the prwc blog


July 7, 2007 Regular Issue
July 25, 2007, 12:17 pm
Filed under: Ang Bayan

1. Editoryal: Panloloko ang alok na usapang pangkapayapaan ng rehimeng Arroyo. Nagpupuputak ang mga susing upisyal panseguridad at pandepensa ng Malacañang na nais umano nilang muling buksan ang pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP), pero sa kundisyong magdedeklara ng tigil-putukan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Nananatiling bukas ang rebolusyonaryong kilusan na makipag- negosasyong pangkapayapaan sa naghaharing rehimen basta’t magpakita ito ng sinseridad. Subalit tahasang ibinabasura ng NDFP ang di makatwirang kundisyong nais ipataw ng rehimeng Arroyo para sa pagpapatuloy ng usapan. Malinaw na gustong itali ng rehimeng Arroyo ang muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagsuko ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga rebolusyonaryong pwersa sa pamamagitan ng adelantado at walang batayang pagdedeklara ng tigil-putukan.

Hindi mapayuyukod ang NDFP at rebolusyonaryong kilusan sa banta ng rehimen na pormal na nitong babansagang “terorista” ang PKP at BHB at ihahanay sa mga bandidong grupo tulad ng Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah sa ilalim ng tinaguriang Human Security Act (HSA) o batas “anti-terorismo.” Hindi natitinag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa dakdak ng rehimen na gagamitin ang pasistang HSA para “durugin ang mga terorista” at lipulin ang rebolusyonaryong kilusan bago sumapit ang 2010.

Nais palabasin ng rehimen na ang patuloy na lumalakas at lumalawak na rebolusyonaryong kilusan ay napakahina na at padausdos.

Gusto lamang ikubli ng rehimen ang mga kabiguan nito sa larangan ng digmaan, gayundin ang kawalan nito ng anumang pagnanais na pumasok sa usapang pangkapayapaang tunay na haharap at lulutas sa mga saligang panlipunang suliraning siyang nasa ugat ng armadong tunggalian.

Sa katunayan, puro pagdodoble-kara ang ginawa ng rehimeng Arroyo sa usapang pangkapayapaan sa loob ng nakaraang anim na taon. Halos wala itong tinupad sa mga obligasyon nito na nakapaloob sa mga pinirmahang kasunduan, tulad ng The Hague Joint Declaration of 1992, Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (JASIG) at Oslo Accords noong Marso at Abril 2004.

Sa partikular, patuloy na nilalabag ng GRP ang isang mayor na probisyon ng Oslo Accords na nag-oobligang gumawa ng hakbang ang GRP para bawiin ang pagtutulak nito na mapabilang ang PKP, BHB at punong pampulitikang konsultant ng NDFP na si Jose Ma. Sison sa “listahan ng mga terorista” ng US at European Union. Tinukoy sa Oslo Accords na ang gayong mga listahan at ang panghihimasok ng US sa mga panloob na usapin ng Pilipinas ay labag sa pambansang soberanya at mapanira sa prosesong pangkapayapaan.

Lalong ginagawang imposible ng rehimeng Arroyo na muling mabuksan ang usapang pangkapayapaan ngayong plano na nitong ibilang ang PKP at BHB sa sarili nitong listahan ng mga “teroristang organisasyon.” Gagamiting sangkalan ng rehimeng Arroyo ang gayong paghahanay para todo-todo nitong mailunsad ang kampanyang panunupil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at sa mga ligal na demokratikong pwersang pinararatangan ng rehimen na “prenteng organisasyon” ng PKP-BHB, gayundin ang masusugid na pwersang anti-Arroyo at malawak na oposisyon.

Walang bago kung tutuusin sa ginagawa ngayong pagbabanta ng rehimen na taguriang terorista ang PKP at BHB. Sa kabila ng pagpapawalambisa sa batas laban sa subersyon, malaon nang tinatratong terorista ng rehimeng Arroyo ang PKP at BHB para isaisantabi at tabunan ang mga rebolusyonaryong mithiin ng mamamayang Pilipino, pulaan ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka, ibasura ang usapang pangkapayapaan at bigyang-katwiran ang todo-largang teroristang gera at kampanya ng panunupil laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Mula 2001 ay walang tigil nang nananalasa ang rehimeng Arroyo sa paghahasik ng teroristang kampanya ng mga pampulitikang pamamaslang, pagdukot, iligal na pang-aaresto at pagsosona, pagkontrol sa galaw ng mamamayan, paglulunsad ng mga “food blockade,” pambobomba, panganganyon at pagpapalikas sa buu-buong mga komunidad. Itinutulak nito ang mamamayang Pilipino na mag-armas upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, kamtin ang katarungan at ipataw ang karampatang kaparusahan sa rehimeng Arroyo at mga alagad nito para sa kanilang mga pasistang krimen.

Hinahangad ng PKP, NDFP at lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa ang muling pagpapatuloy ng nauntol na pormal na negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Suspendido ito mula pa noong 2004 dahil sa kawalang katapatan ng GRP na tupdin ang mga obligasyon nito sa mga kasunduang pinirmahan nito at ng NDFP. Inililinaw ng NDFP na nagpapatuloy ang prosesong pangkapayapaan at bukas ito sa exploratory talks para maresolba ang mga balakid sa suspendidong pormal na usapan, hangga’t walang pormal na deklarasyon ng pagsasara nito mula sa alinmang panig.

Sa katunayan, bilang pagmamagandang-loob, dati nang nagpaabot ang NDFP na bukas ito sa tigil-putukan kung pormal na mapagkakasunduan bago pa man ang panukala nitong 10-puntong Maikling Kasunduan para sa Kagyat at Makatarungang Kapayapaan. Mailalatag ng kasunduang ito ang paborableng kalagayan at kinakailangang mga kasunduan bago maipatupad ang tigil-putukan.

Pero hindi kailanman magagawa ng PKP, BHB at mga rebolusyonaryong pwersa na pumasok sa tigil-putukan nang walang kapaki-pakinabang na batayan at labag sa mga rebolusyonaryong prinsipyo at pagsusulong ng nagpapatuloy na armadong pakikibaka.

Lalong hindi magpapatupad ng tigil-putukan ang PKP/BHB habang lansakan ang paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang-tao at walang habas ang pag-atake nito sa mga lider, konsultant at pwersa ng rebolusyonaryong kilusan, mga aktibista ng ligal na demokratikong kilusan at malawak na mamamayan. Ang pagpapatupad ng mga rebolusyonaryong pwersa ng tigil-putukan sa gayong sitwasyon ay katumbas ng pagtalikod sa karapatan at inisyatibang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at ang mamamayan.

Di kailanman bibitiwan ng PKP/BHB at armadong rebolusyonaryong kilusan ang sandata hangga’t umiiral pa ang tunggalian ng mga uri at mayroon pang natitirang kaaway na may armadong kakayahang labanan ang rebolusyon.

Pumapasok ang rebolusyonaryong kilusan sa usapangpangkapayapaan habang isinusulong ang armadong pakikibaka. Ipinakikita nito ang determinasyon na resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa bansa.

Ang rebolusyonaryong armadong pakikibakang inilulunsad ng BHB ang pinakamabigat na tugon at sagka sa teroristang kampanya ng rehimeng Arroyo, katuwang ang kilusang protesta ng mamamayang Pilipino at ng internasyunal na kundenasyon sa mga pampulitikang pamamaslang, pagdukot at iba pang matitinding paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas. Ang pagtalikod sa armadong pakikibaka, maging ang walang batayang pagdedeklara ng tigil-putukan, ay katumbas ng pagtataksil sa rebolusyon at mamamayan.

2. “US humanitarian mission”, mapanlinlang–NDF Bicol. “Hungkag at mapanlinlang,” batikos ni Kasamang Greg Bañares, tagapagsalita ng National Democratic Front ng Bicol, sa isinasagawang “RP-US humanitarian mission” ng mga tropa ng US sa lalawigan ng Albay. Inilunsad ang “humanitarian mission” mula huling linggo ng Hunyo hanggang unang linggo ng Hulyo.

“Ang tunay na layunin ng mga tropang Amerikano ay magsagawa ng pagsasarbey sa mga dagat, pantalan, kalupaan at mahahalagang instalasyong pampubliko,” ani Kasamang Bañares. Idinagdag niyang ang mga ito’y bilang paghahanda sa balak ng imperyalismong US na patindihin ang armadong panghihimasok sa bansa gamit na pantabing ang “military exercises” na nakatakdang ilunsad sa mga susunod na taon.

Tinuligsa ni Kasamang Bañares ang pagsamantala ng imperyalismong US at kakutsabang gubyernong Arroyo sa pagkasalanta ng buhay ng mamamayan ng Albay. Aniya, nagpapanggap na “matulungin at makatao” ang imperyalismong US samantalang ang mga patakaran nito ang dahilan ng pagkalugmok sa kahirapan di lamang ng mga Bikolano kundi ng buong sambayanang Pilipino.

Binalaan ng NDF-Bikol ang mga tropa ng US na huwag magtago sa likod ng “humanitarian mission” upang maniktik sa mga teritoryong saklaw ng Demokratikong Gubyernong Bayan. Huwag din silang lumahok sa mga operasyong pangkombat ng AFP at PNP sa mga lugar na ito upang hindi sila maging target ng mga atake ng BHB.

3. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) 25 armas nasamsam sa Northern Mindanao. Dalawampu’t limang armas ang nasamsam ng Bagong Hukbong Bayan sa dalawang magkahiwalay na reyd na inilunsad sa Agusan del Norte at Bukidnon nitong huling linggo ng Hunyo. Apat na tropa ng kaaway ang napatay sa mga opensibang ito.

Sa Agusan del Norte, nilusob ng mga Pulang mandirigma ng Front 4-A ng BHB ang isang detatsment ng 23rd IB sa Barangay Lawan-Lawan, Las Nieves, noong Hunyo 27, bandang alas-3 ng madaling araw. Ayon kay Ka Cesar Renerio, tagapagsalita ng National Democratic Front-North Central Mindanao Region (NDF-NCMR), nasamsam ng mga Pulang mandirigma ang 17 armas, kabilang ang apat na M14, dalawang M16 at pitong karbin. Nakasamsam din sila ng apat na granada at mga kagamitang pangkomunikasyon.

Napatay sa labanan ang tatlong elemento ng Philippine Army kabilang ang sarhentong namumuno sa detatsment. Sa kabilang banda, nagbuwis ng buhay ang isang Pulang mandirigma.

Matapos ang reyd, pinatay ng mismong mga sundalo ang limang tauhan ng CAFGU na kabilang sa mga nagbabantay sa detatsment. Pinaghinalaan ng AFP na ang mga elemento ng CAFGU ay kasapakat ng BHB sa isinagawang reyd.

Bago ito, sinalakay ng isang platun sa ilalim ng Rexan Perez Command ng BHB ang istasyon ng pulisya sa Dangcagan, Bukidnon noong umaga ng Hunyo 23. Tumagal lamang ng tatlong minuto ang reyd. Napatay dito ang isang nanlabang pulis. Matagumpay na napasok ng yunit ng BHB ang armori ng pulisya at nasamsam ang limang M16, dalawang 9 mm at isang .45.

Samantala, dalawang elemento ng CAFGU ang napatay ng BHB sa isang labanan noong Hunyo 24, alas-8 ng umaga sa Sityo Monte Alegre, Barangay Kandiis, Magsaysay, Misamis Oriental.

4. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) 11 sundalo napatay sa kampanyang militar ng BHB sa ICR. Labing-isang tropa ng Philippine Army ang namatay sa tatlong taktikal na opensibang inilunsad nitong Hunyo sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera (ICR). Ang mga taktikal na opensiba ay bahagi ng kampanyang militar ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa malawakang operasyong isinasagawa ngayon ng AFP sa hangganan ng Abra-Mt. Province-Ilocos Sur.

Pitong sundalo ang napatay nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ng Agustin Begnalen Command (ABC) ng BHB ang isang yunit ng 41st IB sa Barangay Wayangan, Tubo, Abra nitong Hunyo 25. Bago ito, tatlong sundalo rin ang napatay sa ambus na isinagawa ng isang yunit ng ABC sa mga nag-ooperasyong tropa ng 50th IB noong Hunyo 17 sa Sityo Pananuman, Barangay Tubtuba, sa bayan din ng Tubo.

Ang operasyong militar na nilalahukan ng dalawang brigada ng 5th Infantry Division ay ganting salakay ng kaaway sa sunud-sunod na mga taktikal na opensiba ng BHB noong Mayo 12-16 kung saan 13 tropa ng 41st at 54th IB at isang elemento ng CAFGU ang napatay at mahigit 24 ang nasugatan. Nakasamsam din ang BHB ng limang M16, isang M203, dalawang M14, 1,600 bala at iba pang kagamitang militar.

Mas maaga pa rito, mula Enero 7 hanggang Abril 6 ng taong ito ay umabot sa 33 elemento ng kaaway ang napatay at tatlo ang nasugatan sa iba’t ibang labanan sa ICR. Lahat-lahat ay laking kumpanya ang mga kaswalti ng kaaway sa unang limang buwan ng 2007 sa rehiyon.

Ang mga pananambang ay tugon din sa kahilingan ng masa sa lugar na parusahan ang mga tropa sa marami nilang pang-aabuso. Pinakahuling krimen ng mga pasistang militar ang pagdukot nila sa anim na estudyante sa hangganan ng Tubo, Abra at Sagada, Mt. Province noong Hunyo 15.

Sa hiwalay na pangyayari, isang sundalo rin ang napatay sa isang labanan sa pagitan ng BHB at ng Charlie Coy ng 21st IB sa Sityo Iyokan, Barangay Mallango, Tinglayan, Kalinga noong Hunyo 23 ng umaga.

5. Sa kanayunan ng Bukidnon: Pagpaparusa sa pusakal na kriminal. Dama ng mamamayan sa kanayunan ng Bukidnon ang pag-iral ng demokrasyang bayan sa pamamagitan ng lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika. Dito, epektibong napangangalagaan ng demokratikong gubyernong bayan ang mamamayan laban sa mga pusakal na kriminal. Sa ilalim ng demokratikong gubyernong bayan ang hukumang bayan, na dinudulugan ng mga hinaing ng mamamayan, tumitimbang sa mga kaso at nagpapatupad ng hustisya alinsunod sa ebidensyang nakalap. Instrumento ng hukumang bayan sa pagpapatupad ng hustisya ang Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Noong Hunyo 11, ipinatupad ng Rexan Perez Command (RPC) ng BHB ang hatol ng hukumang bayan na parusahan ng kamatayan si Manpaanod “Andabaw” Diwangan, isang pusakal na elementong kriminal na malaon nang inirereklamo ng taumbayan ng Cabanglasan at mga karatig-lugar. Pinarusahan siya sa Mangaod, Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon.

Sa ilang dekada niyang pamamayagpag bilang kriminal na protektado ng militar, si Diwangan ay naging bantog bilang mamamatay-tao, planter ng marijuana at mangangalabaw. Ayon sa pahayag ng RPC, umabot sa walo katao ang walang awang pinaslang ni Diwangan. Umaabot din sa 10 ektarya ang tinatamnan niya ng marijuana, gamit ang binhing ibinibigay ni Maj. Arturo Salvador ng Military Intelligence Battalion sa ilalim ng 4th ID. Di rin bababa sa 15 kalabaw at dalawang kabayo ang ninakaw ni Diwangan mula sa iba’t ibang residente ng mga bayan ng San Fernando at Cabanglasan mula 1996 hanggang 2006.

Ilang taong hindi magalaw-galaw si Diwangan dahil sa kanyang mahigpit na kuneksyon sa militar. Mabangis din siya at palaging pinaliligiran ng kanyang mga armadong tauhan. Subalit sa tulong na rin ng mga impormasyong ipinaabot ng masa sa BHB ay nasukol din siya ng Pulang hukbo at naipataw sa kanya ang karampatang parusa, alinsunod sa atas ng hukumang bayan.

Ang hukumang bayan at ang demokratikong gubyernong bayang nagpapatakbo nito ang siyang tunay na dinudulugan ng maralitang mamamayan ng kanilang mga hinaing. Ito’y di lamang dahil sa kainutilan ng mga reaksyunaryong korte at iba pang tagapagpatupad umano ng batas na pangalagaan ang interes ng mamamayan. Dahil din ito sa malinaw na pagkampi ng mga ito sa malalaking panginoong maylupa at iba pang makapangyarihang tao.

Naging mabunga para sa mamamayan ang mga kasong idinudulog nila sa demokratikong gubyernong bayan. Halimbawa, nitong nagdaang mga taon ay umabot sa 10 kalabaw ang nabawi ng BHB sa mga magnanakaw at naibalik sa mga may-ari.

Taliwas sa reaksyunaryong korte na sa pagsasampa pa lamang ng kaso at sa abugado ay agrabyado na ang mahihirap dahil sa taas ng mga bayarin, walang hinihinging filing fee at iba pang bayarin ang hukumang bayan.

Ang mga datos na pinag-aaralan ng hukumang bayan sa paggawa nito ng desisyon ay boluntaryong ibinibigay ng mamamayan sa mga kasamang kumikilos sa lugar, taliwas sa reaksyunaryong korte kung saan ang mga testigo ay pwedeng bayaran at bilhin.

Makatarungan lamang na sa hukumang bayan idulog ng mamamayan ang kanilang mga karaingan para makamit nila ang hustisyang malaon nang ipinagkakait sa kanila.

6. (Pananalanta ng pasistang estado) Dinukot na mga estudyante sa ICR, nabawi na. Matagumpay na nabawi nitong huling linggo ng Hunyo ang anim na estudyante matapos ang halos dalawang linggo sa kamay ng militar. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at determinasyon ng mga residente ng Kili, Tubo, Abra, naigiit nila sa militar na palayain ang anim sa kabila ng unang pagtanggi ng AFP na nasa kanila ang mga kabataan.

Ang mga dinukot na sina Josie Padingil, Josefa Banglay, Jane Dumalig, Isabel Lawagan, Igan Lumebyang at Sumili Maguinsay ay pawang nasa edad 15-18 anyos at mga estudyante ng Mountain Province General Comprehensive High School (MPGCHS) sa Sagada.

Pauwi na sila noong Hunyo 15 nang dukutin sila ng mga sundalo ng 54th IB sa Bangaan- Buasao-Kili trail. Unang napabalita ang ginawang pagdukot sa mga estudyante sa isyung Hunyo 21 ng Ang Bayan.

Hinanap ng mga residente ng Kili ang kabataan maging sa mga kanugnog na baryo ng hilagang Sagada, Mountain Province. Napag-alaman nilang dinala ng mga sundalo ang mga kabataan upang hindi masundan. Ayon sa dalawa sa mga kabataang dinukot, umabot sila sa Barangay Baclingayan, Tubo. Mahigit isang linggo bago matagpuan ng mga taga-Kili ang mga estudyante sa isang kampo ng militar sa bayan ng Lagangilang, Abra.

Sa tulong ng mamamayan ng Sagada, napilitan ang militar na palayain ang apat na babaeng estudyante noong katapusan ng Hunyo. Ilang araw matapos ito, pinalaya na rin ang dalawang kabataang lalaki at ihinabilin sa konseho ng Sagada. Lumitaw sa dagdag na imbestigasyon na dumanas ang dalawa ng saykolohikal at pisikal na tortyur sa 11 araw na hawak sila ng militar.

7. (Pananalanta ng pasistang estado) Lider-kabataan, tinangkang dukutin. Isang lider ng kabataan ang tinangkang dukutin at ilang manggagawang pangkalusugan ang hinaras ng mga elemento ng AFP nitong nakaraang dalawang linggo.

Hunyo 29. Tinangkang dukutin ng armadong kalalakihan si Israel Bacutan, 15, tagapangulo ng Anakbayan-National Capital Region sa harap mismo ng kanilang hedkwarters sa Welcome Rotunda, Quezon City. Kagagaling lamang ni Bacutan sa pang-umagang palabas sa telebisyon kung saan nagsalita siya laban sa militarisasyon sa mga kampus at sa mga maralitang komunidad sa Metro Manila. Tinalakay niya ang epekto nito sa mga estudyante at mamamayan at ang pangangailangang labanan ito ng kabataan. Nakapiglas siya sa mga dudukot sana sa kanya at nakahingi ng saklolo sa isang kainan sa tabi ng kanilang hedkwarters.

Hunyo 16-17. Hinaras ng mga elemento ng 21st at 77th IB ang mga manggagawang pangkalusugan na naglulunsad ng medical mission sa Sityo Ubel, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga. Ang medical mission ay inilunsad ng Health Alliance for Democracy at Community Health Education, Services and Training in the Cordillera Region.

Pinaligiran ng mga sundalo ang lugar kung saan ginagawa ang panggagamot. Pinagtatanong ang mga manggagawang pangkalusugan at kinunan sila ng litrato ng mga sundalo. Binansagan silang mga kasapi ng BHB kahit pa ipinaliwanag nila na may permiso ng alkalde ng Balbalan ang kanilang misyon sa nasabing barangay.

Pagkatapos ng pananghalian ay lumipat ang mga sundalo sa Sityo Pipi ng naturang barangay. Nagpatawag sila roon ng pulong at pinalabas na ang isinasagawang medical mission sa Sityo Ubel ay pulong ng BHB.

Hindi ito ang unang pagkakataong tinakot ng mga sundalo ang mga nagsasagawa ng misyon. Noong Abril 2005, pinaligiran ng mga sundalo ang mga boluntir na naglulunsad ng seminar pangkalusugan sa barangay hall ng Gawaan.

Hunyo 9-10. Di bababa sa dalawang unyonista ng Chong Won Fashion Garments Trading Inc. ang nasugatan nang salakayin ng mga bayarang maton ang piketlayn ng mga manggagawa sa Cavite Export Processing Zone sa Rosario, Cavite. Kabilang sa mga nasugatan ang mga lider-unyon na sina Resurrecion Ravelo at Florencia Arevalo, tagapangulo at kalihim ng Nagkakaisang Manggagawa sa Chong Won.

Siyam na lalaki na nakasakay sa isang van na may plakang UVD 390 ang lumusob sa piketlayn. Tinutukan nila ng mga patalim ang mga welgista habang giniba ng iba ang mga tolda sa piketlayn. Pinagtatapon din ang pagkain at iba pang gamit ng mga manggagawa. Binantaan silang papatayin kung hindi nila kagyat na bubuwagin ang piketlayn.

Bandang alas-3:30 ng madaling araw ng Hunyo 10, muling sinalakay ang piketlayn ng 20 nakabonet na kalalakihan na armado ng mga M16 at nakauniporme ng fatigue. Pinadapa at tinutukan ang mga manggagawa at pinagnakawan ng mga cellphone, kamera, pitaka at iba pang personal na gamit.

Nagpahayag ng pagkabahala sa kaligtasan ng mga manggagawa ng Cho Won ang kapatid na mga unyon nito sa Canada. Pormal na nagpaabot ng kanilang pagkabahala sa rehimeng Arroyo ang Canadian Auto Workers Union (CCWU), United Steel Workers (USW), Kairos-Canadian Ecumenical Justice Initiatives (CEJI) at ang Maquila Solidarity Network, isang grupo na nagtataguyod sa karapatang-tao.

Iginigiit ng unyon ng Chong Won ang pagkakaroon ng panibagong collective bargaining agreement at pagbabalik sa trabaho ng mga upisyal ng unyon na sinipa noong Setyembre 2006.

8. (Pananalanta ng pasistang estado) Masaker sa Kalinga. Labindalawang magsasaka ang minasaker nang salakayin ng mga tropa ng militar at pulisya ang isang komunidad ng mga minoryang setler sa Sityo Malapiat, San Pascual, Rizal, Kalinga noong Hunyo 25. Limang magsasaka rin ang nasugatan sa pag-atake.

Nilusob ng pinagsanib na mga tropa ng 77th IB, 21st IB at 501st Brigade ng Philippine Army, Provincial Mobile Group at Regional Mobile Group ng Cagayan-PNP ang mga magsasaka sa utos ng panginoong maylupa at dating meyor ng Rizal na si Marcelo de la Cruz at ang anak niyang si Chris Mark, ang bagong halal na alkalde. Ang mag-amang de la Cruz ay kabilang sa isa sa mga angkang umaangkin sa lupa ng mga magsasaka.

Lima sa mga pinaslang—sina Lakay Ulliba, Pedro Ulliba, Felimon Ulliba, Delfin Madayag at Johnny Gaspar Cayabo—ay mula sa tribong Mabaca. Nagmula naman sa tribong Butbut sina Bangi Bakkay, Agyao Sabawil, Abok Tayaan, Say-at Addawi at Alib Baklas, samantalang si Juan Attang ay mula sa tribong Poswoy/Ab-abaan. Ang ika-12 biktima ay si Conrado Ordonia, isang dayong Ilokano.

Nagsimula ang pananalakay alas-7 pa lamang ng umaga nang paligiran ng dalawang kumpanya ng mga sundalo at pulis ang komunidad. Habang papalapit ang mga sundalo ay sinimulang sunugin ng mga pulis ang mga bahay ng mga magsasaka. Pinaulanan ng bala ang mga residente, gamit ang isang V-150 na Armored Personnel Carrier, isang tangkeng PALAR, limang masinggan at iba pang malalakas na armas. Binalewala ng mga tropa ang pakiusap ng mga residente na itigil na ang pananalakay. Umabot sa 30 bahay ang sinunog.

Dahil dito, napilitan ang mga residente na lumaban at makipagsagupaan sa mga sundalo at pulis. Tumagal ito nang halos sampung oras ang sagupaan.

Tinangka ng militar at pulisya na pagtakpan ang kanilang krimen sa pamamagitan ng paglalabas ng mga bulaang ulat na siyam na pulis ang napatay at 10 iba pa ang nasugatan. Ang totoo’y anim na pulis lamang ang bahagyang nasugatan sa tagibang na labanan.

Noong 2003, idineklara ng Korte Suprema na pampublikong lupain ang 144 ektarya sa humigit-kumulang 5,000 ektarya sa 15 barangay ng Rizal na saklaw ng Madrigal estate, Romualdez estate at mga de la Cruz. Inangkin na ito ng mga setler na matagal nang nagbubungkal ng lupain doon alinsunod sa programa sa reporma sa lupa ng gubyerno. Karamihan sa mga setler ay nagmula sa iba’t ibang tribo sa mga bayan ng Tabuk, Tinglayan at Balbalan na napilitang dumayo sa Rizal dahil sa kakulangan ng lupang mabubungkal sa mga interyor na munisipalidad.

Noong 2006 ay sinimulan na ring angkinin ng pamilyang Dy at ni Eduardo Cojuangco ang malaking bahagi ng lupain para gawing plantasyon ng cassava at Bt corn. Kabilang ang San Pascual sa walong barangay na nais saklawin nina Cojuangco.

9. (Pananalanta ng pasistang estado) Nawawalang estudyante, hawak ng militar. Mahigit isang taon ang nakararaan mula nang dukutin ng mga elemento ng 56th IB ang mga estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño at ang magsasakang si Manuel Merino sa San Miguel, Hagonoy, Bulacan. Nitong nakaraang buwan, kinumpirma ng pamilya ni Cadapan na buhay pa si Sherlyn noong Abril at hawak ng mga elemento ng militar.

Ayon kay Mrs. Erlinda Cadapan, ina ni Sherlyn, dinala ng militar ang kanyang anak sa bahay ng byenan nito sa Calumpit, Bulacan noong Abril 11 at pinakuha ng ilang personal na gamit. Mahigpit siyang binantayan ng tatlong armadong babae at dalawang lalaki na nakadamit sibilyan at animo’y nag-aastang mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kahit minsan ay hindi pinagsalita si Sherlyn at dinikitan ng tatlong babae sa buong panahong nasa loob siya ng bahay. Ayon sa mga nakakita sa kanya, maputla si Sherlyn at mukhang takot na takot. Bago ito, namataan din ng ilang residente si Sherlyn sa Bataan.

Ani Mrs. Cadapan, dalawang buwang nagdadalantao si Sherlyn nang dukutin siya, kaya sa tantya niya ay nakapanganak na ito noong Enero. Kung gayon, aniya, hindi lamang ang kanyang anak ang hawak ng militar. “Hostage din ang apo ko.”

Ayon naman sa byenan ni Sherlyn, isang araw matapos siya puntahan ng mga nakasibilyang sundalo ay pinuntahan naman siya ng mga unipormadong militar. Nagkunwari silang nagsisiyasat sa misteryosong pagpapakita ni Sherlyn sa kanya. Nagdrama pa silang may nagsabi diumano sa kanila na nagpunta si Sherlyn sa bahay na iyon. Gustong palabasin ng militar na wala sa kamay nila si Sherlyn at nasa kamay ito ng BHB. Nakilala ng byenan ni Sherlyn ang dalawa sa mga sundalo dahil sila rin ang nagdala kay Sherlyn sa bahay at nagpanggap na mga Pulang mandirigma. Dati nang ginagamit ng AFP ang bulaang linya na sumapi lamang sa BHB sina Sherlyn at Karen para pagtakpan ang kanilang responsibilidad sa krimen.

Dumarami ang mga patunay na mga militar ang dumukot kina Sherlyn, Karen at Manuel. Ilang araw matapos sila dukutin noong nakaraang taon, namataan ng mga tagapagtanggol sa karapatang-tao na sumugsog sa kanila ang dyip na ginamit sa pagdukot. Nasa compound ng 56th IB sa Iba, Hagonoy ang dyip na may plakang RTF 597 kung saan isinakay ang mga biktima. Dalawang araw matapos ang pagdukot, nakilala ng magsasakang si Alberto Martinez si Merino kasama ang kalalakihang nakabonet na dumukot sa kanya sa kanyang bahay. Isinakay din sa isang dyip na may plakang RTF 597 si Martinez at dinala sa isang detatsment ng militar sa Mercado, Hagonoy, Bulacan. Sa detatsment na ito, ininteroga siya ng isang nagngangalang Arnel Enriquez at pinagtatanong kung may nakikilala siyang Tanya, Vincent o Lisa. Sa paglalarawan ng nag-iinteroga, nabatid ni Martinez na sina Karen, Sherlyn at Manuel ang tinutukoy ng militar.

Pinatibay din ng testimonya ni Oscar Leuterio, isang dating detenido, ang presensya ng dalawang estudyante sa kampo ng militar. Ayon sa kanya, may nakita siyang dalawang babaeng tumutugma sa deskripsyon nina Sherlyn at Karen sa kampo na pinagbimbinan sa kanya noong Agosto 2006.

Ibinasura ng korte ang petisyon para sa writ of habeas corpus na isinampa ng mga pamilya ng mga biktima dahil anito, hindi nito mapagpapasyahan ang ligalidad ng detensyon nina Cadapan, Empeño at Merino kung hindi inaamin ng militar na hawak nga nila ang mga ito. Pero mismong korte ay hindi naniniwala sa militar. Anito, mukhang hindi nagsasabi ng buong katotohanan ang AFP. Panay ang pagtanggi ng mga ito, pero hindi tumutugma ang kanilang mga pahayag.

Samantala, wala pang balita hinggil kina Empeño at Merino.

10. (Pananalanta ng pasistang estado) Panukalang batas sa US, ikinalugod ng mga aktibista. IKINALUGOD ng mga progresibong organisasyong Pilipino ang isang panukala sa Senado ng US na nagbabawal ng paggamit sa ayudang militar ng US laban sa mga Pilipinong sibilyan.

Ang pagbabawal ay bahagi ng Foreign Operations Spending Bill na pinagtibay nitong nakaraang linggo ng Committee on Appropriations ng Senado ng US. Dito’y inaatasan ang Secretary of State ng US na subaybayan ang ayudang militar sa Pilipinas upang hindi iyon “magamit ng mga yunit ng pwersang panseguridad ng Pilipinas laban sa mga sibilyan, kabilang yaong mga kasapi ng mga partido pulitikal ng oposisyon at mga grupong nagtataguyod sa karapatang-tao.”

Nakasaad sa panukalang batas ang naturang pagbabawal bunga ng panghihimok ng mga Pilipinong taong simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Ilang buwan nang nagsisikap ang mga grupong Pilipino na kumbinsihin ang Kongreso ng US na higpitan ang pagbibigay ng ayudang militar sa gubyerno ng Pilipinas dahil nagagamit ito sa kampanya ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga aktibista sa bansa.

Sa partikular, nakasaad sa Foreign Military Funding Bill na daragdagan lamang ang ayudang militar ng US sa Pilipinas kung ipatutupad ng gubyerno ang mga rekomendasyon ni Philip Alston, UN special rapporteur on extrajudicial killings, at titiyakin na hindi lalabag sa karapatang-tao ang AFP. Kabilang sa mga rekomendasyon ni Alston ang pagtigil ng militar sa pag-uugnay ng mga ligal na pampulitikang grupo sa mga armadong grupong rebelde.

11. (Pananalanta ng pasistang estado) Pagdukot ng ISAFP kay Burgos, kinumpirma. ANG pagdukot noong Abril 28 kay Jonas Burgos, aktibistang anak ng yumaong anti-Marcos na peryodistang si Jose Burgos, ay kagagawan ng isang yunit ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP).

Ito ang ibinunyag ng isang ahente ng ISAFP sa pahayagang Philippine Daily Inquirer. Ayon sa ahente, dinukot si Burgos dahil sa pagkakasangkot niya umano sa rekrutment at gawaing edukasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Anang impormante, noon pang Oktubre 2006 ay minsan na niyang naulinigan sa mga myembro ng isang susing yunit paniktik ang planong pagdukot kay Burgos. Pinag-uusapan umano noon ng mga ahente na “nakakahon” na ang aktibista.

Nang pumutok ang balita hinggil sa pagdukot, nakilala ng impormante ang mga sangkot na ahente mula sa mga drowing na inihanda ng pulisya. Ang naturang mga ahente ay pawang mga myembro raw ng yunit paniktik na may kodang “Spot 4” na siyang sumasaklaw sa Fairview, Quezon City kung saan dinukot si Burgos. Ang mga ahenteng dumukot kay Burgos ay may koda raw na “Bajam” at “Donna.”

Idinagdag pa ng ahente na kilala rin niya ang dalawang sasakyang ginamit sa operasyon base sa paglalarawan ng mga nakasaksi. Ang naturang mga sasakyan ay matatagpuan pa rin daw sa Camp Aguinaldo, ang punong himpilan ng AFP.

Mismong mga tauhan na ng reaksyunaryong hukbo ang lumilitaw para patunayan ang mga kasong matagal ipinagmamaang-maangan ng rehimeng Arroyo.

Kamakailan lamang, tatlong heneral ng AFP ang nagpahayag ng kahandaang isiwalat ang kanilang nalalaman ukol sa pagkakasangkot ng militar sa mga kaso ng pagdukot at pamamaslang sa mga aktibista. Ipinahayag nila ito bilang suporta sa plano ng bagong halal na senador na si dating Ltsg. Antonio Trillanes IV na imbestigahan ang mga pampulitikang pamamaslang oras na magbukas ang Kongreso.

12. (Pananalanta ng pasistang estado) Espesyal na pagtrato kay Bedol, binatikos. BINATIKOS ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang anito’y espesyal na pagtrato kay Maguindanao provincial elections supervisor Lintang Bedol, kumpara sa di makataong pagtrato sa mga kongresista ng Bayan Muna at Anakpawis nang sila’y arestuhin.

Dalawang araw matapos siya arestuhin dahil sa di niya pagsipot sa mga pagdinig ng Commission on Elections (COMELEC), pinalaya si Bedol at hinayaang magpahinga sa isang mamahaling hotel sa Maynila.

Si Bedol ay itinuturing ng COMELEC na testigo at hindi suspek. Ito ay sa kabila ng mga ulat na siya ang may pakana ng malawakang pandaraya sa Maguindanao.

Ayon sa mga ulat, walang aktwal na eleksyong naganap sa Maguindanao at mga upisyal lamang ng COMELEC ang nagpuno ng mga balota. Dahil dito, nakakuha ng di kapani-paniwalang 12-0 na panalo ang Team Unity sa prubinsya. Para hindi maberipika ang resulta ng halalan sa prubinsya ay sinabi ni Bedol na nawala umano sa kanyang gwardyadong upisina ang mga certificate of canvass.

13. (Balita) Mga kumpanya ng gatas, binatikos. PINAGLALABANAN ngayon sa Korte Suprema ang ligalidad ng pagpapatupad ng mga alituntunin ng Milk Code, ang batas na nagbabawal sa mga kumpanya na nagmamanupaktura ng mga gatas para sa sanggol (infant formula) na maglabas ng mga di makatotohanan at di syentipikong patalastas para itulak ang paggamit ng kanilang produkto.

Ipinagbabawal ng Milk Code of 1986 ang di makatotohanang pagtatalastas ng mga infant formula para sa mga batang edad 0-12 buwan. Noong 2006, sinaklaw na nito ang gatas para sa mga batang hanggang dalawang taong gulang.

Kasakiman para sa tubo ang nasa likod ng pagmamatigas ng mga kumpanyang ito laban sa Milk Code. Di bababa sa P21 bilyon ang taunang tubo ng mga monopolyong kumpanyang ito sa Pilipinas mula sa pagbebenta ng infant formula.

Sa kabila ng malaon nang pag-iral ng Milk Code, kabi-kabila ang mapanlinlang na impormasyong pinalalaganap kaugnay ng mga infant formula. Kabilang dito ang patalastas na nakapagpapatalino umano o nakapagpapatangkad ang mga ito. Umaabot sa mahigit P5 bilyon ang ginagastos ng mga kumpanyang ito sa pagpapatalastas taun-taon.

Agresibo rin ang panunuhol ng mga kumpanya ng gatas sa mga ospital at doktor para itulak ang paggamit ng infant formula sa halip na pagpapasuso ng mga ina.

Ipinagbabawal din ng batas ang hindi paglalagay ng mga kumpanya sa etiketa o label ng gatas ng mga panganib na kaakibat ng paggamit ng mga infant formula at ang mga dapat pag-ingatan sa pagbibigay nito sa mga sanggol.

 

14. (Balita) Maanomalyang kontrata, itinatago. PILIT na pinagtatakpan ng mga alipures ng rehimeng Arroyo ang nabunyag na maanomalyang kontratang pinasok nito kasama ang ZTE Corporation, isang kumpanyang Chinese. Ang kontratang ito na nagkakahalaga ng $330 milyon na sagot lahat ng gubyerno (uutangin muna sa ZTE ang halaga at babayaran nang may interes) ay iginawad sa ZTE Corporation para itayo ang National Broadband Network sa lahat ng mga upisina ng gubyerno sa Pilipinas. Dahil sa pagkakabunyag ng anomalya, pinalalabas ngayon ng mga sangkot na ahensya ng gubyerno na “nawala” ng mga kinatawan ng rehimen ang kopya nito ng kontrata. Dahil “nawawala” ito, hindi ito mausisa ng mga abugado at iba pang kinatawan ng gubyerno.

Hindi sumunod sa tamang proseso ng bidding ang paggawad ng kontrata sa ZTE. Iginawad ito sa ZTE kahit may dalawang kumpanyang nagsumite ng bid para sa proyekto sa mas mababang halaga. Nag-alok ang Amsterdam Holdings Inc. (AHI) na itayo ang naturang network sa halagang $240 milyon nang walang anumang gagastusin ang gubyerno. Isa pang empresa, ang Arescom ang nag-alok ng $135 milyon.

15. (Balita) Pangingikil ng Commission on Appointments, nabunyag. MULI na namang nabunyag ang talamak na pangingikil ng mga myembro ng Commission on Appointments (CA) sa pag-aapruba ng paghirang ng mga upisyal ng gubyerno. Ibinunyag ni Rep. Herminio Teves na umaabot sa P5 milyon ang hinihingi ng tinataguriang “Big 5” ng CA sa kanyang anak na si Acting Finance Secretary Margarito Teves para tuluyan na siyang maiproklamang kalihim. Dalawang taon nang nakabimbin ang pag-aapruba kay Teves. Ayon pa sa matandang Teves, pinamumunuan ni Cong. Prospero Pichay ang “Big 5.”

Ibinunyag naman ng isang dating upisyal ng Department of Education (DepEd) na hiningan ang mga dating kalihim nito na sina Florencio Abad at Edilberto de Jesus ng tig-P5 milyon para sa bawat kongresistang myembro ng CA.

Isang mataas na upisyal din ng Philippine Army ang hiningan ng P50 milyon ng isang kongresista para mapataas ang ranggo. Nainsulto ang kongresista nang makatanggap ng P50,000 lamang mula sa appointee kaya ibinalik nito ang pera. Mas malaking halaga pa ang hinihingi sa mga appointee na itatalaga sa mga lugar na laganap ang hweteng. Sa isang kaso, pinababayaran ng kongresistang myembro ng CA sa military attache ang kanyang gastos sa pagliliwaliw sa US kasama ang kanyang kalaguyo.

Ayon naman kay dating Agriculture Secretary at kasalukuyang National Anti-Poverty Commission director Domingo Panganiban, ilang myembro ng CA ang humingi sa kanya ng mga proyektong nagkakahalagang P80 milyon bilang kundisyon sa pagpapatibay sa kanyang pagkakahirang.

Pinigilan na ng Malacañang si Herminio Teves na magsalita pa tungkol sa isyu. Bilang pampalubag-loob, muling hinirang ni Gloria Arroyo si Margarito Teves bilang finance secretary. Samantala, dahil sa matitibay na testimonya laban kay Pichay, napilitan siyang umamin noong Hunyo 27 na humihingi nga ng mga pabor (proyekto, kontrata, pusisyon at iba pa) ang mga kongresista sa CA.

 

 

 


Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a comment