagtagumpay ito at lutasin ang mga problema sa pagpapatupad at pagpapanatili nito. Dapat tiyaking maipagtatanggol ito sa harap na matinding reaksyon dito ng mga naghaharing uri. Hindi rin dapat makaapekto sa patuloy na pagpapalawak ng rebolusyonaryong nagkakaisang prente ang pagpapatupad ng maksimum na programa.

Tuwirang ipinamamahala sa mga kooperatibang samahan ng mga magsasaka ang mga kumpiskadong lupain para maipamahagi nang libre sa mga magsasakang wala o labis na kulang ang lupang mabubungkal, gayundin ang mga tiwangwang at abandonadong lupain sa saklaw nila. Patuloy na mahigpit ding ipinaglalaban ng rebolusyonaryong kilusan na mapanatili o maibalik sa kolektibong pag-aari ng mga pambansang minorya ang kanilang mga lupaing ninuno.

Sa puspusang paglalantad at paglaban sa huwad na reporma sa lupa at antas-antas na pagsusulong ng rebolusyong agraryo, natutugunan ang pangunahing demokratikong kahilingan ng mamamayang Pilipino. Kasabay ng pagsusulong ng iba pang rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan, ibayong napalalawak, napatatatag at napalalalim ng rebolusyonaryong kilusan ang baseng masa nito sa kanayunan.

2. Walang tunay na malawakang distribusyon ng lupa. Malaking kabulastugan ang ipinamamarali ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mga tagumpay sa “reporma sa lupa.” Mahigit tatlong milyong ektarya umano ng lupa ang ipinamahagi sa 1.9 milyong magsasaka mula 1988. Mayroon na lamang umanong 1.3 milyong ektaryang lupaing ipamamahagi sa isang milyong magsasaka sa susunod na pito hanggang sampung taon.

Walang kabuluhan kung tutuusin ang mga ipinagmamalaki ng DAR. Binilang lamang nito ang ipinamahaging mga CLOA (Certificate of Land Ownership Award), kasama na ang milyong setler at pambansang minoryang matagal nang nakatira at nagbubungkal ng mga lupaing ilang ulit na kunwa’y “ipinamahagi” sa kanila. Hindi binibilang ang dami ng kaso ng pagkalubog sa utang, pagbawi sa CLOA, ang napakaraming kaso ng pangangamkam ng lupa at iba pang nagpapawalang-saysay sa CARP.

Pag-iwas sa reporma sa lupa. Napakalaganap ng mga paraan ng pag-iwas sa reporma sa lupa bunga ng maraming probisyon ng CARP na ginagamit na palusot ng mga panginoong maylupa.

Sa pamamagitan ng pagpapalit-gamit, milyun-milyong ektarya ang naiiiwas sa saklaw ng CARP. Sa balangkas ng Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) at mga probisyon ng CARP na nagpapahintulot ng pagpapalit-tanim (crop conversion) at pagpapalit-gamit ng lupa (land-use conversion), malalawak na lupaing agrikultural ang ibinaling sa mga produktong pang-eksport o aquaculture (tulad ng pag-aalaga ng sugpo) at gamit komersyal, industriyal, residensyal at panturismo. Alinsunod ito sa patakarang pagpapailalim ng ekonomya sa imperyalistang “globalisasyon.” Pinakamalala ito sa tinatawag ng gubyerno na “growth areas” (“mga lugar ng paglago”) sa Southern Tagalog, Central Luzon, Central Visayas, Western Visayas at Southern Mindanao, kung saan walo sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa. Sa isang kakatwang kaso, naglagay lamang ang isang panginoong maylupa ng ilang pirasong hipon sa batya sa gitna ng kanyang 150 ektaryang lupain sa San Jose, Occidental Mindoro para palabasing isa na iyong palasugpuan, at gayo’y di na saklaw ng CARP.

Ang 157-ektaryang Hacienda Banag sa Isabela, Negros Occidental ng pamilya ni Mike Arroyo ay ipinakakategoryang “industrial zone” dahil magtatayo raw doon ng planta ng ethanol (mula sa tanim na tubo doon).

Ang mismong patakarang “voluntary offer to sell” o boluntaryong pagbebenta ng panginoong maylupa ng kanyang mga lupain sa mga magsasaka at ang mismong pangangailangang magbayad ang mga magsasaka ng amortisasyon ay taliwas sa diwa ng reporma sa lupa. Sa ilang kaso, umaabot sa P150,000 kada ektarya ang sinisingil ng panginoong maylupa.

Upang makalusot sa limang-ektaryang retention limit ng CARP, pinagtitilad ng mga panginoong maylupa ang kanilang mga lupain at inilagay sa pangalan ng iba’t ibang tunay o kunwaring anak, iba pang kamag-anak, mga katiwala at iba pang kakutsabang pamprente. Ang mga lupaing “boluntaryong” ibinenta ay karaniwang yaong hindi produktibo.

Sa pinakamasahol pang kaso, tulad ng nangyari kamakailan lamang sa Hacienda Velez-Malaga, maging ang mga “benepisyaryo” na nabigyan ng CLOA ay marahas pa ring pinipigilan pa rin ng mga panginoong maylupa na mag-okupa at magbungkal ng lupaing “naipamahagi” na sa kanila.

Ang stock distribution option. Tumampok ding paraan ng pag-iwas sa reporma sa lupa sa malalaking asyenda ang iskemang stock distribution option (SDO) na ipinatupad sa Hacienda Luisita sa Tarlac at iba pang malalaking asyenda, kabilang ang mga asyendang pag-aari ng pamilya ni Mike Arroyo sa Negros.

Bilang alternatibo umano sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, binigyan sila ng maliliit na sapi bilang bahagi umano ng kanilang pag-aari sa Hacienda Luisita Inc. (HLI). Ang mga saping ito ay tuluy-tuloy na pinaliit at nawalan ng halaga samantalang ang mga Cojuangco ay gumawa ng iba’t ibang manipulasyon para mapalobo ang kanilang sapi sa korporasyon. Binawasan ang araw ng paggawa at maramihang pinagtatanggal ang mga manggagawang bukid para mabawasan pa at tuluyan nang mabura ang katiting na sapi nila sa korporasyon.

Ni walang dibibendong ibinibigay sa mga natitirang magsasakang sinasabing stockholder (o may hawak na sapi). Katunayan, mayroon sa kanilang nakakatanggap na lamang ng kakarampot na P9.50 lingguhang kita, matapos ang napakaraming inaawas sa kanilang sahod. Naibenta pa ang ilang bahagi ng 6,500 ektaryang lupaing dapat napunta sa mga magsasaka nang hindi ikinokonsulta sa kanila.

Rekonsentrasyon ng lupa. Laganap ang kaso ng muling pag-agaw ng mga panginoong maylupa sa mga lupaing umano’y naipamahagi na. Dahil sa napakataas na halagang kailangang bayaran ng mga magsasaka para sa kakapirasong lupa, karamihan sa mga naging “benepisyaryo” ay hindi nakakukumpleto ng hulog. Isinasaad sa batas na iilitin ng Land Bank ang lupa at hindi na isasauli ang nauna nang ibinayad oras na di makapaghulog ang magsasaka sa loob ng tatlong magkakasunod na taon.

Gamit ang iskemang “cooperative joint venture” na kawangis ng SDO, mahigit 150,000 ektaryang lupain ang kinamkam ni Eduardo “Danding” Cojuangco sa Isabela upang pagtamnan ng kamoteng kahoy na isusuplay sa San Miguel Corporation (SMC). Ang mga lupaing ito’y dating naipamahagi na sa mga magsasaka.

Sapilitang tinipon ni Cojuangco ang mga ito sa binuo niyang huwad na kooperatiba at ipinadeposito rito ang kanilang mga CLOA. Idinikta ni Cojuangco ang mga patakaran sa pagtatanim at pagpepresyo ng produkto. Ipinagkait niya sa mga magsasaka maging ang lupang pagtatamnan ng sariling pagkain.

Dahil sa napakataas na rekisitos at gastos sa produksyon ng kamoteng kahoy na kailangan ng SMC, libu-libong magsasaka ang nangalugi at nalubog sa utang na umaabot ng P40,000 kada anihan. Sa desperasyon nila, walang nagawa ang karamihan ng mga magsasaka kundi tuluyan nang isuko kay Cojuangco ang kani-kanilang mga CLOA.

Kahit sa kaso ng mga nagpupumilit pa ring makapagbayad ng amortisasyon, madalas ay nalulubog sa utang ang mga magsasaka at napupwersang isanla at malao’y ibenta uli ang kanilang lupa sa dati o iba pang panginoong maylupa, usurero o kumprador kapitalista. Bukod sa kahirapan ng nakararami na kumpletuhin ang amortisasyon, hirap na hirap ang masang magsasaka dahil sa napakamahal at patuloy na tumataas na presyo ng mga pangangailangan sa pagsasaka samantalang napakababa naman ng presyo ng kanilang produkto.

Daluyan ng korapsyon. Mula nang ipatupad ang CARP, ginawa itong palabigasan ng masisibang matataas na upisyal ng gubyerno, pangunahin na si Gloria Arroyo at mga alipures niya. Umaabot na sa P110.9 bilyon ang nagagastos na ng gubyerno mula 1988 hanggang 2004 sa pamamahagi umano ng 3.5 milyong ektarya ng lupa at sa pagbibigay umano ng serbisyong pansuporta sa sinasabing 1,614 na agrarian reform community. Malaking bulto ng halagang ito ay kinurakot at ginamit sa pansariling interes ng Malacañang at mga upisyal ng DAR, Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gubyerno na may kapangyarihan sa pondo ng CARP. Para umano makumpleto ang di pa natatapos na tungkulin ng CARP, kailangan pa raw nila ng mahigit P20 milyong piso at mas malaki pa ang kakailanganin para sa mga serbisyong suporta at iba pang gastos sa implementasyon.

Matatandaang umabot sa P2.8 bilyong pondo ng CARP at mga serbisyong suporta umanong kaakibat ng pagpapatupad ng reporma sa lupa ang ginamit ni Arroyo para sa panunuhol at pandaraya sa eleksyon noong 2004. Bahagi ng kinurakot nina Arroyo ang P570 milyong nakalaan sa CARP mula sa nasekwester na nakaw na yaman ng mga Marcos.

Walang habas na karahasan. Ang kasaysayan ng pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo ay mahabang kasaysayan ng karahasan. Noong Enero 22, 1987, nagbuwis ng buhay ang 13 magsasaka at nasugatan ang mahigit 70 pa sa kamay ng mga sandatahang pwersa ng Malacañang dahil lamang sa paggigiit nila ng tunay na reporma sa lupa. Bago pa ito, libu-libo nang mga rebolusyonaryong pwersa at magsasaka ang nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban para sa pangunahing demokratikong kahilingan nilang ito. Ang naging bantog na “Masaker sa Mendiola” ay nagtulak sa Kongreso sa ilalim ng rehimeng Aquino noon na balangkasin ang CARP. Pero dahil hindi nito totoong niresolba, at bagkus ay pinalala pa, ang pyudal at malapyudal na pag-aari ng lupa at pagsasamantala sa kanayunan, hindi nawala ang karahasang pumapaligid sa mahigpit na kahilingan para sa tunay na reporma sa lupa. Mula nang ipatupad ang CARP, daan-daan pang magsasaka at iba pang nagtataguyod ng tunay na repormang agraryo ang naging biktima ng pandarahas ng estado.

Nito lamang Hunyo 4, pinagbabaril ang mga magsasaka sa Hacienda Velez-Malaga, sa La Castellana, Negros Occidental. Dalawa ang napatay at anim ang nasugatan sa naturang pamamaril. Binaril ang mga magsasaka habang nagtatabas ng tubo sa asyenda na patuloy na ipinagkakait sa kanila ng malaking panginoong maylupang si Roberto Cuenca.

Noong 2004, pitong welgista ang napatay at mahigit 100 ang nasugatan nang pagbabarilin ng mga pulis, sundalo at gwardya ng asyenda ang mga nagpoprotestang magsasaka sa Hacienda Luisita. Marami pang lider, aktibista at sumuporta sa laban ng mga magsasaka sa asyenda ang pinagpapatay pagkatapos niyon.

Mula 1997, laganap ang karahasan sa Hacienda Looc sa Batangas sa pagtatangkang agawin ng Fil-Estate ang lupain ng mga magsasaka.

Sa buong bansa, patuloy na ginagamit na instrumento ng estado ang militar, pulisya, mga grupong paramilitar at mga sanggano ng malalaking panginoong maylupa sa pamamaslang, pagdukot, panghaharas, panggigipit at iba pang karahasan laban sa mga magsasaka.

3. Pyudalismo, malapyudalismo at atrasadong agrikultura. Mahigit 80% ng tinatayang 13 milyong ektaryang lupaing agrikultural sa bansa ay pag-aari pa rin ng mga panginoong maylupa. Sangkapat (25%) nito ay pag-aari ng 9,500 lamang na malalaking asendero. Halimbawa, sa prubinsya ng Cagayan ay 437 pamilya lamang ang nagmamay-ari ng buong lupaing agrikultural; sa Cebu, 155 pamilya lamang; at sa Negros Oriental ay sasampung pamilya lamang ang humahawak sa kalakhan ng mga lupain.

Pinakamalaking panginoong maylupa si Eduardo “Danding” Cojuangco. Mahigit 150,000 ektarya ang kinamkam niya sa Isabela para eksklusibong mailaan sa pagtatanim ng kamoteng kahoy na gagamitin ng kumpanya niyang San Miguel Corporation. Mayroon din siyang 1,000 ektarya sa Mindoro, mahigit 1,000 ektarya sa Pangasinan at mahigit 4,000 ektarya sa Negros. Mahigit 8,000 ektarya sa Hacienda San Antonio at Hacienda Sta. Isabel sa Isabela ang kinamkam ni Cojuangco at ibinenta sa Land Bank.

Sa Nueva Ecija, may mahigit 7,000 ektarya ang pamilya Tinio at 9,700 ektarya naman ang nasasaklaw ng Hacienda de Santos. Sa Tarlac, may sakop na 6,453 ektarya ang pamilya ni dating pangulong Corazon Aquino na nagmamay-ari sa Hacienda Luisita. Sa Zambales, ang mga pamilyang Gordon at Barretto ay may mahigit tig-isang libong ektarya. Mahigit 8,500 ektarya ang hawak ng pamilyang Roxas sa Batangas. Ang pamilyang Yulo ay mayroong 7,100 ektarya sa Laguna. At ang pamilyang Floirendo ay may 4,500 ektarya sa Mindanao.

Kabaligtaran ito ng ipinagmamalaki ng Department of Agrarian Reform na naipamahagi sa mga magsasaka ang 80% ng mga lupang agrikultural.

Sa katunayan, mahigit 80% ng mga magsasaka sa bansa ay walang sariling lupang binubungkal. Dahil dito, napipilitan silang pumaloob sa mga mapagsamantala at mapang-aping relasyon sa produksyon. Maging sa sistemang kasamá man o sa buwisan, malaki ang iniuupa nila sa lupa ng asendero. Mataas din ang interes sa pautang na binabayaran nila sa mga usurero. Mabigat na pasanin para sa kanila ang lumalaking gastos sa produksyon tulad ng mataas na presyo ng mga binhi, pataba, pestisidyo, bayad sa patubig, upa sa mga kagamitang pansaka at iba pa.

Gayundin, binabarat sila sa presyo ng kanilang mga produkto at napakababa ng sahod na tinatanggap nila bilang mga manggagawang bukid. Umaabot sa 52% ng mga lupang sakahan ang nakapaloob sa gayong mapagsamantala at mapang-aping sistemang kasamá, leasehold o iba pang anyo ng pyudal o malapyudal na relasyon sa lupa. Patuloy na tumitindi ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa mga magsasaka.

Kaakibat ng kawalan ng tunay na reporma sa lupa ang lubhang pagkaatrasado ng agrikultura at paghihirap ng masang magsasaka sa bansa. Nananatiling maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon at ang karaniwang sukat ng lupang sinasaka ay kalahati hanggang isa’t kalahating ektarya. Sa mahigit kalahati ng mga sakahan, mga atrasadong demanong kasangkapan pa rin ang gamit gaya ng kalabaw at sinaunang araro. Umaabot lamang sa 30% ng mga sakahan ang may irigasyon.

4. Mga tagumpay ng kilusang magbubukid sa bansa. Sa kabila ng panggigipit at pandarahas ng reaksyunaryong estado, tuluy-tuloy na umaani ng mga tagumpay sa mga pakikibaka nitong nagdaang 20 taon ang masang magbubukid sa bansa.

Kabilang sa pinakatampok ang tagumpay ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004. Sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka at paglulunsad ng malawakang welga, natamo ng masang magsasaka ang malawak na suporta at tagumpay sa kanilang paglaban sa stock distribution option bukod sa iba pang mga kahilingan, kabilang ang pagbabalik sa mga sinesanteng manggagawa ng Central Azucarera de Tarlac at pagtataas sa sahod nila at ng mga manggagawang bukid.

Sa San Jose del Monte, Bulacan, nanaig sa paggigiit na makapanatili at makapagsaka ang mahigit 109 magsasakang pamilya sa 311 ektaryang lupain. Naging matagumpay sila sa kabila ng paggamit ng dahas nina Gregorio Araneta at noo’y Rep. Manuel Villar noong 1999 upang mapatalsik sila sa mga lupang kanilang sinasaka.

Tagumpay namang nakapananatili sa kanilang lupain ang libu-libong magsasaka sa mga bayan ng Gabaldon, Guimba, Laur at Palayan City sa Nueva Ecija at sa inookupang lupa ng Fort Magsaysay Military Reservation.

Gayundin, dahil sa masikhay na paglaban ng mga magsasaka at mangingisda mula noong 2000, hindi sila napatalsik ng Fil-Estate at Manila Southcoast Development Corporation sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.

Patuloy namang nakapagsasaka ang mga pinatatalsik na magsasaka sa loob ng Negros Occidental Agricultural College sa Kabankalan City. Gayundin ang 800 pamilyang magsasaka sa Central Mindanao University (CMU) sa Musuan, Bukidnon na hanggang ngayon ay nakapagsasaka sa mahigit 500 ektaryang lupain. Ito ay dahil sa kanilang sama-samang pagkikipaglaban para sa kanilang lupain sa CMU.

Sa North Quezon naman, naipaglaban ng mga magsasaka na matanggal ang resikada ng kopra. (Ang resikada ay porsyentong arbitraryong kinakaltas ng mga komersyante sa presyo ng koprang di pa raw gaanong tuyo at gayo’y kailangan pang patuyuin uli.) Napataas naman ang arawang sahod ng mga manggagawang bukid sa Occidental Mindoro mula P60 tungong P100.

Napababa naman ng mga magsasaka sa Cagayan Valley ang interes sa usura mula 50-60 kilo ng mais o palay para sa bawat P1,000 tungong 25 kilo na lamang. Napataas naman nila ang presyo ng mais sa rehiyon mula P6.30 kada kilo tungong P7.00 kada kilo.

Sa ilang bahagi ng Ilocos, napababa ang resiko sa tabako mula 10% tungong 3.75% na lang. Matagumpay ding naibasura ng mga magsasaka ang sistemang sortido o ang klasipikasyon ng tabako base sa sinasabi ng mga kumprador na kalidad nito. Dating pinapababa ng mga kumprador ang presyo ng tabako sa pagsasabing mababa ang kalidad ng produkto ng magsasaka gayong wala namang upisyal na sistema ng klasipikasyon ng tabako. Napataas din ang presyo ng kape mula P45 tungong P65 bawat balde, dahil na rin sa mga pagkilos ng mga magsasaka.

Sa Bicol naman, napataas ang presyo ng kopra mula P9.80 tungong P11.00 matapos ang mobilisasyon ng 3,000 magsasaka na pinangunahan ng Bicol Coconut Planter’s Association, Inc. (BCPAI) noong 2005 laban sa Cosay Oil Mills sa Pili, Camarines Sur.

Sa Mindanao, napataas naman ang arawang sahod ng mga manggagawang-bukid mula P70 tungong P80 at napataas ang sahod ng mga tagapitas ng kalamansi mula P30 tungong P40 kada bag. Napigilan ng mga magsasaka ang plano ng may-ari ng lupa na gawin itong plantasyon ng palm tree. Napataas din ang presyo ng saging at abaka, gayundin ang sahod ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon ng tubo sa iba’t ibang lugar sa Bukidnon.

Patuloy ang paglaban ng mga magsasaka sa pangangamkam ng lupa ni Eduardo “Danding” Cojuangco. Kamakailan, nabigo ang tangka niyang patalsikin ang mga magsasaka sa Hacienda San Antonio at Sta. Isabel sa Isabela.

5. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) 4 na riple nasamsam, 15 tropa napatay sa ambus sa Compostela Valley. Apat na riple ang nasamsam at 15 tropa ng kaaway ang napatay nang tambangan ng Yunit Gerilya ng Front 20 ng Conrado Heredia Command (CHC) ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang isang pinaliit na kumpanya ng 28th IB noong umaga ng Hunyo 7 sa Km. 56, Barangay Rizal, Monkayo, Compostela Valley. Isang Pulang mandirigma ang nagbuwis ng buhay. Dalawang M14 at dalawang M16 ang nasamsam ng BHB.

Mariing pinabulaanan ni Ka Roel Agustin, tagapagsalita ng CHC, ang binaluktot na ulat ni Brig. Gen. Carlos Holganza, hepe ng 1001st Brigade ng Philippine Army, na siyam na Pulang mandirigma ang napatay sa naturang ambus. Pinasinungalingan din niya ang pagmamayabang ni Holganza na naagaw ng militar ang isang kampo ng BHB. Anang CHC, alam nitong may ilang araw nang naglulunsad ang AFP ng isang malaking operasyon at isa lamang ang 28th IB sa maraming yunit militar na nag-ooperasyon. Hinayaan ng dati nang nakapusisyong mga gerilya na pumasok sa killing zone ang 56 na sundalo bago sila pasabugan ng isang land mine. Agad na nalagay sa depensibong pusisyon ang kaaway habang pinauulanan sila ng bala ng BHB.

Isang elemento ng CAFGU ang nabihag ng BHB sa labanan ngunit pinalaya siya sa makataong batayan.

Inilunsad ang ambus bilang sagot sa matagal nang hinihingi ng masa sa lugar na mariing parusahan ang 28th IB sa kanilang mga karumal-dumal na krimen laban sa bayan.

6. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) 5 armas nasamsam ng BHB sa Catanduanes. Nakasamsam ang Nerissa San Juan Command ng Bagong Hukbong Bayan ng dalawang M14, dalawang M16 at isang .45 kal. pistola nang tambangan nila ang apat na elemento ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay Oga, Pandan, Catanduanes nitong Hunyo 16. Ayon kay Kasamang Greg Bañares, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol, unang napatay sa ambus ang isang pulis. Nang sumaklolo ang mga kasama niyang pulis ay naganap ang pangalawang ambus at napatay ang tatlo pa sa kanila.

7. Nagkakaisa ang PKP, ang sambayanang Pilipino at ang Bangsamoro sa pagkundena sa bulok na eleksyon. Partido Komunista ng Pilipinas. Hunyo 11, 2007. Kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng buong rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan nito ang pang-aapi, pagsasamantala at pang-aabusong tuluy-tuloy na ginagawa ng mga naghaharing uri laban sa Bangsamoro, gayundin sa buong sambayanang Pilipino. Umabot na ito sa sukdulan at napagtuunan ng pambansang atensyon sa katatapos na eleksyon nang ang halalan sa mga lugar na kalakhang populasyon ay Moro ay halinhan ng sistematikong pananakot, walang pakundangang karahasan, malawakang pamimili ng boto, pagkakait sa mamamayan ng karapatang bumoto, todo-todong pandaraya at pagmanipula sa bilangan.

Tulad ng ginawa nila noong 2004, ang gubyernong Maynila at ang reaksyunaryong pangkatin ni Gloria Arroyo, kasabwat ang mga lokal na pyudal na warlord, na naman ang mga pasimuno at pangunahing opereytor ng naturang mga karahasan, manipulasyon at abuso na nagsamantala at nang-insulto sa Bangsamoro. Walang kahihiyang ipinangalandakan ng naghaharing pangkating Arroyo ang “command vote” nito sa Mindanao na titiyak daw sa tagumpay nito. Hanggang ngayon, todo ang pagsisikap ng rehimen dito sa desperadong pagtatangkang makaagaw ng isa pang pwesto sa Senado at masabotahe pa ang eleksyon sa party list.

 Mahigit isandaang taon nang umiiral ang gayong pandarahas, pagsasamantala at pang-aabuso sa Bangsamoro sa partikular at sa buong sambayanang Pilipino. Sa mga nagdaang dekada, ang mga pulitiko mula sa mga elitistang uring nakikipag-agawan sa milyun-milyong “swing votes” ay nagbubuhos ng daan-daang milyong pisong kinurakot sa pondo ng gubyernong Maynila para suhulan ang mga upisyal ng Comelec at mga pwersang militar at pulis, pondohan ang mga lokal na warlord at mamili ng boto. Ngunit pagkatapos ng eleksyon at maupo na sa pwesto ang mga elitistang pulitiko, ang mga eryang Moro ay siya na uling pinakapinababayaan at nananatiling pinakamahirap at pinakaapi sa buong bansa.

Ikinakatwiran pa ng mga tagapagtanggol ng naghaharing pangkating Arroyo ang “magic” ng Mindanao—ang “pagdidikta” ng mga lokal na pyudal na warlord sa 100% ng mga boto ayon sa kanilang kagustuhan—bilang partikular na katangian ng mamamayan sa mga lugar ng Moro. Malaking insulto ito sa Bangsamoro at tinatabunan nito ang buong sistema ng pambansang pang-aapi, pagsasamantala at pang-aabuso at ang pagsasabwatan ng pambansang naghaharing uri at mga lokal na pyudal na warlord sa likod nito. Bahagi ito ng mas malawak na sistemang sosyo-ekonomiko-pulitiko-kultural na umiiral sa buong bansa na umaapi sa Bangsamoro at sa buong sambayanang Pilipino.

Pinansin ng PKP ang pagtanggi ng Moro Islamic Liberation Front na makibahagi sa marahas at madayang sistema ng halalan sa mga lugar ng Moro. Ganap na sumasang-ayon ang PKP sa mga rebolusyonaryong kapatid at kababayan natin sa mga eryang Moro na ang gayong paglapastangan sa eleksyon ay hindi kailanman lulutas sa daan-daang taon nang mga problemang sosyo-ekonomiko at pulitiko-kultural ng mamamayan—ng Bangsamoro at ng buong sambayanang Pilipino.

Ang PKP, sambayanang Pilipino at Bangsamoro ay nagkakaisa sa pagkundena sa bulok na eleksyon at sa paghahangad ng halalang tunay na malaya at sumasalamin sa kalooban ng sambayanan. Matatamo lamang ito kapag naibagsak na ang mapagsamantala, mapang-api at mapang-abusong sistemang panlipunan at napalitan na ito ng rebolusyonaryo, tunay na malaya, demokratiko at maka-mamamayang sistema.

8. Dayaan sa Maguindanao, patuloy na pinagtatakpan. Iniatras na ng Comelec nitong Hunyo 15 ang nauna nitong planong ideklarang bigo ang eleksyon sa Maguindanao. Hindi na umano maaaring magsagawa ng espesyal na eleksyon sa prubinsya dahil naiproklama na ang mga lokal na upisyal dito. Ibinatay ng Comelec ang desisyong ito sa katitikan lamang ng Provincial Board of Canvassers na nagsasaad na nabilang ang mga boto sa 22 munisipalidad at batay dito ay naiproklama na ang mga lokal na upisyal.

Hindi aktwal na naiprisinta ang mga certificate of canvass (COC) mula sa naturang mga munisipalidad dahil ayon kay Lintang Bedol, pinuno ng Comelec sa prubinsya, nawala ang mga dokumento.

Sa halip, hahabulin na lamang ng Comelec ang mga COC sa mga liblib na lugar ng Maguindanao at ito na lamang ang kanilang sisiyasatin. Nang igiit ng abugado ng oposisyon ang pangangailangang ipatawag at pagsalitain ang mga myembro ng Board of Election Inspectors (BOI) na nakatalaga sa nasabing mga lugar, tumanggi ang Comelec sa katawa-tawang dahilan na hindi nito kayang sagutin ang pamasahe ng naturang mga upisyal.

Nitong Hunyo 19, idineklara ng Comelec na tunay ang nahagilap nilang mga kopya ng COC na iprinisinta sa kanila ng mga election inspector mula sa 21 munisipalidad ng prubinsya.

Binatikos ng Kontra-Daya, isang koalisyong nagtataguyod ng malinis na eleksyon, ang hakbang na ito ng Comelec. Ayon sa kanila, lalo lamang pinatatampok ng Comelec ang papel nito sa makinarya ng rehimen sa pandaraya. Sa pagtanggap nito sa maanomalyang mga resulta ng bilangan sa antas prubinsya, maaring isingit pa ng Comelec ang kandidato ng Team Unity na si Miguel Zubiri sa ika-12 pwesto pagkasenador.

 

9. Saksi sa dayaan sa Maguindanao, pinaslang. Isa sa mga gurong nagpahayag ng kahandaang tumestigo kaugnay ng naganap na dayaan sa Maguindanao ang pinaslang nitong Hunyo 9.

Si Musa Dimasidsing ay binaril ng di nakilalang mga lalaki noong Hunyo 9 sa harap ng isang paaralan sa Pikit, North Cotabato. Katatapos lamang kumain si Dimasidsing nang bigla na lamang mawalan ng kuryente ang paaralan. Habang nasasaklot ng dilim ang paligid ay binaril siya sa ulo at dibdib. Agad siyang namatay. Pansamantalang nakatira si Dimasidsing, kasama ang iba pang guro sa naturang paaralan dahil sa takot na bweltahan sila ng nagpakana ng pandaraya sa prubinsya.

Si Dimasidsing ay isang school district supervisor at myembro ng Board of Elections Inspectors (BEI) sa Pagalugan, Maguindanao. Isa siya sa mga nagbunyag na walang nangyaring botohan sa Maguindanao noong nakaraang eleksyon, taliwas sa nais palabasin ng upisyal ng Comelec na si Lintang Bedol. Nakatakda sana siyang humarap sa imbestigasyon ng National Board of Canvassers sa susunod na araw upang isalaysay ang mga kaso ng anomalya at dayaan. Ang testimonya niya, kasama ng iba pang myembro ng BEI, ang direktang sasalungat sa mga palusot at pagsisinungaling ni Bedol na nanalo nang 12-0 ang Team Unity sa lugar.

Mariing kinundena ng mga kapwa guro, mga progresibong organisasyon at ligal na oposisyon ang pagpaslang kay Dimasidsing. Malinaw ang layunin nitong pigilan ang pagtestigo niya sa imbestigasyon ng Comelec, anila. Isa itong desperadong tangkang takutin at patahimikin ang iba pang nangahas na ibunyag ang dumi at karahasan ng nagdaang eleksyon laluna sa mga lugar sa Mindanao.

Bukod kay Dimasidsing, ginigipit din at tinatakot ang ibang mga gurong nagnanais tumestigo kaugnay ng ginawang pandaraya ng Team Unity sa Maguindanao.

10. (Pananalanta ng pasistang estado) Lider ng Bayan Muna sa Bohol, pinaslang. Hindi pa humuhupa ang mga pamamaril at pagdukot ng mga berdugo ng rehimeng Arroyo sa harap ng matitinding pagbatikos mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Pinakatampok sa mga kasong nakalap ng Ang Bayan ang pagpaslang sa provincial coordinator ng Bayan Muna sa Bohol at pag-aresto sa isang panrehiyong lider ng Gabriela sa Southern Tagalog.

 Hunyo 17. Namatay si Mario Auxillo, 50, provincial coordinator ng Bayan Muna sa Bohol, dalawang araw matapos siya barilin ng isang kasapi ng Alimaong, isang grupo ng mga anti-komunistang vigilante. Katatapos lamang pulungin ni Auxillo ang mga mangingisda bago maghatinggabi sa pamilihang bayan ng Bien Unido, Bohol nang pagbabarilin siya noong Hunyo 15 ng vigilanteng si Hilario Mandaho Diola. Tinamaan siya sa panga at kaliwang braso.

Ang grupong Alimaong sa Bohol ay nasa pangangasiwa ng 15th IB.

Nitong katatapos na eleksyon kung saan kumandidato para bokal ng ikalawang distrito ng Bohol si Auxillo ay tuluy-tuloy ang kampanyang paninira sa kanyang pagkatao, sa organisasyon ng mga magsasakang Humabol (Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon) at Bayan Muna. Ayon sa ipinagkakalat na itim na propaganda ng AFP, niloloko lamang ng BM ang mamamayan at prente lamang umano ito ng Bagong Hukbong Bayan.

Samantala, dinukot ng mga elemento ng 407th Provincial Mobile Group si Rogelio Marquez, 27, myembro ng Alyansa ng Magsasaka sa San Jose, kaanib na organisasyon ng Samahan ng mga Magsasaka sa Kanlurang Mindoro, panlalawigang tsapter ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Si Marquez ay dinukot sa Sityo Artemia, Barangay Bubog, San Jose, Occidental Mindoro alas-11 ng umaga habang nagmamaneho ng kanyang “kuliglig” (sasakyang pinaaandar ng hand tractor). Nakakulong ngayon si Marquez sa istasyon ng pulis sa San Jose sa gawa-gawang kaso ng bigong pagpatay at iligal na pag-iingat ng mga armas.

Hunyo 15. Pinatay ng lima-kataong death squad si Jessie Bacalso, isang empleyado ng University of Eastern Philippines (UEP) at aktibong kasapi ng COURAGE-UEP. Pinagbabaril si Bacalso bandang 5:30 ng umaga sa labas lamang ng kanyang bahay sa Scouts City, UEP, Catarman, Northern Samar. Nagtamo siya ng walong tama ng bala.

Noong araw ding iyon ay dinukot ng mga nag-ooperasyong elemento ng 54th IB ang anim na estudyante ng Mt. Province General Comprehensive High School nang masalubong sila ng mga tropa sa Bangaan, Busao-Kili foot trail. Pawang mga taga-Kili, Tubo, Abra ang mga dinukot na kabataan. Ang mga lalaki ang nakilalang sina Egan, Banglay at Magensay. Hindi pa nakikilala ang mga babae.

 Hunyo 9. Pinakawalan malapit sa Vicente Subdivision sa Davao City si Gilbert Rey Cardiño, 28, may 30 oras matapos siyang dukutin. Si Cardiño, provincial coordinator ng Bayan Muna sa South Cotabato, ay dinukot sa Koronadal City noong Hunyo 6 ng umaga. Isa sa limang lalaking dumukot sa kanya ay may suot na jacket ng PNP.

Nang pakawalan si Cardiño ay natawagan niya at nahingan ng tulong ang kanyang mga kaibigan at nakauwi siya sa Koronadal. Agad siyang dinala sa ospital kung saan napag-alamang dumanas siya ng trauma dahil sa matinding tortyur. Nagkapasa siya sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Hindi rin siya agad nagbigay ng pahayag dahil pinagbantaan siyang papatayin ng mga dumukot sa kanya kapag isiniwalat niya ang buong pangyayari. Sa panayam sa kanya ng midya limang araw matapos siyang pakawalan, sinabi niyang pilit siyang iniuugnay sa Bagong Hukbong Bayan. Pinalaya lamang siya matapos siya pumirma sa kasulatang nagsasaad na magsisilbi siyang impormer laban sa kanyang mga kasamahan sa BM.

Hunyo 7. Inaresto ng mga elemento ng Regional Intelligence Office 4-A, Cavite PNP at Philippine Air Force si Christina Digal Credito, 48, sa kanyang bahay sa Barangay Mailen Bago, Naic, Cavite mga alas-7:30 ng gabi. Si Credito ay pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Samahang Magsasaka sa Kabite at isa sa mga lider ng Gabriela sa Southern Tagalog. Pinaratangan siyang sangkot sa pagpatay kay Lamberto Olarte, elemento ng Civilian Home Defense Forces at sa anak nitong si Maria Dulce noong Agosto 1, 1987. Mariing pinabulaanan ng biktima ang akusasyon ng mga pulis ng Cavite na may kinalaman siya sa pagpatay na nangyari 20 taon na ang nakararaan. Kasalukuyang nakadetine si Credito sa Camp Pantaleon Garcia sa bayan ng Imus.

Mayo 13. Dinukot ng mga sundalo ng 20th IB si Jimmy Sansel, isang magsasakang residente ng Barangay Hiratigan, Lope de Vega, Northern Samar.

Ayon sa mga nakasaksi, pwersahang kinuha si Sansel ng mga tropa at isinakay sa isang trak. Nagtatrabaho siya noon sa kanyang koprahan sa Barangay Kainaga, Lope de Vega. Hindi pa muling nakikita si Sansel mula noon.

Ang pagdukot sa kanya ay naganap matapos maglunsad ng matagumpay na ambus ang BHB noong araw ding iyon sa Upper Kainaga, Lope de Vega. Isang sundalo ang namatay at isang M14 at M60 ang nasamsam sa naturang ambus.

11. Mga pampulitikang pamamaslang, paiimbestigahan ni Trillanes. Malugod na tinanggap ng mga progresibong organisasyon at mga pamilya ng mga biktima ng karahasang militar ang pahayag ng bagong halal na senador na si dating Ltsg. Antonio Trillanes IV na paiimbestigahan niya ang pagkakasangkot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa laganap na pampulitikang pamamaslang ng mga aktibista. Ito ang unang aasikasuhin niya pagkaupo sa Senado. Naniniwala si Trillanes na ang mga death squad ay walang iba kundi mga espesyal na yunit na pinatatakbo ng mga yunit paniktik na pinamumunuan ng matataas na upisyal ng AFP ng rehimeng Arroyo.

Dalawang heneral ang nagpahayag ng suporta kay Trillanes.

 Handa silang magbigay ng mga detalye na tutulong sa kanyang imbestigasyon. Ayon sa kanila, isang bukas na lihim ng matataas na upisyal ng AFP ang patakaran ng pamamaslang. Katunayan, madalas itong ipagmalaki ng isang heneral sa mga pormal at di pormal na pulong kasama ang ibang upisyal.

Kaugnay din nito, nanawagan din sa Senado ang oposisyunistang si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada na imbestigahan ang mga pampulitikang pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo oras na magbukas ang ika-14 na Kongreso sa Hulyo. Binatikos din ni Estrada ang patuloy na pag-aatubili ng Malacañang na pagtibayin ang tratado ng United Nations laban sa sapilitang pagkawala.

Gayunpaman, desidido na ang rehimeng Arroyo na barahan ang mga imbestigasyon nina Trillanes at Estrada. Sinabi nina AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon at Executive Secretary Eduardo Ermita na muli nilang gagamitin ang Executive Order 464 para hadlangan ang pagdalo ng mga upisyal ng militar at gubyerno sa mga imbestigasyon sa Senado hinggil sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang.

Samantala, dahil sa lumalakas na presyur sa AFP na pakawalan na si Trillanes mula sa pagkakapiit niya sa Camp Bonifacio, ipinahayag ni Esperon na iuutos niya ang paglaya ng bagong halal na senador kung ito ang magiging desisyon ng sibilyang korteng dumidinig sa kasong kudetang kinakaharap ni Trillanes.

Ipinroklama si Trillanes bilang ika-11 senador nitong Hunyo 15, mahigit isang buwan pagkatapos ng eleksyon. Mahigit 11 milyong boto ang nakuha niya, patunay na suportado ng malaking bilang ng mamamayan ang pag-aaklas na inilunsad nina Trillanes noong 2003 laban sa bulok na rehimeng Arroyo. Bago ito, napilitan din ang matataas na upisyal ng AFP na amining nagpasarbey sila sa hanay ng mga sundalo upang tukuyin kung sinu-sino sa kanila ang bumoto kay Trillanes noong nakaraang eleksyon.

Tinuligsa ni Trillanes at ng kanyang mga kaalyado sa Genuine Opposition ang naturang sarbey. Anila, nilabag nito ang mga karapatang sibil ng mga sundalo dahil pinwersa silang ibunyag ang kanilang mga paninindigan at gamitin ito laban sa kanila. Isa raw itong desperadong tangka para tukuyin at tugisin ang sinumang tumututol sa korapsyon at pasismo ng rehimen at ng matataas na upisyal ng AFP.

12. Hungkag ang propaganda ng kaunlarang pang-ekonomya. Makaraang lumabas nitong Abril ang pinakahuling mga pang-ekonomyang estadistika ng gubyerno, walang sawang itinatambol ng Malacañang ang anito’y 6.9% paglago ng Gross Domestic Product (GDP o kabuuang halaga ng produksyon at konsumo sa bansa) sa unang kwarto ng 2007. Ipinagmamalaki ni Arroyo na ito na ang pinakamalaking paglago ng ekonomya nitong nakaraang 17 taon. Ngunit kung susuriin, matutukoy na hungkag at mapanlinlang ang mga estadistikang ito at malaking kasinungalingan ang pagmamalaki ni Arroyo tungkol dito. Tinatakpan lamang nito ang pagkaatrasado ng ekonomya at ang patuloy na lumalalang kahirapan at kagutuman ng mamamayang Pilipino.

Mahalagang masuri ang nasa ilalim ng ipinalabas na pampagandang estadistika ng rehimen, at sa partikular kung saan nanggaling ang ipinagmamalaking 6.9% paglago ng GDP, upang makita ang tunay na nangyayari sa ekonomya.

May ilang taon nang ang pangunahing nagsusustine ng ekonomya ay ang konsumong ibinubunsod ng malalaking remitans na pinadadala ng mga migranteng maggagawa. Umaabot sa mahigit $3.5 bilyon (o mahigit P162 bilyon) ang pumasok na remitans ng mga migrante nitong unang kwarto ng 2007, mahigit P40 bilyon ang laki kaysa noong unang kwarto ng 2006. Mahigit 10% din ito ng buong GDP noong unang kwarto ng 2007 na nagkakahalaga ng P1,521 bilyon batay sa kasalukuyang mga presyo.

Partikular nitong unang kwarto ng 2007, ang pinakamalaking dagdag na salik sa “paglago” ng GDP ay ang buhos ng pera para sa kampanyang elektoral. Umabot sa P30 bilyon hanggang P50 bilyon ang ginastos ng mapeperang kandidato, na karamiha’y nasa kampong Arroyo. Bukod rito, nagmadali rin ang gubyerno na magbuhos ng karagdagang ilampung bilyong piso noong unang kwarto para pampasigla umano ng ekonomya, at para pondohan ang mga programang kontra-kagutuman, tulong sa mga tinamaan ng sakuna, segurong pangkalusugan at iba pa, na pawang ginamit lamang sa kampanya para sa mga kandidato ng kampong Arroyo. Isa sa pinamalalaking pinanggalingan ng pondo na ginamit ng gubyerno sa kampanya ng kampong Arroyo ang P25.1 bilyong kinita nito sa pagbebenta ng mga sapi ng gubyerno sa Philippine Long Distance Telepone Company.

Halos lahat ng malalaking pumasok na remitans ng mga migrante at ang malaking gastos ng mga kandidato at gubyerno sa kampanyang elektoral ay napunta sa konsumo, pangunahin na sa serbisyo. Pinakamataas at di hamak na mas malaki ang dagdag na gastos ng gubyerno sa konsumo (13.3%) kaysa sa dagdag na gastos ng mga pribadong indibidwal dito (9.3%).

Ito ang dahilan kung bakit sa unang kwarto ng 2007, biglang lumaki nang 11.4% batay sa kasalukuyang presyo (o 9.1% batay sa mga presyo noong 1985) ang kita ng sektor ng serbisyo. Mahigit 64% ito ng inilaki ng GDP sa unang kwarto ng 2007 kumpara noong unang kwarto ng 2006. Sa sektor ng serbisyo, pangunahing lumaki ang gastos sa komunikasyon (laluna ang paggamit sa cellphone at internet) at transportasyon.

Dati-rati nang mahigit kalahati ng GDP ang bahagi ng sektor ng serbisyo, habang palaging mas maliit dito ang sektor ng industriya at kahit ng agrikultura. Tuwing may malalaking bugso ng pasok ng pera, tulad ng paggastos ng mga kandidato at gubyerno para sa kampanyang elektoral, ang pinakamalaking pinupuntahan ng gastos nila ay mga serbisyo at komersyo. Sa gayon, makikitang walang pangmatagalang epekto ang mga ito sa pag-unlad ng ekonomya at kabuhayan ng mamamayan.

May pinalalabas ang gubyerno na kaunting paglaki rin sa sektor ng industriya at agrikultura. Pero kung palalalimin pa ang pag-aaral kahit ng mga sariling estadistika ng gubyerno, makikitang bumagal ang tantos ng paglago ng manupaktura at konstruksyon.

Sa aktwal, ang mas saligang bahagi ng ekonomya—ang industriya at agrikultura—ay nananatiling lugmok at may tunguhing pabagsak. Tanda ito na ang pinalalabas na “kaunlaran” ay hungkag, hindi magbubukas ng malakihang oportunidad para sa empleyo o magbibigay sa mamamayan ng pag-asang magkaroon ng sapat na kabuhayan. Ang iilang larangan ng pagmamanupakturang nagpakita ng paglaki ng produksyon ay ang manupaktura ng papel (9.0%) at ang pag-iimprenta (5.6%) dahil sa paglaki ng gamit nito noong eleksyon.

May nagpapatuloy na pangkalahatang pagbagsak ang manupaktura, batay sa ulat ng Monthly Integrated Survey of Selected Industries (MISSI) na gumagawa ng buwanang sarbey ng produksyon ng lahat ng mga establisimyento sa sektor ng manupaktura. Noong buong 2006 ay bumagsak ito nang 9.9%. Ayon sa MISSI, mula pa noong pagbungad ng 2007 ay tuluy-tuloy pa rin ang pagbagsak nito. Bumagsak ang manupaktura nang 16% noong Enero, 21.6% noong Pebrero at 7.6% sa huling ulat nito noong Marso. Tampok sa ulat ng MISSI nitong Marso ang pagbagsak ng manupaktura ng tela (46.4%), tabako (42.4 %), sapatos at damit (37.1%), makinaryang di-elektrikal (35.7%), produktong goma (16.6%) at makinaryang dekuryente (13.4%). Sa matagal nang panahon, ang nakararanas ng matinding pagbagsak ay ang mga pambansang kapitalistang gumagawa ng iba’t ibang klase ng maliliit na makinarya. Ayon sa maraming establisimyentong dumaranas ng tuluy-tuloy na matinding pagbagsak, pangunahing sanhi nito ang “globalisasyon,” partikular ang walang rendang pagpasok ng mas murang mga import.

Ipinangangalandakan din ngayon ng rehimeng Arroyo na lumiit ang disempleyo. Pero sa unang kwarto ng taon, batay sa sariling estadistika ng gubyerno ay nadagdagan ng 13,000 ang bilang ng mga walang hanapbuhay. Lalong mas kapuna-puna ang 442,000 na naidagdag sa bilang ng mga kulang sa hanapbuhay.

Batay sa estadistika ng gubyerno, ang kabuuang bilang ngayon ng mga wala at kulang ang hanapbuhay ay umaabot na sa 21 milyon—pinakamalaki mula 2001. Tanda pa rin ng lalim ng problema ng disempleyo ang napakalaki at patuloy na dumaraming bilang ng mga migranteng manggagawang Pilipino. Ang mahigit 10 milyong migrante sa iba’t ibang bansa na nagtatrabaho dahil walang makitang sapat na trabaho sa Pilipinas ay umaabot na sa 12.5% ng populasyon ng bansa. Pinakamalaki ang porsyentong ito sa buong mundo.

Lalong matingkad na palatandaan ng kawalang pag-unlad ng ekonomya ng Pilipinas ang lumalalang kahirapan at kagutuman ng mamamayan. Umaabot sa 45 milyon o mahigit kalahati ng populasyon ang nagkokonsidera sa sarili na dukha at umaabot sa 17 milyon sa kanila ang madalas na nakararanas ng matinding kagutuman. Walang naitutulong ang rehimeng Arroyo sa pagpapagaan ng kalagayan nila. Bagkus ay ibayo pang pinalalala ng rehimen ang kahirapan at kagutuman ng lalo pang dumaraming Pilipino.

13. Pagtaas ng matrikula, tinututulan. Sinalubong ng protesta ng mga kabataan ang pagbubukas ng klase noong Hunyo 7 at 13 dahil sa pagtaas ng matrikula at iba pang suliranin ng sektor. Nagprotesta ang mga kabataan sa tanggapan ng Commission on Higher Education (CHEd) sa Pasig at sa kalyeng Morayta, Maynila. Nagkaroon din ng hiwalay na protesta sa mga syudad ng Davao, Iloilo at Baguio.

Ayon sa League of Filipino Students (LFS), hindi makatarungan ang ginawang 2-16% pagtaas ng matrikula sa 88 pamantasan at kolehiyo sa buong bansa. Ang maramihan at malakihang pagtaas ng matrikula ay ibinunsod ng pagsuspinde ng CHEd sa Memorandum Order No. 14 at No. 42 na nagtatakdang ang pagtaas ng matrikula ay ibabatay sa tantos ng implasyon ng bansa. Dahil sa pag-atras ng memorandum na ito, buong layang itinaas ng mga kapitalistang nagmamay-ari ng paaralan ang matrikula sa kanilang mga eskwelahan. Ang 38 paaralang nagtaas ng kanilang mga bayarin ay nag-umento nang lagpas sa 6.2% na takdang limitasyon.

Magsasampa ng petisyon ang mga konseho at publikasyon ng mga paaralan sa Korte Suprema para ipahinto ang nasabing pagtaas, ayon sa LFS.

Kasabay nito, hinihingi ng Kabataan Party sa mga mambabatas na muling pag-aralan ang Education Act of 1982 dahil ito ang naging puno’t dulo ng walang sagkang pagtaas ng matrikula ng mga pribadong pamantasan. Pinaiimbestigahan din nila ang ilang mga pamantasan na mataas ang singil sa matrikula at napapabilang sa top 5,000 na mga korporasyon sa bansa. Kabilang dito ang Centro Escolar University, Far Eastern University, Mapua Institute of Technology, University of the East, AMA Computer University at STI Colleges.

Nagkaisa naman ang mga magulang at estudyante ng University of the Philippines sa Diliman na magprotesta upang labanan ang ipinatutupad na 300% pagtaas sa matrikula at iba pang bayarin sa kanilang pamantasan. Tinututulan din nila ang pagpapalayas sa mga estudyanteng nangungupahan sa mga dormitoryo na hindi makabayad sa renta bunsod na rin ng pagtaas ng singil sa matrikula. Bumagsak nang 20-40% ang bilang ng mga bagong estudyante sa UP dahil sa nasabing pagtaas ng matrikula.

Samantala, dahil sa lumalalang krisis sa ekonomya at edukasyon, patuloy naman ang pagbagsak ng bilang ng mga nakapag-aaral sa elementarya at hayskul. Ayon sa Ibon Foundation, umabot sa 2.5 milyong batang edad 5-17 anyos ang hindi nakapag-aaral sa kasalukuyan. Bumaba nang 106,903 ang bilang ng nag-enrol sa elementarya, at 67,746 sa hayskul.

Bukod rito, tampok din ang mga suliranin ng malaking kakulangan ng mga libro, siksikan sa mga silid aralan at pinaigsing oras ng pag-aaral dahil sa kakulangan sa klasrum at iba pang pasilidad. Dahil sa kakulangan ng badyet, ang ibang mga guro sa mga pampublikong paaralan ay napipilitang maningil sa mga estudyante. Sa Payatas Elementary at High school, naningil ang mga guro ng P400 sa mga estudyante para matustusan ang ilang batayang pangangailangan tulad ng tisa.

Bukod pa rito, tinututulan din ng mga mag-aaral ang pagpapadala ng mga sundalo sa kanilang paaralan. Ayon sa kanila, dapat paalisin ang mga sundalo dahil ang presensya ng militar ay naghahatid ng takot sa mga estudyante at guro at nagmimistulang garison ang mga eskwelahan.

14. Kolonyal na patakaran sa edukasyon. Ipinatupad simula ngayong pasukan sa lahat ng paaralang elementarya at hayskul ang Executive Order No. 210 ng Malacañang na nagtatakda ng paggamit ng Ingles bilang medium of instruction o wika sa pagtuturo.

Alinsunod sa EO 210, simula Grade 1 ay ituturo ang Ingles bilang ikalawang lenggwahe. Pero simula Grade 3 ay ito na ang siyang pangunahing wikang gagamitin sa pagtuturo ng matematika at mga subject na may kinalaman sa agham at kalusugan, bukod sa pagtuturo mismo ng English. Ito na rin ang gagamiting pangunahing wika sa pagtuturo sa lahat ng hayskul, pribado man o pampubliko. Ibig sabihin, Ingles ang dapat umanong gamitin sa di bababa sa 70% ng kabuuang panahon sa pagtuturo ng lahat ng aralin.

Isang petisyon laban sa EO 210 ang isinampa ng Coalition for a Correct Language Policy (CCLP) sa Korte Suprema. Ang koalisyon ay kinakatawan nina Dr. Patricia Licuanan, presidente ng Miriam College; mga National Artist for Literature na sina Bienvenido Lumbera at Virgilio Almario; Randolf David, isang propesor sa University of the Philippines; Isagani R. Cruz, kritiko at presidente ng WIKA Inc.; at Efren Abueg, isang premyadong manunulat. Pumirma rin sa petisyon ang iba pang batikang manunulat at guro.

Sinasalamin ng CCLP ang patriyotikong pagtutol sa EO 210. Ayon sa CCLP, sasagka ito sa kakayahang matuto ng mga mag-aaral. Tinukoy nito ang resulta ng mga pananaliksik na ginawa ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na nagpapakitang mas mabilis matutong magbasa, magkwenta at umunlad sa pag-iisip ang mga bata kapag ang ginagamit sa pagtuturo ay ang kanilang wikang kinagisnan.

Kinukumpirma ito ng karanasan ng Summer Institute of Linguistics sa Bukidnon. Ang mas matataas na gradong nakukuha ng mga batang katutubo rito sa mga pagsusulit sa literasiya at numerasiya ay patunay na mas madali silang natututo gamit ang lokal na wika sa pagtuturo.

Sa kalagayang hindi ginagamit ang Ingles sa kanilang pang-araw-araw na buhay, mahihirapang matuto ang mga mag-aaral sa elementarya at hayskul kung ito ang pangunahing gagamitin sa pagtuturo. Kadalasan ay mabilis na nawawala ang anumang kaalaman sa pagbabasa at pagsusulat kapag itinuro ito sa wikang Ingles. Palalalain ng EO 210 ang dati nang suliranin sa mapurol na gagap sa syensya at matematika ng mga Pilipinong mag-aaral. Ayon sa sarbey ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) nitong 2003, sa 45 bansa ay pang-41 ang mga mag-aaral ng hayskul sa Pilipinas sa kaalaman sa matematika. Pang-42 naman sila sa kaalaman sa syensya.

Ayon sa koalisyon, labag din ang EO 210 sa konstitusyon na nagtatakdang pambansang wika ang Pilipino at siyang gagamitin sa pagtuturo sa buong sistemang pang-edukasyon. Taliwas din ang EO 210 sa rekomendasyon ng Congressional Commission on Education (EDCOM) noong 1991 na gamitin ang Pilipino at ang lokal na wika sa pagtuturo ng batayang edukasyon. Inatasan ng EDCOM ang Department of Education (DepEd) noong 1991 na magbalangkas ng mga libro at iba pang materyales sa pagtuturo na nasusulat sa wikang Pilipino. Lahat ng subject sa elementarya at hayskul, maliban sa English at iba pang pinag-aaralang lenggwahe, ay dapat nang ituro sa wikang Pilipino pagsapit ng taong 2000, ayon sa EDCOM.

Ipagkakait din ng EO 210 sa mas maraming mamamayan ang karapatang matuto at maging bihasa sa pambansang wika. Lalo lamang nitong palalakasin ang neokolonyal na sistema ng edukasyon sa Pilipinas na nagsisilbi pangunahin sa interes ng mga dayuhan at nagpapanatiling mahirap at atrasado sa bansa. “Hindi Ingles ang solusyon sa kahirapan sa bansa. Bagkus, maaaring isa pa nga ito sa mga nagpapalala ng kahirapan ng mga karaniwang masang Pilipino,” ayon sa mga tumututol sa EO 210.

Sa kabila ng mga syentipikong ebidensyang nagpapakita ng mga pinsalang idudulot ng bagong kautusan sa mga mag-aaral at sa kabila ng mga batas at aksyon ng Kongreso na taliwas dito, ipinipilit pa rin ng Malacañang ang EO 210. Dahil ito sa tulak ng isang bagay na di hamak na mas mahalaga sa rehimen kaysa sa pagkatuto ng mga Pilipinong mag-aaral: ang milyun-milyong dolyar na kikitain ng bangkaroteng gubyerno mula sa mga remitans ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa at mga puhunan ng maraming call center na nagsusulputan ngayon sa Pilipinas. Nadismaya raw si Gloria Arroyo nang mapag-alaman niyang wala pang 5% ng mga aplikante sa mga call center ang natatanggap dahil sa kahinaan ng karamihan sa Ingles. Kailangan aniyang tugunan ang pangangailangan ng mga call center at iba pang mga dayuhang kumpanya ng mga Pilipino na mahusay magsalita ng Ingles.

Sa katuus-tuusan, tanging ang pambansa-demokratikong patakaran ng sistematikong pagtataguyod ng pambansang wika at panitikan, kasabay ng pagpapayaman ng iba pang lokal na lenggwahe at paggamit pangunahin ng sariling wika maging sa pag-aaral ng syensya at teknolohiya, ang titiyak na natututunan ng mga mag-aaral ang kaalamang makapagbibigay sa kanila ng kakayahang makapag-ambag sa pagpapaunlad ng pambansang ekonomya at lipunang Pilipino.

15. Batas sa bayad-pinsala para sa mga biktima ng diktadurang Marcos, hindi inaprubahan. Mariing binatikos ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang hindi pag-apruba ng Mababang Kapulungan sa Human Rights Compensation Bill dahil sa pagsalungat dito ng National Security Council na pinamumunuan ni Norberto Gonzales. Anila, walang basehan ang pangangatwiran ng NSA na ipapasa lamang ang pondo mula sa naturang batas sa mga komunista at subersibo. Maglalaan sana ang Human Rights Compensation Bill ng P10 bilyon para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao noong panahon ng diktadurang Marcos.

Matatandaang ipinasa ang naturang panukala sa Senado noong ika-12 at ika-13 Kongreso ngunit hindi ito inaksyunan ng Mababang Kapulungan. Manggagaling sana ang pondo sa nakaw na yaman ng mga Marcos. Pinangangambahan ng ilang senador na nanakawin na naman ng Malacañang ang naturang pondo sa kalagayang hindi inaprubahan ng Mababang Kapulungan ang naturang batas.

16. Paglilitis sa mga ahente ng CIA, binuksan sa Italy. Sinimulan noong Hunyo 8 sa Italy ang paglilitis sa 20 ahente ng Central Intelligence Agency (CIA) at isang tinyente ng US Air Force na sangkot sa pagdukot sa isang lider Muslim na Egyptian noong 2003.

Dinukot si Hassan Mustafa Osama Nasr sa isang kalye sa Milan, Italy at lihim na ipiniit sa Egypt sa loob ng apat na taon at isinailalim sa matinding tortyur. Hindi siya kailanman kinasuhan ng anumang krimen sa anumang ligal na hukuman.

Ito ang kauna-unahang kriminal na pag-uusig laban sa patakarang “extraordinary rendition” ng US na nagpapahintulot sa mga ahenteng paniktik ng US na mangidnap ng mga pinaghihinalaang terorista at ipasa sila sa mga kakutsabang bansang kilala sa mapang-abusong paraan ng pag-iimbestiga.

Ang paglilitis sa Milan ay itinaon isang araw bago ang takdang pagbisita sa Italy ni Pres. George W. Bush ng US. Kasabay din ito ng paglalabas ng ulat ng Council of Europe na nagdodokumento ng pag-iral ng mga lihim na piitan ng US sa Poland at Romania at nagdedetalye sa mga pamamaraan ng tortyur na ginagamit ng CIA sa naturang mga pasilidad.

Samantala, nanawagan naman si dating US Secretary of State Colin Powell na isara na ang bilangguan ng US para sa umano’y mga terorista sa Guantanamo, Cuba. Aniya, ang iligal na detensyon ng mga suspek doon ay nakasira sa reputasyon ng US. Iminungkahi niyang ilipat sa mga piitan sa US ang mga detenido at agad silang iharap sa hukuman.

17. Planong missile defense ng US, umaani ng batikos. Nagpasiklab ng internasyunal na tensyon ang plano ng US na magpwesto ng missile defense system sa Eastern Europe. Ang naturang sistema, na kinatigan kamakailan ng NATO, ay pananggalang umano ng US at mga kaalyado nito laban sa mga posibleng atake ng Iran at iba pa nilang kalaban. Balak itong ipwesto sa Czech Republic at sa Poland.

Unang umangal si Pres. Vladimir Putin ng Russia. Aniya, ang naturang plano ay pagpapasimula ng panibagong paligsahan sa pag-aarmas na katulad noong panahon ng Cold War. Nagbabala si Putin na maaaring gumawa ng mga ganting hakbang ang Russia kapag itinuloy ng US ang planong ito.

Mahigit 60% ng mamamayang Czech ay tutol sa naturang panukala. Ayon naman sa mga kritiko ng US sa Europe, ang naturang balakin ay patunay ng kawalang-malasakit ng US sa mga kaalyado nito sa Eastern Europe.

Pinakahuling nagpahayag ng reaksyon ang North Korea. Anito, maaaring palakasin pa ng bansa ang programang nukleyar bilang paniguro laban sa banta ng US. Kamakailan lamang ay nakipagkasundo na ang North Korea sa US na ititigil na ang programang nukleyar nito.

18. Plano ng US na pumirmi sa Iraq, nalantad. Nasa likod ng pagpaparami ng pwersang US sa Iraq ang paghahanda para sa permanenteng pananatili nila roon. Nalantad kamakailan ang plano ng rehimeng Bush na magtayo ng apat na malalaking bagong base sa Iraq at humingi ng dagdag na pondo para sa pagpapalawig ng pananakop. Tinatayang mahigit 10 na ang base militar ng US sa Iraq at umaabot na sa 160,000 tropang Amerikano ang nakatalaga roon.

Ang mga itinayong base militar sa Iraq ay kumpleto sa mga pasilidad at halos kasinlawak ng mga dating base militar ng US sa Pilipinas. Mayroon itong mga underground bunker at iba pang pasilidad pandigma na kailangan ng lumalaking pwersa ng okupasyon. Bukod pa ito sa malalaking swimming pool at golf course at marami pang pasilidad para sa libangan ng mga Amerikano. Ang Camp Anaconda sa hilaga ng Baghdad ay may lawak na 38.85 kilometro kwadrado at may paliparan para sa mga eroplanong pandigma ng US.

Matagal nang inirerekomenda ng mga neokonserbatibo at matataas na upisyal militar ng US ang “enduring presence” o matagalang presensyang militar sa Iraq upang ipagtanggol ang kanilang mga interes sa Middle East. Sa pamamagitan ng pagmamantine ng mga base militar, titiyakin ng US na makokontrol nito ang saganang rekursong langis ng rehiyon at ang murang paraan ng pagkuha ng langis. Matitiyak din ng US ang mabilisang deployment ng mga pwersang militar nito hindi lamang sa Middle East kundi pati sa Africa at Europe.

Inihahalintulad ng mga heneral ng US ang pagmamantine ng mga base militar sa Iraq sa kalagayan ng South Korea kung saan estratehikong nakapwesto ang mga tropa nila laban sa North Korea, China at iba pang potensyal na kalaban ng US sa Asia.

 

 

 


Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s



%d bloggers like this: