the prwc blog


July 21, 2007 Regular Issue
July 25, 2007, 12:17 pm
Filed under: Ang Bayan

1. Editoryal: Malawakan at puspusang labanan ang HSA. Sinimulan ng rehimeng Arroyo ang bagong yugto sa lumalalang pasistang paghahari nito nang magmatigas itong ipatupad ang Human Security Act (HSA) sa kabila ng malawakang pagtutol dito.

Sa pamamagitan ng HSA na dating kilala bilang ”batas kontra-terorismo,” pinapawi ng rehimeng Arroyo ang mga pormal na garantiyang nakasaad sa reaksyunaryong konstitusyon na laban sa mga paglabag sa saligang karapatang-tao. Lalo nitong itinutulak ang mga pasista at teroristang patakaran at gawain ng rehimen at mga berdugong panseguridad at militar nito. Lalong dadami ang mga kaso ng panghahalughog at arbitraryong pagkulong ngayong may ligal na basbas na ang mga ahente ng pasistang estado na gawin ito.

Tahasang sinasagasaan ng HSA ang mga pandaigdigang makataong batas. Taliwas ito sa Universal Declaration of Human Rights ng United Nations, International Covenant on Civil and Political Rights at International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights.

Matagal nang duguan na ang rekord ng rehimeng Arroyo dahil sa malawakan nitong paglabag sa karapatang-tao. Halos isang libo nang mga aktibista at mga sumusuporta sa demokratikong kilusan ang pinaslang mula nang maupo sa poder si Gloria Arroyo noong 2001. Halos 200 na rin ang dinudukot at hindi pa natatagpuan.

Dalawang araw pa lamang simula nang ipatupad ang HSA, pinaslang ang isang militanteng lider ng mga maralita ng lunsod sa Tacloban. Sa bisperas mismo ng pagpapatupad ng HSA, isang 72-taong gulang na lider-magsasaka ang walang awang pinatay ng mga berdugo ni Arroyo sa Compostela Valley. Anim na minorya ang dinukot noong Hunyo ng mga nag-ooperasyong sundalo sa Abra at dalawang linggong idinetine. Mula Abril, tumampok ang pagdukot ng mga ahente ng ISAFP sa aktibistang si Jonas Burgos at ang walang kahihiyang pagtatakip ng pinakamatataas na upisyal ng militar at Malacañang sa responsibilidad nila sa krimeng ito.

Hawak ang HSA, magiging mas mabangis pa ang rehimeng Arroyo sa paggamit ng kapangyarihan ng estado. Palalawakin ang pagmamanman, pang-aaresto nang walang mandamyento at pagkukulong ng sinuman kahit walang nakasampang kaso. Kikitlin ang mga karapatan sa komunikasyon at lalong susupilin ang mga demonstrasyon at ang kalayaan sa pamamahayag. Pwedeng kontrolin at kumpiskahin ang mga rekord at pondo sa bangko ng sinumang nais tugisin at paratangang terorista. Lahat nang ito ay gagawin sa ngalan ng pagsupil sa ”terorismo”—na sa makitid na pananaw ng rehimen ay pumapatungkol sa lahat at anumang paglaban ng bayan.

Dahil itinuturing ng rehimen na ”terorista” ang mga pwersang progresibo, lalo nitong hinihikayat ang mga death squad nito na pag-ibayuhin ang mga pampulitikang pamamaslang at pagdukot. Lalong magiging walang pakundangan ang pagtortyur, panunupil at iba pang kalupitan sa mga progresibong pwersa at mamamayan.

Walang ibang nararapat na tugon sa salot na batas na ito kundi ang malawakan at puspusang pagkilos ng pinakamalaking bilang ng mamamayan laban sa HSA. Dapat magbigkis ang mga demokratikong organisasyong masa, mga progresibong partido, mga naging biktima ng terorismo ng reaksyunaryong estado, mga organisasyong nagtataguyod ng mga kalayaang sibil at karapatang-tao, mga oposisyunista at lahat ng iba pang nagmamahal sa kalayaan at demokrasya para labanan ang pasistang HSA.

Susi sa pagpapakilos ng malawak na masa ng sambayanan ang pagpapaunawa sa kanila ng pasistang nilalaman ng HSA at ang mga dagdag na panganib at pahirap na idudulot nito sa kanila. Dapat gamitin ang lahat ng posibleng paraan ng pagpopropaganda, tulad ng parlamento sa lansangan, masmidya, internet at iba’t ibang porum at abutin ang mamamayan sa mga paaralan, komunidad, pagawaan, upisina, gayundin ang mga korte at iba pang maaaring mapagdulugan para mailantad ang pasista at anti-mamamayang katangian at layunin ng HSA.

Dapat ilunsad ang lahat ng posibleng paraan ng protesta upang maipamalas ang matinding galit at pagtutol ng malawak na mamamayan sa pasistang batas na ito. Ang patraydor na pagpaslang ng rehimeng Arroyo sa mga di armadong aktibista at sibilyan at ang pagkukubli pa nito sa ilalim ng batas ng HSA ay sukdulang karuwagan. Tiyak na bahag-buntot na mapaaatras ang rehimen kung nahaharap na sa determinadong nagkakaisang lakas ng sambayanan.

Dapat hikayatin din ang mga pandaigdigang organisasyon at ahensya at ang mamamayan sa ibayong dagat na ipahayag ang kanilang pakikiisa sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa HSA at kundenahin ang lahat ng uri ng pasistang panunupil.

Magsisilbing madagundong na tugon sa HSA ang paglulunsad ng Bagong Hukbong Bayan ng mas malawakan at maiigting na taktikal na opensiba para parusahan at tapusin na ang pamamayagpag at lumalalang pasismo ng rehimeng Arroyo at mga armadong galamay nito.

2. Lumalakas ang pagtutol sa HSA. Patuloy ang paglawak ng pagtutol sa Human Security Act. Nagpahayag ng pagkabahala nitong Hulyo 17 ang Human Rights Watch (HRW), isang grupong nagtataguyod sa karapatang-tao na nakabase sa New York, USA hinggil sa napakalawak na depinisyon ng batas sa terorismo at ang pagtatakda nito ng mabibigat na parusa kahit sa mga relatibong maliliit na paglabag.

 Binatikos din nito ang pagpapahintulot ng HSA na madetine ang isang suspek nang walang sapat na proteksyon at pagpayag din na ipaubaya ang mga detenido sa mga bansang pangkaraniwan nang gumagamit ng tortyur basta’t makapagbigay lamang ng katiyakan umano ang gayong mga gubyerno na “tatratuhin nang patas” ang suspek.

Nanawagan din sa rehimeng Arroyo nitong Hulyo 14 ang mga independyenteng tagamasid sa Joint Monitoring Committee na sumusubaybay sa pagtalima ng NDF at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na ipagpaliban ang implementasyon ng HSA para muli itong mapag-aralan at maamyendahan o maibasura ng Kongreso. Bukod sa taliwas ito sa Bill of Rights ng konstitusyon 1987 at sa International Covenant on Civil and Political Rights, hindi ito, anila, ang solusyon sa lokal na “insurhensya” na naka-ugat sa sosyo-ekonomiko at pampulitikang buhay ng mamamayan. Sinabi rin nila na ang HSA ay lalong makasasama sa negosasyong pangkapayapaan o magiging sanhi pa nga ng pagtatapos nito. Ikinabahala rin nila ang kaligtasan ng mga tauhan ng NDF sa JMC secretariat at iba pang konsultant at resource personss na bulnerableng mabansagang komunista at maging biktima ng pang-aatake tulad ng nangyari sa marami pang biktima ng esktrahusdisyal na pamamaslang. Ang mga tagamasid na nominado ng NDF ay sina Supreme Bishop Tomas Millamena ng Philippine Independent Church at Marie Enriquez ng Karapatan. Ang mga nominado naman ng GRP ay sina Mercedes Danenberg at Mary Aileen Bacalso.

Umapela naman kay Arroyo nitong Hulyo 9 ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at si Cardinal Gaudencio Rosales na repasuhin ang HSA. Inihayag ito sa isang pastoral letter matapos ang ika-95 na pangkalahatang pulong ng CBCP.

Naghapag na ng panukalang batas sa Senado si Sen. Ana Consuelo “Jamby” Madrigal para ibasura ang HSA, na aniya’y pinakamapanganib na batas na naipasa ng Kongreso.

Sa Mababang Kapulungan, ipinanukala rin ni Rep. Satur Ocampo ng Bayan Muna ang pagbasura sa HSA na aniya’y dagdag na instrumento ng panunupil sa kamay ng gubyernong Arroyo.

Sa pinakahuling ulat, mayroon nang 28 grupo at indibidwal na nagsampa ng kaso sa Korte Suprema laban sa HSA.

3. Mga panukalang hakbang laban sa pamamaslang. Lumahok ang mga progresibong organisasyon at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa dalawang araw na pagpupulong na ipinatawag ng Korte Suprema kaugnay ng mga pampulitikang pamamaslang. Idinaos ang National Consultative Summit on Extrajudicial Killings and Enforced Disappearances sa pamumuno ni Chief Justice Reynato Puno sa Maynila noong Hulyo 16-17. Dito, hinarap ng mga aktibista at mga tagapagtanggol ng mga karapatang-tao ang mga kinatawan ng AFP, PNP, NBI, CHR at iba pang ahensya ng gubyerno sa mga pulong na pinangasiwaan ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Iginiit ng mga aktibista at kanilang mga tagasuporta ang pangangailangan para sa mas mabilis na pagharap sa dumaraming kaso ng mga pampulitikang pamamaslang. Hiniling nilang magkaroon ng mas mabibigat na hakbang laban sa mga pwersa ng rehimen na nagsasagawa nito. Naghapag naman ng ilang rekomendasyon ang mga mahistrado.

Isa sa mga inihapag ng Korte Suprema na hakbang ang mungkahing pagsasabatas ng espesyal na resolusyon na nakatuon sa pangangalaga sa kapakanan at buhay ng sinumang nasa panganib na maging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang o sapilitang pagkawala. Ayon sa resolusyon, maaaring magsampa ng kaso ang sinumang nanganganib maging biktima upang humingi ng proteksyon sa korte.

Tatlo ang mayor na rekomendasyon ng pagpupulong:

  • > Baguhin ang doktrina ng command responsibility upang maaari nang isakdal ang isang upisyal kung batay sa mga sirkunstansyang umiiral nang maganap ang kaso ay alam niyang gumawa ng mga krimen sa digma ang kanyang mga pinamumunuan at wala siyang ginawa para pigilin o parusahan ang mga responsable sa gayong mga krimen. Maaari na ring ilapat ang doktrina ng command responsibility maging sa mga sibilyang awtoridad na kontrolin ang mga pwersang militar.
  • > Gawing bahagi ng mga alituntunin ng hukuman ang writ of amparo (salitang Espanyol para sa “proteksyon”) o kautusan ng korte para protektahan at ipatupad ang mga konstitusyunal na karapatan, laluna yaong nagsasaad na hindi dapat pagkaitan ng buhay ang sinuman nang walang karampatang ligal na proseso. Bukod pa ito sa karapatan laban sa di makatarungang detensyon na pinoprotektahan ng writ of habeas corpus.
  • > Muling buhayin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Sumusunod ang iba pang mga rekomendasyon at resolusyon na nabuo sa pagpupulong:

  • a) pagtiyak na may presensya ang Commission on Human Rights at PNP sa lahat ng mga imbestigasyon ng pamamaslang at pagkawala;
  • b) pagpapahintulot ng inspeksyon ng mga kampong militar at iba pang pampubliko at pribadong pasilidad bilang bahagi ng mga kautusan para sa writ of habeas corpus;
  • k) paglipat ng lugar ng paglilitis kung mayroong aktwal o may nakikitang pagpanig laban sa biktima;
  • d) pag-amyenda sa mga alituntunin para sa mga paunang imbestigasyon upang pabilisin ang proseso sa paglalabas ng mga mandamyento de aresto.

Dagdag dito, nagpasa din ng resolusyon na manawagan kay Gloria Arroyo na maglabas ng kautusan para sa lahat ng elemento ng estado na itigil na ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang at sapilitang pagkawala.

4. (Pananalanta ng pasistang estado) Mga lider ng Anakpawis, pinaslang. Malinaw na pagkutya sa pagpupulong na ipinatawag ng Korte Suprema para harapin ang usapin ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang ang magkasunod na pagpatay sa mga lider ng Anakpawis sa Tacloban City at Compostela Valley.

Hulyo 20. Pinaslang bandang alas-5:30 ng umaga sa pamilihang bayan ng Tacloban City si Rogelio Picoy, 50, dating myembro ng Anakpawis. Binaril siya nang malapitan ng isa sa apat na armadong lalaki. Tumagos ang bala sa kanyang katawan at tumama rin kay Teresita Tadepa, 70, isang tindera ng isda. Malisyosong pinalalabas ng pulisya na pinatay si Picoy ng kanyang mga dating kasamahan sa militanteng kilusan.

Hulyo 17. Pinatay ng mga berdugo ng rehimeng Arroyo si Charlie Solayao, 51, coordinator ng Anakpawis sa Tacloban City. Si Solayao ay pangalawang tagapangulo rin ng Kadamay at Katig-uban han Gudti nga Magtirinda sa syudad. Pinaslang siya bandang ala-1:30 ng madaling araw sa Barangay Naga-Naga habang naghihintay sila ng kanyang asawa ng sasakyan papuntang palengke para bumili ng isdang ilalako. Ayon sa mga saksi, tinigilan ang mag-asawa ng dalawang lalaking sakay ng isang motorsiklo. Bumaba ang isa sa motorsiklo at binaril nang dalawang beses si Solayao. Tatlong beses pa siyang binaril nang nakahandusay na siya sa kalsada. Nadala pa sa ospital si Solayao subalit namatay siya matapos ang 10 oras.

Hulyo 15. Dinukot si Dominador Villagracia ng mga elemento ng 48th IB sa Barangay Dikapinisan, San Luis, Aurora Province, mga alas-6 ng umaga pagkatapos ng isang engkwentro sa pagitan ng BHB at mga tropa ng 48th IB. Inakusahan siya ng militar na tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Hulyo 7. Pinatay si Alfonso Capiales, 72, habang kapiling ang kanyang pamilya sa loob ng kanyang bahay sa Purok 12, Barangay Magsaysay, Nabunturan, Compostela Valley. Si Capiales ay nagsilbing tagapangulo ng Magsaysay Farmers Association, upisyal ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Nabunturan at municipal coordinator ng Anakpawis. Bilang pag-abswelto sa AFP ay inilabas naman ng pulisya ang bulaang pahayag na isang impormer ng militar si Capiales na pinaslang umano ng mga Pulang mandirigma.

Tatlong araw bago pinatay si Capiales ay ipinatawag siya ng militar dahil inaakusahan siyang kasapi ng BHB.

Hulyo 5. Dinukot sina Dagane Butug, 26, organisador ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Narciso Antigulas, 24, kasapi ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) sa Barangay Anomar, Surigao City. Ayon sa mga saksi, sakay ang dalawa ng motorsiklo nang bigla silang banggain ng isang kulay berdeng pik-ap. Daglian silang kinuha ng mga armadong lalaki.

Mayo 12. Tinortyur ng mga elemento ng 69th IB si Ricardo Guiao, 41, dating tagapangulo ng Central Luzon Aeta Association at pangulo ng Indigenous People’s Consultative Body. Ipinatawag siya sa himpilan ng 69th IB sa Barangay Planas, Porac, Pampanga at nang nasa loob na siya ay saka sinabi sa kanya na arestado siya dahil kasapi umano siya ng BHB. Pinagsusuntok siya at ilang oras na ginamitan ng water cure. Tatlong beses din siyang tinutukan ng baril sa ulo kasabay ng pagpipilit na aminin niya ang mga paratang sa kanya. Binantaan din siyang isasalang sa “firing squad” at ipinakita na rin sa kanya ang kanyang paglilibingan.

Dahil marami ang nakakaalam sa pagpapatawag sa kanya ng 69th IB, napilitan ang militar na pakawalan siya kinabukasan. Pero bago siya pauwiin ay sapilitan siyang pinapirma ng dokumentong nagsasaad na kasapi siya ng BHB at boluntaryong sumusuko.

Mayo 3. Dalawang Moro ang brutal na tinortyur ng mga elemento ng 6th ID matapos sila akusahang sangkot sa serye ng mga pambobomba sa Mindanao. Inaresto ng mga sundalo sina Thos Ulimpain at Nasser Mendo sa Malingaw, Midsayap, North Cotabato at iligal na idinetine sa hedkwarters ng AFP sa Cotabato City. Hindi pinakain ng mga sundalo ang mga biktima habang iniinteroga nila ang mga ito.

5. (Pananalanta ng pasistang estado) Imbestigador ng DOJ sa kasong Burgos, sinipa ng Malacañang. Tinanggal ng Department of Justice (DOJ) si Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco bilang pinuno ng isinasagawang imbestigasyon ng DOJ sa kaso ng pagdukot sa aktibistang si Jonas Joseph ”JJ” Burgos. Ang hakbanging ito ay isinagawa ni Sec. Raul Gonzalez ilang araw matapos ibunyag ni Velasco na kabilang sa mga suspek na dumukot kay Burgos ay mga tauhan ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP) at 56th IB ng Philippine Army.

 Nitong Hulyo 9, tahasang pinangalanan ni Velasco ang mga suspek na sina T/Sgt. Jason Roxas at M/Sgt. Aaron Arroyo ng Philippine Army at si Cpl. Maria Joana Francisco ng Philippine Air Force, na pawang nakatalaga sa Military Intelligence Group 15 (MIG-15) ng ISAFP; si 1Lt. Jaime Mendaro ng 56th IB; at si Lt. Col. Noel Clement, dating kumander ng 56th IB at ngayo’y nasa Escort and Security Battalion ng Philippine Army sa Fort Bonifacio.

Inatasan ni Velasco ang National Bureau of Investigation (NBI) na ipatawag ang mga sundalo para imbestigahan. Isa pang kilala lamang sa tawag na Tango Lima ng MIG-15 ang ipinatatawag din ni Velasco.

Tinukoy ng isang impormanteng nasa pangangalaga ng witness protection program ng DoJ ang mga elementong ito ng militar.

Pinaiimbestigahan din ni Velasco ang dalawa pang sasakyang ginamit sa pagdukot—isang pulang Mitsubishi Lancer na may plakang WAM-155 at isang maroon na Toyota Altis, na may plakang XBC-881 na lumalabas na nakatalaga sa upisina ni Lt. Gen. Romeo Tolentino, dating hepe ng Northern Luzon Command at ngayo’y hepe na ng Philippine Army.

Pilit namang nagmamalinis si Tolentino sa kabila ng gayong ulat. Para makalusot siya at maibintang ang pagkawala ni Burgos sa rebolusyonaryong kilusan, iginiit niya na myembro ng BHB ang biktima at nagpahiwatig na mga Pulang mandirigma rin ang dumukot kay Burgos.

Isang araw matapos tukuyin at ipatawag ni Velasco ang mga suspek, pinupog siya ng mga pagbabanta. Hinihinalang nagmula ang mga banta sa mga elemento ng ISAFP. Nakatanggap si Velasco ng mga mensaheng text tulad ng: “Hayop ka Velasco, hindi mo kaya si Emperor. Ihahabol ka namin kay Jonas. Bilang na oras mo, magtago ka na.” Pinaniniwalaang ang ”Emperor” ay si Brig. Gen. Delfin Bangit, hepe ng ISAFP.

Todo-tanggi si Bangit na may kinalaman siya sa pagdukot. Di pa man tapos ang imbestigasyon, inabswelto na rin siya ng Malacañang.

6. (Pananalanta ng pasistang estado) Ka Bel, pinalaya na. Pinalaya na si Rep. Crispin ”Ka Bel” Beltran ng Anakpawis noong gabi ng Hulyo 11 matapos tuluyang ibasura ng Korte Suprema ang kasong rebelyong isinampa laban sa kanya at sa mahigit 40 pang iba kabilang ang mga progresibong mambabatas kabilang sa ”Batasan 6.”

 Pinahintulutan din siya ng mga tagapamahala ng Philippine Heart Center (PHC) sa Quezon City na makalabas kahit may natitira pa siyang utang sa ospital na P140,000. Umabot sa P1,062,340 ang utang ni Beltran sa ospital mula nang mabimbin siya rito noong Abril 2006 dahil sa alta-presyon at iba pang sakit. Nagtulung-tulong sa pagbayad ng mga utang niya ang mga kaibigan at kakilala, mga kapwa mambabatas at mga simpatisador ng demokratikong kilusan at kalayaang sibil. Taimtim niyang pinasalamatan ang lahat ng mga tumulong sa kanyang paglaya.

Maghahain si Beltran ng kontra-demanda at hihingi ng danyos-perwisyos sa gubyernong Arroyo dahil sa walang batayang pagpapakulong sa kanya.

Agad namang sumama sa agos ng kilusang protesta ang bagong layang mambabatas. Lumahok siya sa rali noong Hulyo 13 na pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan laban sa Human Security Act of 2007 (HSA).

Masayang sinalubong si Ka Bel ng 3,000 raliyista sa Plaza Miranda. Sa kanyang pananalita, mariin niyang tinuligsa ang lubhang mapaniil na HSA. Ipinabatid niya sa rali na isa sa mga una niyang aasikasuhin pagbukas ng ika-14 Kongreso ay ang pagsasampa ng HB No. 1093, na naglalayong ibasura ang HSA.

7. (Pananalanta ng pasistang estado) Ang bigong pagdukot kay Roy Velez. Ang sumusunod ay salaysay kung papaano nakaalpas sa tangkang pagdukot sa kanya ang lider-manggagawang si Roy Velez. Inilalathala ito para mahalawan ng aral ng mga tinatarget na lider, myembro at tagasuporta ng mga militanteng organisasyon. Susi sa pagligtas ni Velez di lamang ang kanyang pagkaalerto, mabilis at mapagpasyang pagkilos kundi ang malawak at malalim na lambat ng suporta niya sa masa sa komunidad.

Noong Mayo 20, tinangkang dukutin ng militar si Roy Velez, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno sa National Capital Region (KMU-NCR).

Malapit nang mag-alas-9:00 ng umaga, habang naglalakad papunta sa isang tindahang malapit sa kanilang tahanan sa Barangay CAA-BF International, Las Piñas City, may nagtanong sa asawa ni Velez na dalawang lalaki ng “Saan ba ang bahay dito ni Roy Velez?” Sinagot ang mga ito ni Ginang Velez na hindi niya alam. Nakita rin ni Gng. Velez ang dalawa pang motorsiklong nakaistambay sa may tindahan. Kaagad siyang bumalik sa kanilang bahay.

Nang masabihan, agad na nagpasuri ng erya si Velez sa kanyang mga kaibigan para malaman ang sitwasyon at ligtas na makaalis sa lugar. Sa pagsusuri, nakitang tatlong motorsiklong may tigdadalawang sakay ang umiikot sa lugar. Sa ganitong kalagayan, lumabas si Velez sa likurang bahagi ng kanilang bahay. Dumaan siya sa bubungan ng kanyang kapitbahay at bumaba sa isang puno ng santol.

Sa nilipatang lugar, kaagad na dumating ang mga kaibigan ni Velez sa barangay para makatulong sa pagtiyak sa kanyang seguridad. Mayroon ding tumatawag sa masmidya para kagyat na maisiwalat sa publiko ang tangkang pagdukot.

Samantala, kahit nakalipat na ng lugar, hindi pa rin nakalayo agad si Velez dahil may isang nagtitinda ng ice cream na pinaniniwalaang ahente ng militar.

Bukod sa mga taong lulan ng motorsiklo at sa manininda ng ice cream, may apat pang taong sakay ng isang L300 van na nakaabang malapit sa bahay ni Velez at tatlo pang taong nasa isang sasakyang Revo. May apat na iba pang tumayong lookout.

Nilibang muna ng mga lokal na taong tumutulong kay Velez ang nagpapanggap na manininda ng ice cream. At saka nakaalis si Velez at nakapunta sa ibang lugar.

Nakasunod pa sa pinaglipatang lugar ang nagpapanggap na manininda ng ice cream. Kinunan siya ng litrato ng mga kasamahan ni Velez, kaya napaatras nila ito.

Kaagad namang dumating sa pinaglipatang lugar ni Velez ang ilang taga-midya, na kagyat na nag-interbyu kay Velez at nagbrodkas ng mga pangyayari.

8. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) Lider ng mga death squad sa Bicol, pinarusahan. Isa ang Bicol sa may pinakamaraming kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa. Mula nang maupo si Gloria Arroyo sa poder noong 2001, umabot na sa 142 ang pinapaslang ng mga death squad sa rehiyon. Anim na rin ang naging kaso ng pagdukot. Habang nagbubulag-bulagan ang pulisya sa pagtugis sa mga salarin, taimtim namang ipinatutupad ng rebolusyonaryong kilusan sa Bicol ang tungkulin nitong gawaran ng hustisya ang mga pasistang kriminal. Ang sumusunod ay halaw sa isang artikulo sa Silyab, ang panrehiyong pahayagang masa sa Bicol.

Pinarusahan noong Nobyembre 27, 2006 si Capt. Patrick Baesa, 34, ng Philippine Army. Si Captain Baesa ay intelligence officer ng 901st IBde na nakabase sa Villa Hermosa, Daraga, Albay. Siya ang pangunahing tagapangasiwa ng mga death squad na hawak ng brigada.

Si Captain Baesa ang pangunahing nagdisenyo ng malaganap at brutal na pamamaslang ng mga death squad ng militar sa mga lider-masa at aktibista sa prubinsya ng Sorsogon. Sa bayan ng Irosin bumase ang kanyang pangunahing pinangasiwaang death squad.

Ilan sa mga biktima ng brutal na pamamaslang ng death squad sa prubinsya ay sina Max Frivaldo, Ding Uy, Brgy. Capt. Neal Futalan at Rei Mon Guran. Si Frivaldo ay municipal coordinator ng Bayan Muna (BM) sa Irosin na pinaslang noong Enero 2006. Si Uy ay coordinator ng BM sa Sorsogon City na pinaslang noong Nobyembre 2005. Si Guran ay panrehiyong tagapagsalita ng League of Filipino Students sa Bicol na pinaslang noong Hulyo 2006. At si Futalan ay myembro ng BM na pinaslang noong Mayo 2005.

Nagtapos si Captain Baesa sa Philippine Military Academy noong 1997. Bago maitalaga sa Bicol, dati siyang nakadestino sa Mindanao. Nalipat siya sa Eastern Visayas at naging tauhan ni Gen. Jovito Palparan. Nang malipat si General Palparan sa Central Luzon, nalipat naman si Captain Baesa sa Bicol.

Piniling basehan ni Captain Baesa at ng kanyang death squad ang Irosin dahil dito isinilang si Baesa. Marami siyang kamag-anak at kakilala rito, at kabisado niya ang lugar.

Sa kabila nito ay nakuha pa rin ng BHB ang padron ng kanyang mga kilos at natunton ang kanyang mga tinitigilan. Ilang buwang matiyagang inipon ng mga operatiba ng BHB ang mga kinakailangang datos upang maisagawa ang pagparusa kay Captain Baesa. Nasilip na malaking kahinaan sa seguridad ng upisyal-militar ang pagkahilig nito sa sabong. Ito ang sinamantala ng mga Pulang hukbo. Pinarusahan siya habang siya’y nagsasabong.

Isang malaking tagumpay para sa hukbong bayan ang pagpaparusa sa berdugong si Captain Baesa. Nabigyan ng hustisya ang mga biktima ng kanyang death squad.

9. (Matatagumpay na opensiba ng BHB) Isnayping at harasment laban sa 9th IB. Apat ang namatay at apat ang nasugatan sa mga tropa ng 9th IB sa inilunsad na mga maliitang aksyong militar ng mga Pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Masbate nitong Hulyo 7-15. Dalawa sa mga namatay na sundalo ay mga upisyal ng 9th IB.

Namatay ang isang sundalo ng Special Operations Team (SOT) sa Barangay San Jose, Uson, Mabaste noong Hulyo 7, bandang alas-3 ng hapon nang tamaan ito ng isnayper ng BHB. Nagsasagawa noon ng anti-komunistang pulung-pulong ang platun ng SOT sa naturang baryo.

Noong Hulyo 13, muling inisnayp ang 9th IB sa Barangay San Antonio, bayan ng Milagros. Dalawang sundalo ang nasugatan. Dakong alas-7 ng gabi, hinaras uli ang mga sundalo na ikinamatay ng dalawa at ikinasugat din ng dalawang tropa.

Hulyo 15, muling hinaras ng BHB ang 9th IB sa Barangay Cagay, Mabaste at namatay ang isa pang sundalo.

10. Jose Ma. Sison, ipinatanggal sa listahan ng mga “terorista”. Iniutos ng European Court of First Instance (ECFI) nitong Hulyo 11 ang pagtatanggal kay Prof. Jose Maria Sison sa listahan ng mga personalidad at organisasyon na itinuturing ng konseho ng European Union (EU) na “terorista.”

Sa partikular, pinawawalambisa ng korte ang desisyon ng konseho ng EU noong Mayo 29, 2006 at Mayo 29, 2005 na nagpapataw ng mga “mapanggipit na hakbang” laban kay Professor Sison dahil sa pagkakabilang niya sa talaan ng mga “terorista.”

 Ayon sa ECFI, hindi dumaan sa wastong hudisyal na proseso ang pagkakatala kay Professor Sison. Sa partikular, nilabag ng EU ang karapatan ni Professor Sison na ipagtanggol ang sarili at magkaroon ng epektibong proteksyon sa husgado. Wala siyang pagkakataong humarap sa anumang korte. Tumanggi rin ang EU na ipakita sa kanya at kanyang mga abugado ang mga dokumentong ginamit na batayan para husgahan siya. Hindi ipinatawag si Professor Sison sa isang imbestigasyong kriminal ng anumang awtorisadong husgado o sa anumang pagdinig sa korte hinggil sa sinasabing teroristang gawain sa loob at labas ng EU. Sa kara-karakang pagsasama kay Professor Sison sa talaan nito ng mga “terorista,” niyurakan din ng EU ang karapatan niya na mapaliwanagan sa ganitong hakbangin.

Inatasan din ng ECFI ang konseho ng EU na bayaran ang lahat ng gastos ni Professor Sison at ng negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines na sumuporta sa kanyang kaso. Bagamat tinanggihan ng ECFI ang hiling ni Sison na ibalik ang mga benepisyong pinansyal na ipinagkait sa kanya ng gubyernong Dutch, binanggit nito na maaaring maghapag si Sison ng kaso para bawiin ang kanyang mga benepisyo sa mga korte ng The Netherlands o di kaya sa EU mismo.

Matatandaang unang itinala ng EU bilang dayuhang terorista si Professor Sison, ang PKP at BHB noong Oktubre 28, 2002. Ibinimbin kaakibat nito ang deposito sa bangko at iba pang pag-aari ng mag-asawang Sison bilang hakbangin laban sa kanila. Dagdag pa, inihinto ang mga tinatanggap na benepisyo (pensyon, alawans pangkalusugan, pabahay at iba pa) ni Professor Sison bilang isang refugee ng Dutch Welfare and refugee Agencies (DWRA) mula Setyembre 10 ng taon ding iyon, kasabay ng pagpapaalis sa kanyang tinitirhang bahay na kaloob ng lokal na awtoridad.

“Nagagalak ako sa naging desisyon ng korte, lalupa’t hindi ko inaasahang magiging paborable ito sa akin,” ayon kay Professor Sison sa isang pahayag. Pinasalamatan din niya ang lahat ng tumulong sa kanya.

Ilang araw bago ibinababa ng ECFI ang desisyong ito, muling isinama ng EU ang pangalan ni Professor Sison sa listahan ng mga “terorista” para sa taong 2007. Taun-taon, nirerepaso at muling inilalabas ng EU ang naturang listahan.

Tinutulan ito ni Sison at ng kanyang mga abugado at tagasuporta dahil, anila, walang nagbago sa proseso at mga batayan ng kanyang pagkakatala sa listahan para sa 2007. Dapat aniyang galangin ng EU ang desisyon ng ECFI at kagyat siyang tanggalin sa naturang listahan.

Tinuglisa din ni Sison ang pagbalewala ng embahada ng The Netherlands at ng gubyerno ng Pilipinas sa desisyon ng ECFI. Aniya, bagamat hindi saklaw ng desisyon ng ECFI ang kanyang pagkakatala sa listahang 2007, direkta ang kaugnayan nito dahil patuloy na nilabag ng EU ang kanyang karapatan na ipagtanggol ang sarili at humarap sa isang korte upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya.

Iginigiit din ni Sison na ang mga kasong rebelyon na isinampa laban sa kanya ng gubyerno ng Pilipinas at pagparatang sa kanya ng ministro ng EU bilang terorista ay walang malinaw na batayan sa pambansa at pangdaigdigang mga hukuman. Kinundena rin niya ang pagsisikap ng militar ng Pilipinas na idawit ang kanyang pangalan tuwing may kaguluhang nagaganap sa bansa.

11. Nagsisinungaling ang rehimeng Arroyo sa datos ng disempleyo. Ipinagmamalaki ng rehimeng Arroyo na patuloy na lumiliit ang tantos ng disempleyo sa Pilipinas. Ayon sa mga upisyal nito, nakalikha ng limang milyong trabaho nitong nakaraang anim na taon (o 833,000 bagong trabaho kada taon). Sa pinakahuling datos na inilabas ng National Statistics Office, sinasabing bumaba ang tantos ng disempleyo tungong 7.4% (nitong Abril 2007) matapos lumikha umano ang ekonomya ng bagong trabaho para sa mahigit 1.2 milyong manggagawa.

Sa harap ng patuloy na lumalalang krisis sa ekonomya, kawalan ng tunay na industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, ang mga datos na ito ay kaduda-duda. Nagtatanong ang masang anakpawis: nasaan ang sinasabing bagong trabaho?

Ang totoo, pilit na pinagtatakpan ng rehimeng Arroyo ang napakalalang problema ng disempleyo sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng manipulasyon sa estadistika. Kung tutuusin, mahigit kalahati ng pwersang paggawa sa bansa ang wala o lubhang kulang ang trabaho. Dapat mapabulaanan ang mga kasinungalingan at panlilinlang ng rehimen, kabilang na ang mga pagdudoktor ng mga upisyal na estadistika at pagtatakip nito sa katotohanan.

Di mapagtakpan ang lala ng disempleyo. Ang manipulasyon sa estadistika ukol sa disempleyo ay dati nang ginagawa sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan kung saan pinalalabas na di kabilang sa pwersa ng paggawa o kaya “may trabaho” ang nakararaming walang trabaho. Sa pamamagitan ng mga manipulasyong ito, pilit na pinagtatakpan ang aktwal na laki ng bilang ng walang hanapbuhay. Ginawa ng rehimeng Arroyo ang pinakamalaking pagduduktor sa estadistika noong 2005. (Tingnan ang kalakip na artikulo.)

Bago ito, sa upisyal na estadistika, umaabot ang tantos ng disempleyo sa 11-14% noong 2001-2004. Mula sa 3.6 milyon (11.4% noong 2001) ay umabot ito sa 5 milyon (13.7%) noong Abril 2004. Biglang “lumiit” ang tantos ng disempleyo tungong 8.2% pagsapit ng Abril 2006 at 7.4% nitong nagdaang Abril. Subalit kung hihimayin ang mga pinagbatayang datos, makikita na hindi nalulutas at lalo pang lumalala ang problema ng disempleyo.

Sa pinakahuling sarbey ng NSO, lumalabas na sa kabuuang 33.7 milyong “may trabaho,” umaabot lamang sa 51.7% ang sahuran o swelduhan (karamihan pa sa mga ito ay mga manggagawang nasa ilalim ng kaayusang kaswal, kontraktwal, aprentis at katulad nito).

Ang halos kalahating natitira ay nasa ilalim ng kategoryang “nag-eempleyo sa sarili” (36%) at “di-bayad na nagtatrabaho para sa pamilya” (14.5%). Kabilang sa mga ito ang mahigit 10 milyon naglalako sa lansangan na kakarampot ang kinikita sa maghapong pagkayod, pati na mga nagbabantay sa tindahan at nagtatrabaho sa sariling lupa. Samakatwid, halos kalahati (45.5%) sa itinuturing na “may trabaho” ang sa katunaya’y mga walang sapat na hanapbuhay na pilit lamang na kumikita sa iba’t ibang paraan.

Dahil sa pagkaatrasado ng ekonomya, ang mga umiiral na trabaho sa bansa ay pawang mababa ang produktibidad, kadalasa’y panandalian at napakaliit ang kita. Ayon sa NSO, umaabot lamang sa 15.5% ng empleyo ang nasa sektor ng industriya, samantalang ang higit na nakararami ay nasa sektor ng serbisyo at komersyo (49.3%) at agrikultura 35.2%). Kalakhan pa ng ibinibilang sa “sektor ng industriya” ay nasa tipong-talyer na gawaing manwal; kalakhan ng nasa “sektor ng serbisyo at komersyo” ay naglalako sa lansangan, may maliliit na tindahan at pwesto sa palengke at gumagampan ng mga manwal at mababang klase ng serbisyo; at kalakhan ng nasa “sektor ng agrikultura” ay nagtatrabaho bilang manggagawang bukid at manwal na nagsasaka sa mga inuupahan o iba pang maliitang parsela ng lupa.

Ang ipinagmamalaki ni Arroyo na mga “bagong trabaho.” Pinalalabas lamang ni Arroyo na trabaho ang katunaya’y mga desperadong pagsisikap ng masang anakpawis na kumita at magkaroon ng pantawid-gutom.

Noong 2006, halimbawa, dalawa sa bawat tatlong “bagong trabaho” ay nasa kategoryang di swelduhang manggagawa sa pamilya (525,000) at katulong (148,000). Samantala, nagtanggal ng 105,000 pusisyon/trabaho ang sektor ng manupaktura.

Mahigit kalahati, o 681,000 ng bagong trabaho noong taong iyon ay nasa sektor ng agrikultura. Ngunit karamihan sa mga nagkaroon ng “bagong trabaho” ay mga manggagawang tinanggal sa trabaho o nabigong makakuha ng trabaho sa Metro Manila (kung saan 12.5% ang tantos ng disempleyo) at iba pang lunsod na napilitang bumalik sa kani-kanilang baryo upang kahit papaano’y makapagtrabaho bilang mga manggagawang bukid.

Malubhang kakulangan ng trabaho. Upang pagtakpan ang tunay na lumalalang tantos ng disempleyo, ipinaiilalim ng rehimen sa kategoryang “kulang sa trabaho” ang malaking bilang ng katunaya’y walang trabaho.

Nitong nakaraang tatlong taon (2005-2007), labis ang paglaki ng bilang na ito. Sa mismong upisyal na estadistika ng gubyerno, mula 15-17% noong 2001 hanggang Enero 2005, ang tantos ng kakulangan ng trabaho ay tumalon sa 26.1% noong Abril 2005 at mula noon ay hindi na bumaba sa 20%.

Kung susuriin, umaabot sa 78.4% ng ikinakategoryang “kulang sa trabaho” ang katunaya’y walang trabaho (sa salita ng gubyerno ay “malinaw na kulang sa trabaho”). Kabilang dito ang pito sa bawat siyam na mga manggagawang bukid na sinasabing “kulang sa trabaho” pero sa aktwal ay walang hanapbuhay.

Magpapatuloy ang paglala ng disempleyo. Ayon sa mga pag-aaral ng komite sa ekonomya ng Senado noong 2004, mangangailangan ng mahigit 1.6 milyong bagong trabaho taun-taon o 10 milyong trabaho hanggang 2010 upang magkaroon ng makahulugang pagbaba ang tantos ng disempleyo at kakulangan sa trabaho. Nagbabala ang komite na aabot sa 16.2% ang tantos ng disempleyo sa 2010 kung hindi makalilikha ng 1.6 milyong bagong trabaho taun-taon. Malayong mangyari ito sa ilalim ng rehimeng Arroyo laluna’t sunud-sunuran ito sa imperyalistang patakaran ng “globalisasyon” na tuluy-tuloy na sumisira sa pambansang ekonomya.

Sinasalamin ng tunay na tantos ng disempleyo ang lalim at tindi ng kinasasadlakang krisis ng ekonomya at kabuhayan ng bansa. Deka-dekada nang walang sapat na hanapbuhay para sa mga masang anakpawis dahil sa pandarambong ng mga imperyalista at mga kakutsaba nilang malalaking kumprador, burukratang kapitalista at panginoong maylupa.

12. Kasaysayan ng panlilinlang. Malaon nang pinaliliit ng reaksyunaryong gubyerno ang upisyal na mga estadistika sa disempleyo sa iba’t ibang paraan. Kabilang sa mga dati nang paraan ng pagpapaliit ng bilang ng disempleyo at pagpapalaki naman ng bilang ng diumano’y “may trabaho” ang sumusunod:

1.      Humigit-kumulang 35% ng populasyong maaaring makapagtrabaho (15 taong gulang pataas), na kinabibilangan pangunahin na ng mga “buong-panahong maybahay” at mga nag-aaral, ay hindi isinasama sa bilang ng pwersa sa paggawa. Malaking mayorya ng mga naghahanap ng trabaho ay mga kabataan at mga “buong-panahong maybahay.”

  1. Itinuturing ding may trabaho ang malaking bilang ng maliliit na petiburgis at malaproletaryadong “nag-eempleyo sa sarili” (own-account worker), tulad ng mga may maliliit na tindahan o nagtitinda sa palengke; mga naglalako ng pagkain, dyaryo o serbisyo sa mga lansangan; mga namumulot at nagbebenta ng basura; mga “barker” ng mga pamasaherong dyipni at megataxi; mga naglilinis ng mga sasakyan sa paradahan; at iba pang pana-panahong may maliliit at di regular na mga trabaho (oddjobber). Kalakhan ng mga ito ay mga magsasaka.
  2. Ibinibilang din sa mga “may trabaho” yaong nagtatrabaho sa mga empresa, tindahan o sakahan ng kani-kanilang mga pamilya na walang sahod o napakaliit ng sahod.
  3. Gayundin, ibinibilang sa mga “may trabaho” ang napakaraming mga “bahagyang-panahong nagtatrabaho”—kahit nakapagtrabaho lamang nang isang oras sa panahong nasaklaw sila ng sensus. Mga 42% ito sa kabuuang bilang ng mga “may trabaho,” ayon sa nabanggit na sarbey. Sa bilang na ito, mahigit 2/3 ay mga magsasaka.
  4. Iba pa sa “bahagyang-panahong nagtatrabaho” ang nasa ilalim ng kategoryang “kulang sa trabaho”—mga may trabaho buong-panahon man o bahagyang-panahon, pero nangangailangan pa ng karagdagang trabaho. Sa upisyal na estadistika, batay pa rin sa nasabing sarbey ng DoLE, bumibilang ito ng mga 20%, kung saan halos kalahati ay mga magsasaka. Mahigit doble at halos triple pa ito ng bilang ng nasa upisyal na kategoryang “walang trabaho.”

Noong 2005, pinasahol ng rehimeng Arroyo ang dati nang paraan ng pagkukubli ng malalang disempleyo sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbabago ng depinisyon ng “walang trabaho.” Batay dito, ang mga ibibilang na lamang sa upisyal na estadistika ng “walang trabaho” ay yaong 1) aktwal na walang trabaho; at 2) naghahanap ng trabaho sa loob ng anim na buwang saklaw ng panahon ng sarbey, kabilang na yaong mga nawalan na ng pag-asang makakita ng trabaho sa loob ng bansa.

Kaya biglang lumiit ang bilang ng itinuturing na pwersa sa paggawa at, sa gayon, ang bilang ng mga walang trabaho. Mula noon, “napababa” pa ni Arroyo ang upisyal na estadistika ng disempleyo mula 11-14% tungong 7-8%.

13. (Balita) Vilma Espín—bayani ng rebolusyong Cubano. Nagpupugay ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas kay Kasamang Vilma Espín, isang magiting at katangi-tanging upisyal ng Cuba na namatay noong Hunyo 8, 2007 sa edad na 77. Kagawad siya ng Komite Sentral at Politburo ng Communist Party of Cuba. Myembro rin siya ng Konseho ng Estado at presidente ng mga komisyon hinggil sa kababaihan at kabataan. Si Vilma Espín ay asawa ng bise-presidente ng Cuba na si Raul Castro. Siya ang nagsilbing “Unang Ginang” ng Cuba pagkamatay ng kaisang-dibdib ni Fidel Castro.

Nagmula sa angkang mayaman sa Santiago de Cuba si Vilma. Isa siya sa mga unang babaeng Cuban na nagtapos sa kursong chemical-industrial engineering. Katatapos lamang niya ng kursong ito sa bantog na Massachusetts Institute of Technology sa US nang sumama siya sa paghahanda sa pagbabalik ng mga nadistyerong rebolusyonaryong Cubano mula Mexico lulan ng barkong “Granmá”.

Umanib siya sa mga rebolusyonaryong gerilya sa Frank Pais Front na pinamumunuan noon ni Raul Castro. Dito’y ipinamalas niya ang kanyang kakayahan bilang babaeng kumander. Itinalaga rin siya bilang pamprubinsyang kagawad ng rebolusyonaryong hukbo ng Cuba. Bilang kagawad ay binigyan niya ng mas mahalagang papel ang kababaihan sa rebolusyon. Noon pa man ay inumpisahan na niya ang pagtatayo ng mga day-care center para mapalaya ang kababaihan sa pagkakatali sa bahay at ibayong makalahok sa pagrerebolusyon at pakikisangkot sa mga usaping panlipunan.

Nang magtagumpay ang rebolusyon noong 1959 ay nagpakasal sila ni Raul Castro. Nagkaroon sila ng apat na anak. Ang panganay nila ay aktibo rin ngayon sa pamunuan ng gubyerno ng Cuba sa kampanya laban sa HIV/AIDs at pagtataguyod ng mga karapatan ng iba’t ibang mga kasarian.

Si Espín ay presidente rin ng Federacion de Mujeres de Cuba (Pederasyon ng Kababaihan sa Cuba), isang organisasyong nagtataguyod ng pantay na karapatan at kabuhayan para sa kababaihan at karapatan ng mga sanggol at kabataan. Nang magtagumpay ang rebolusyon, ang organisasyong ito ang nagpakilos ng libu-libong kababaihan para magtayo ng mga eskwelahan at ospital; kumupkop at umaruga sa mga batang lansangan; at tumulong sa pagpapataas ng antas ng kabuhayan sa mga tinaguriang “pobreng baryo.” Pinamunuan niya ang mga kampanya sa literasiya at kalusugan hanggang sa kanyang pagkamatay.

Nanguna rin siya sa mga internasyunal na organisasyon at kumperensya na nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan. Pinamunuan niya ang mga kumperensyang pangkababaihan laluna sa Latin America sa gitna ng maraming tungkulin niya sa gubyerno ng Cuba.

Sa pagpupugay ni Presidente Fidel Castro, sinabi niyang malaki ang kontribusyon ni Espín sa pagkilala sa papel ng kababaihan. Sa ngayon, 66% ng teknikal na pwersa ng paggawa sa bansa ay kinabibilangan ng kababaihan. Aniya, dati’y halos walang mga babaeng kumukuha ng mga syentipikong kurso.

Dagdag pa ni Fidel Castro, “Hindi naging sagabal ang maraming gawain at tungkulin sa rebolusyon para kay Ka Vilma. Nagampanan niya ito nang mahusay kasabay ng paggampan din niya ng tungkulin bilang ina at may pamilya.”

14.  (Balita) Planong pagpatay kay Fidel Castro, kinumpirma ng CIA. Kinumpirma ng Central Intelligence Agency (CIA) ang planong pagpatay ng US kay President Fidel Castro ng Cuba noong dekada 1960. Nakasaad ito sa naisapubliko na ngayong mga dokumento ng National Security Archive sa George Washington University na inilathala noong Hunyo 26. Nakipagsabwatan ang CIA sa mga Mafia (organisasyon ng mga sindikatong kriminal sa US) at gumamit sila ng dalawang pusakal na gangster sa US upang isagawa ang tangkang panlalason sa rebolusyonaryong lider.

Isinalaysay sa 693-pahinang dokumentong “Family Jewel” na ginamit ng CIA si Johnny Roselli, isang gangster ng Mafia upang iayos ang tangkang asasinasyon. Plano namang gamitin ni Roselli ang mga gangster na sina Momo Salvatore Giancana (alyas Sam Gold) at Santos Trificante (alyas Joe). Kung sakaling magtagumpay, babayaran ang dalawa ng $150,000.

Nabunyag sa US ang planong asasinasyong ito noon pang 1971, ngunit ngayon pa lamang ito kinumpirma mismo ng CIA. Maliit na grupo lamang ng mga upisyal ng CIA ang nakaaalam ng balak na ito. Kinansela ang maitim na pakanang ito matapos mabigo noong Abril 1961 ang tinaguriang “Bay of Pigs Invasion.” Ang CIA ang nagplano, nagpondo at namuno sa pagpasok at pagsalakay ng mga mersenaryong Cuban sa Bay of Pigs (Playa Giron sa lokal na katawagan) sa timog-kanlurang Cuba bilang bahagi ng tangkang pagbabagsak sa gubyernong bayan na pinamumunuan ni Castro.

15. (Balita) Demolisyon sa tabing-riles, binatikos. Mariing binatikos ng mahigit 5,000 pamilyang nakatira sa tabing-riles sa Sta. Mesa, Pandacan at Sampaloc, Maynila ang pwersahang pagpapaalis sa kanila sa kabila ng pangako ni Bise Presidente Noli de Castro na maaari silang manatili sa lugar. Si de Castro ang pinuno ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Itatayo ng Philippine National Railways ang Southrail Rehabilitation Program (SRP) sa naturang lugar at iginiit ng Koreanong kontraktor na dapat alisin ang lahat ng istrukturang nasasaklaw ng 15 metro mula sa riles.

Tinutulan din ng mga residente ang lugar na paglilipatan sa kanila sa Trece Martires, Cavite dahil wala silang mapagkakakitaan doon. Nauna na rito, 8,000 pamilya rin na biktima ng demolisyon ang inilipat sa relocation site sa Cabuyao, Laguna.

16. (Balita) Mga progresibong mambabatas, nanumpa sa Korte Suprema. Nanumpa noong Hulyo 12 kay Chief Justice Reynato Puno ng Korte Suprema sina Satur Ocampo ng Bayan Muna (BM); Crispin Beltran ng Anakpawis; at Liza Maza ng Gabriela Women’s Party (GWP) matapos ianunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) ang parsyal na proklamasyon ng mga nagwaging partido sa eleksyong party-list.

Tigdalawang kinatawan lang muna ng BM at GWP at isang kinatawan ng Anakpawis ang pauupuin habang hindi pa nadedesisyunan ng Korte Suprema ang nakasampang petisyon dito laban sa “Panganiban formula.” Isinasaad ng pormulang ito na tanging ang partidong nakakuha ng pinakamataas na boto ang makapagpapaupo ng tatlong kinatawan sa Kongreso. Ang iba pang partido ay makapagpapaupo lamang ng isa o dalawang kinatawan.

Binatikos ni Ocampo ang naturang pormula na naglalayong bawasan ang bilang ng mga militanteng myembro sa Mababang Kapulungan. Ito ang unang pagkakataong ginamit ng COMELEC ang Panganiban formula at dahil dito ay nabawasan ng tig-isang pwesto ang BM at Anakpawis. Sa kabila ng pandaraya at matinding panunupil ng gubyernong Arroyo sa mga progresibong party-list ay lumabas pa rin ang mga ito sa 10 nangungunang partido.

17. (Balita) Pagtatalaga kina Atienza at Reyes, binatikos. Pagbayad lamang sa utang na loob at hindi pangangalaga sa kalikasan. Ito ang batikos ng mga grupong makakalikasan sa pagkakatalaga kina Lito Atienza at Angelo Reyes sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Energy (DoE). Sina Atienza at Reyes ay kapwa malalapit na alyado ni Gloria Arroyo.

Si Atienza, dating alkalde ng Maynila, ay binansagang “berdugo ng mga puno” dahil naiulat na pinaputol niya ang umaabot sa 70% ng mga puno sa Arroceros Forest Park nang ipasara niya ito para matayuan ng gusali. Tinuligsa rin siya ng Greenpeace Southeast Asia dahil sa kabiguan niyang ipatupad sa Maynila ang batas na nagtatadhana ng syentipiko, makakalikasan at ligtas sa kalusugan na pamamaraan ng pagtatapon ng basura. Tinukoy ng grupo ang muling paglitaw ng malaking tambakan ng basura sa Tondo bilang patunay nito.

Si Reyes, dating kalihim ng DENR, ay binatikos dahil sa kanyang todong suporta sa malalaking kumpanya sa pagmimina at pagpayag na buksan ang isang coal-fired power plant na pawang mapangwasak sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan.

18. (Balita) Nag-ooperasyong tropang militar, tinambangan ng MILF. Tinambangan ng mga mandirigima ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang mga nag-ooperasyong pwersa ng 1st Marine Brigade sa Barangay Guinanta, Al-barka (dating Tipo-tipo), Basilan noong Hulyo 10. Nasamsam ng MILF ang 27 armas, kabilang ang anim na M60 masinggan, walong M203 grenade launcher, 10 ripleng M16, isang 60 mm mortar at maraming night vision goggles. Dalawang siksbay ng militar ang winasak ng mga elemento ng MILF. Tatlumpung tropang militar ang namatay sa mahigit sampung oras na labanan. Apat na mandirigma ng MILF ang nasawi at pito ang nasugatan.

Mariing pinabulaanan ni Abu Majid, tagapagsalita ng MILF, ang akusasyon ng AFP na kagagawan ng mga pwersa ng MILF ang pagpugot ng 10 sa mga sugatan o nasawing tropang militar. Aniya, mahigpit na tumatalima ang MILF sa Islam at sa Geneva Conventions na parehong nagbabawal dito. Pinaiimbestigahan ng MILF kung sino ang responsable sa pagpugot ng mga nasawing Marines at nangakong parurusahan ang mga sangkot. Tumanggi ang MILF sa iginigiit ng AFP na isuko sa kanila ang mga namugot. Ang tim na bubuuin para mag-imbestiga ay pamumunuan ng isang responsableng myembro ng MILF Military General Staff.

Kinundena ng MILF ang pagpasok ng mga tropang militar sa kanilang erya nang walang koordinasyon sa kabila ng mga makinarya na pwede sanang gamitin para rito. Anito, ito’y tahasang paglabag sa kasunduan sa tigil-putukang umiiral sa pagitan ng MILF at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Kinumpirma rin ng ilang upisyal ng gubyerno ng Basilan na binalaan nila ang mga upisyal ng militar na huwag pumasok sa naturang lugar dahil kontrolado ito ng MILF. Binalewala ng militar ang kanilang mga babala. Idinahilan ng militar ang paghahanap nila umano sa dinukot na Italyanong pari na si Fr. Giancarlo Bossi, bagamat sinabihan sila ng mga lokal na upisyal na wala silang natatanggap na ulat na nasa naturang lugar si Fr. Bossi. Anang MILF, pagdepensa sa sarili ang ginawa nilang paglaban dahil sa malinaw na paglabag ng AFP sa kasunduan.

Inulan din ng batikos ang Marines sa mga paglabag nila sa karapatang-tao sa kanilang pag-ooperasyon. Bago ang pananambang, naiulat ang pagpaslang at pagpugot ng mga sundalo sa isang bulag na lider-relihiyoso, si Ustadz Matarul Hakim Alkanul, noong umaga ng Hulyo 10. Dalawang sibilyang nangunguha ng niyog ang hinabol din at basta na lamang pinagbabaril ng Marines pagpasok nila sa Barangay Guinanta. Nasugatan sa atake ang isa sa mga sibilyan.

Ayon sa mga ulat, naging mitsa ng labanan ang kara-karakang pamamaril ng Marines sa naturang mga sibilyan. Nang paabutan ng mga biktima ang MILF at iba pang masang Moro sa lugar hinggil sa pamamaril sa kanila, sama-samang humarap sa umaatakeng Marines ang humigit-kumulang 100 pwersa ng MILF at mahigit 400 masang Moro na nagngangalit sa pananalakay ng mga sundalo.

Isang batalyong tropa ang ipinadala ng AFP sa Basilan para tugisin ang mga pwersa ng MILF at iba pang armadong grupo na sangkot sa pananambang. Anang MILF, handa silang harapin ito.

 

 


Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s



%d bloggers like this: