the prwc blog


May 21, 2007 regular issue of AB in Pilipino (original edition)
June 7, 2007, 12:24 pm
Filed under: Ang Bayan

1. (Editoryal) Eleksyong 2007: Bulok sa kaibuturan

Ilang ulit na pinasahol ng naghaharing pangkating Arroyo ang bulok na sistema ng eleksyon sa Pilipinas. Labis-labis ang karahasan, pandaraya, panunuhol, maruruming maniobra at pambabraso sa eleksyon nitong Mayo. Isinagawa ito sa pamamagitan ng militar, pulis, mga tauhan sa Comelec at burukrasya. Lalong tumingkad ang kahungkagan ng sinasabing demokratikong eleksyon sa ilalim ng kasalukuyang reaksyunaryong sistema.

Pinakamatitingkad ang pandaraya ng kampong Arroyo sa Maguindanao, Sulu at Bohol kung saan nagkaroon ng halos 12-0 resulta ang eleksyon sa pagkasenador pabor sa administrasyon. Sinundan pa ito ng paglilitawan ng 12-0 pabor sa Team Unity sa ilampu pang mga munisipalidad na kontrolado ng mga alipures ni Arroyo.

Palaging ipinagmamalaki ng Team Unity ng Malacañang na ang boto sa Mindanao at Visayas ang magpapanalo sa kanila. Buo ang kumpyansa ng mga kasapakat ni Arroyo sapagkat nakapwesto pa rin ang mga mandarayang upisyal ng Comelec sa Mindanao na sangkot sa pandarayang “Hello Garci” ni Arroyo noong 2004. Sa Mindanao ginagawa ang pinakamalalaki, pinakalaganap at pinakagarapal na pandaraya.

Sa Maguindanao, tulad ng ibinunyag ng Moro Islamic Liberation Front, ni walang botohang naganap. Sa halip, mga election inspector na ang pumuno sa mga balota na pinatatakan lamang ng thumbmark ng mga bata. Gayundin ang nangyari sa Sulu.

Todo-todo rin ang pandaraya ng administrasyon sa ARMM, Lanao del Norte, Lanao del Sur at Zamboanga Sibugay. Sa mga lugar na ito, pare-parehong sulat-kamay ng iisa o iilang tao ang nasa mga balota at canvass ng mga boto.

Sa pamamagitan ng pandaraya sa Mindanao, kakayaning hilahin pababa ang tatlo hanggang apat na kandidato ng Genuine Opposition upang maisingit ang mga kandidato ng Team Unity.

Mismong ang Comelec ay ginamit sa pandaraya at manipulasyon ng eleksyon. Sa tulak ng Malacañang, ipinatigil ng Comelec ang ginagawang pag-uulat ng midya sa pagbibilang ng boto. Ito ay dahil sa maraming pagkakataon ay naipararating agad sa publiko ang resulta ng bilangan sa mga presinto bago pa man ito maretoke ng mga opereytor ni Arroyo.

Sa Isabela, iniulat ng NDF-Northeastern Luzon na mismong pinuno ng Comelec na si Benjamin Abalos ang sinuhulan ng P200 milyon upang tiyaking maiuupo si Benjamin Dy bilang gubernador. Ang pakana na patalsikin si Grace Padaca bilang gubernador ay nagmula mismo kay Arroyo. Sa kabila ng kalamangan ni Padaca, inaantala ng Comelec ang kanyang proklamasyon upang mabago pa ang resulta ng eleksyon doon.

Laganap at lantaran din ang pandaraya sa mga progresibong party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan at Suara Bangsamoro. May naidokumento na silang 156 kaso ng mga pandaraya, maruruming maniobra at karahasan laban sa kanila sa Pampanga, Batangas, Quezon City, Albay, Camarines Sur at Norte, Maguindanao, Lanao del Sur, Sultan Kudarat, Zamboanga Sibugay at marami pang lugar. Kabilang sa mga maniobrang ginawa sa Mindanao ang pagtatanggal sa election returns (ER) ng pahina para sa party-list; di pagbasa o pagtatala ng mga boto para sa mga progresibong partido at Genuine Opposition; pagpapahuli sa bilangan ng boto para sa party-list at mga senador upang lutuin na lamang pagkatapos; bentahan ng mga ER; at di pagbibigay ng kopya ng election returns para sa mga progresibong party-list at oposisyon at sa halip pagpapasa ng mga ito sa mga kakampi ng Malacañang.

Ang mga botong sistematikong kinakaltas sa mga progresibong partido ay idinaragdag naman sa mga pasista at mersenaryong grupong pakawala ng Malacañang at AFP, gaya ng ANAK, Agap, Aging Pinoy, AKSA, Apoy, ANAD, Bantay, Biyaheng Pinoy, Ahon Pinoy, Abono, Kasangga at Kakusa.

Walang dudang may milagrong ginagawa sa pangunguna sa talaan ng Comelec ng mga bagong grupong party-list tulad ng Abono at Biyaheng Pinoy. Ang Abono na nagpapanggap na organisasyon ng mga magsasaka ay itinayo ni Speaker Jose de Venecia at ang Biyaheng Pinoy na nagpapanggap na organisasyon ng mga drayber ng traysikel ay itinayo ng nakatatandang kapatid ni Comelec Chairman Benjamin Abalos. Sa talaan ng Namfrel, nangunguna ang Gabriela Women’s Party at Bayan Muna.

Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga biktima ng pagpaslang at iba pang karahasan kaugnay ng halalan. Nadagdag sa 157 nang napatay hanggang Mayo 14 ang dinukot at pinaslang na dalawang poll watcher ng Kabataan Party sa Camarines Norte; ang binaril na isang kasapi ng Bayan Muna at lider din ng isang lokal na kandidato sa Iloilo; ang asawa ng isang kandidato sa Abra na pinagbabaril ng poll watcher ng kalabang partido; at isang guro at isang poll watcher na nasawi nang sunugin ng mga elemento ng Calabarzon Regional

Special Action Force ng Philippine National Police (PNP) ang isang paaralan sa Batangas.

Sa aktwal ay lumobo na nang anim na beses ang bilang ng mga kandidatong napatay at lumaki na nang apat na beses ang bilang ng mga armadong sagupaan kaugnay ng eleksyon mula 1995 hanggang sa kasalukuyan. Mula noong 2001, ang halalang 2007 ang isa sa may pinakamalaking kabuuang bilang ng mga napapatay. Ibayong malaki pa ang bilang ng mga napatay sa halalang ito kung isasama pa ang mga pinaslang na mga lider at kasapi ng mga progresibong grupong party-list ilang buwan bago ang eleksyon.

Bukod pa rito ang matinding militarisasyon, laluna sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran kung saan malakas ang mga progresibong partido at oposisyon. Binabantaan ng militar ang mamamayan laban sa pagboto sa mga progresibong partidong party-list at pilit silang pinaboboto sa Bantay, ANAD, Uni-MAD, AKSA at iba pang partidong alaga ng Malacañang at AFP. Sa maraming lugar, gaya ng La Union, hinaharang ang mga poll watcher ng mga progresibong partido at kahit nasa loob na ng mga presinto ay hinaharas pa ng mga sundalo at pulis. Sa ibang lugar, tahasan ang pagdedeklara ng failure of elections upang makapandaya pa.

Pilit na pinagtatakpan ng PNP at Comelec ang katotohanang ito. Ayon sa kanila, “sa kabuua’y mapayapa” ang nagdaang eleksyon at “walang naiulat na mga insidente ng pandaraya, maliban sa maliliit na kaso.” Para pagtakpan ang ginagawa ng mga militar at pulis na pagpapakasangkapan sa mga pulitiko sa pandarahas sa eleksyon, kara-karakang ibinintang ng hepe ng PNP sa Bagong Hukbong Bayan ang panununog sa eskwelahan sa Batangas na ikinamatay ng dalawa. Kalauna’y nabunyag na mga tauhan niya mismo ang itinuro ng mga saksi.

WALANG KAPANTAY ang pinakawalang salapi, maruruming taktika at pandarahas ng Malacañang nitong nagdaang eleksyon. Sa harap ng mahigpit na paglaban ng mga demokratikong pwersa, progresibong partido at oposisyon, ginamit ng pangkating Arroyo ang lahat ng kapangyarihan ng estado para hadlangan ang mga ito na makapwesto sa Kongreso at lokal na pamahalaan.

Subalit nagkakamali sina Arroyo at mga kasapakat niya sa pag-aakalang walang hanggan nilang mahahawakan ang poder. Sisingilin sila ng mamamayan sa malao’t madali sa lahat ng mabibigat nilang krimen sa bayan.

Ang labis na pandaraya at pandarahas nitong nagdaang halalan ay lalo lamang gumagatong sa nag-aalab na galit ng mamamayan. Ang lahat ng ito’y nagtutulak sa mamamayan na mas patindihin at palawakin pa ang kanilang paglaban—sa parlamento, sa korte, sa lansangan at sa larangan ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka. Hindi titigil ang mamamayan hangga’t hindi napatatalsik ang rehimeng Arroyo at napagbabayad ito nang mahal sa lahat ng krimen nito sa bayan.

 

2. Sampal kay Arroyo

Sa kabila ng todo-todong pandaraya, manipulasyon at pandarahas ng Malacañang at mga instrumento nito, di nagawang burahin ang boto ng mamamayan laban sa rehimeng Arroyo. Nakapagkamit ng makabuluhang tagumpay ang mga progresibong partido at oposisyon sa halalan sa Senado, sa party-list, sa ilang pamahalaang lokal at distritong kongresyunal.

Malaking sampal sa rehimeng US-Arroyo ang pangunguna ng mga oposisyunista at mga progresibong grupong party-list sa inisyal na resulta ng mga bilangan. Kahit sa mga balwarte umano ng mga alipures ni Arroyo tulad ng Cebu, Iloilo, Negros Occidental at Eastern Samar ay bigo silang tiyakin ang solidong boto para sa lahat ng kandidato ng Malacañang.

Nangunguna sa halalan sa Senado ang nakararaming kandidato ng Genuine Opposition. Kabilang sa 12 na may pinakamataas na boto si dating Ltsg. Antonio Trillanes IV, isa sa mga lider ng pag-aalsa sa Oakwood noong 2003 at isa rin sa mga pinakamariing tumutuligsa kay Gloria Arroyo. Ito’y sa kabila ng kanyang pagkakakulong ngayon sa Camp Bonifacio, kakulangan ng pera at makinaryang pangampanya.

Tampok din sa halalan sa Senado ang maliit na botong nakukuha ng pangunahing mga tagapagsalita ng rehimeng Arroyo, kabilang sina Mike Defensor at Prospero Pichay.

Sa halalan para alkalde ng Makati City, bumuhos ang boto para kay Jejomar Binay, ang oposisyunistang meyor na makailang ulit na sinubukang suspindihin ng Malacañang, gayundin sa katiket niya para sa vice mayor, konseho at mga distritong kongresyunal ng Makati. Sa kabilang banda, mga 10% lamang ng mga boto ang nakuha ni Lito Lapid, ang sugo ni Arroyo na pinatakbo niya laban kay Binay.

Nagwagi naman sa Pasay City ang napatalsik na oposisyunistang meyor na si Wenceslao “Peewee” Trinidad matapos gawin ang lahat ng Malacañang para ipakulong siya noong 2006 dahil sa mga gawa-gawang kaso.

Sa Maynila, tinalo ni Alfredo Lim si Ali Atienza, anak ng kasalukuyang alkalde ng Maynila na isa sa mga pinakamasusugid na alyado ni Arroyo at tagasupil ng mga rali sa Maynila. Nangako si Alfredo Lim na ibabasura na niya ang patakaran ng pagbabawal ng rali sa Mendiola.

Sa unang distrito ng South Cotabato, walang panama ang kasikatan ng boksingero at tuta ng Malacañang na si Manny Pacquiao kay Darlene Antonino-Custodio, isa sa mga oposisyunistang kongresistang nanguna sa pagsusulong ng kasong impeachment.

Sa unang distrito ng Bukidnon, tinalo ni Malou Acosta, isang oposisyunista, si Virgilio Garcillano, ang opereytor na nakilala ng buong bayan bilang “Garci” nang malantad ang pagsasabwatan nila ni Gloria Arroyo sa pandaraya sa eleksyon.

Sa Naga City, talo ng oposisyunistang si Jesse Robredo ang kandidato ng administrasyon sa pagkaalkalde na si Jojo Villafuerte, pamangkin ni Luis Villafuerte na presidente ng partido pulitikal ni Arroyo. Ito’y sa kabila ng pagtatangka ng Malacañang at mga Villafuerte na madiskwalipika si Robredo. Inakusahan siyang hindi Pilipino dahil ang lolo niya sa tuhod ay galing sa China.

Sa Pampanga, ang prubinsya ni Gloria Arroyo, isa sa pinakamatutunog na sampal sa mukha ng pekeng presidente ang pananaig ng baguhang si Fr. Ed Panlilio sa kapwa maka-Arroyo na mga kandidatong sina Lilia Pineda at Mark Lapid. Si Lilia Pineda ay asawa ni Bong Pineda, isang malaking jueteng lord, kababayan at mahigpit na kaalyado ni Arroyo. Si Mark Lapid, na malapit din kay Arroyo, ay inaakusahang nangupit ng hanggang bilyong pisong bayad sa gubyerno ng mga naghahakot ng graba mula sa mga ilog ng Pampanga.

Sa Iloilo, maagang tumanggap ng pagkatalo sa halalan pagkagubernador si Roberto Armada, kandidato ni Arroyo laban sa kasalukuyang gubernador na si Niel Tupas Sr. Si Tupas ay isang kilalang oposisyunista na tinangkang patalsikin ng rehimeng Arroyo sa kapitolyo noong nakaraang Enero.

Sa Isabela, tinalo muli ng nakaupong gubernador na si Grace Padaca ang warlord at maka-Arroyong si Benjamin Dy.

Sa kabila rin ng tuluy-tuloy na kampanya ng pamamaslang, panunupil at pananakot laban sa mga progresibong partido, nangunguna ang Bayan Muna (BM) at Gabriela Women’s Party (GWP) sa halalan para sa party-list. Sa talaan ng Namfrel, nasa unang dalawang pwesto ang Bayan Muna at Gabriela Women’s Party. Inaasahan ding makakukuha ng sapat na boto ang partidong Anakpawis para makaupo ang minimum na isang kinatawan sa Kongreso.

 

3. Saksi sa pandaraya

Kakoro ni Gloria Arroyo ang kanyang mga hepe sa AFP at PNP sa pagmamayabang sa buong mundo na ang halalan noong Mayo 14 ay naging malaya, maayos at demokratiko.

Napatunayang hungkag ang pagmamayabang na ito sa konsolidadong ulat ng People’s International Observers’ Mission (IOM) na inilahad sa midya noong Mayo 18. Ang IOM ay kinabilangan ng 27 unyonista, estudyante, aktibista, taong-simbahan, akademiko, artista at abugado mula sa Australia, Belgium, Canada, Germany, South Korea, Japan, Myanmar, Norway, Scotland, The Netherlands, Switzerland at US na nagmasid, nagtala at nag-ulat hinggil sa mga nasaksihan nila sa takbo ng eleksyon sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

Mula Mayo 14 hanggang 16 ay pinuntahan ng IOM ang pitong susing rehiyon ng Pilipinas. Malawakan nilang nakapanayam ang apektadong mga botante, na nakunan ng nakabidyong mga testimonya. Nakakuha sila ng ilandaang litrato mula sa 10 erya tulad ng Tondo, Maynila; Makati City; Quezon sa Southern Tagalog; Sorsogon at Masbate sa Bicol; Nueva Ecija at Pampanga sa Central Luzon; Cebu sa Central Visayas; Marawi City sa Lanao del Sur; at Compostela Valley sa Southern Mindanao.

Ayon sa IOM, hindi na lamang sa saklaw ng Pilipinas katangi-tangi ang antas ng kabulukan ng halalan ng 2007. Kabilang na ito sa talaan ng pinakamarurumi at pinakamadudugong eleksyon sa buong mundo. Sa gulat at pagkadismaya sa dumi ng halalan at tindi ng karahasang kanilang nasaksihan, sinabi ng isang dayuhang tagamasid mula sa IOM na mas malala pa ang eleksyon sa Pilipinas kaysa sa naranasan niya sa Afghanistan kung saan naging pinakamatindi ang karahasan sa eleksyon.

Kahit sa harapan ng mga dayuhang tagamasid mula sa IOM, walang pangingiming isinagawa ng mga alipures ni Gloria Arroyo ang pagbili ng boto, pagmanipula sa resulta ng botohan, pagbabanta, pambobomba at iba pang maniobra at karahasan sa pamamagitan ng mga pwersang militar at pulis, mga private army ng mga pulitiko at maging ng mga upisyal ng Comelec. Kahit mga dayuhang tagamasid ay hindi nakaligtas sa pananakot ng mga militar nang iharas sila sa Cebu at sa Nueva Ecija.

Ayon sa IOM, “sadya at planado ang kaguluhan” sa eleksyon para mahadlangan ang pagboto ng mga botanteng hindi kontrolado ng mga maka-Arroyong kandidato. Laganap din ang pananakot, taliwas sa ipinangangalandakan ng Malacañang na ang mga botanteng Pilipino ay “nagsumite ng kanilang mga balota nang walang pamimilit at naaayon sa sariling pagkukusa.”

Sistematikong nanghimasok ang militar sa prosesong elektoral, anang IOM, kaya nauk-ok ang demokrasya at natakot ang mamamayang gamitin ang kanilang karapatang bumoto. Malawakan ang presensya ng mga batalyon ng AFP, at tuluy-tuloy ang mga kampanyang saywar at mga kaso ng harasment hanggang sa maganap ang eleksyon. Inutusan ang mga botante na huwag iboto ang ilang grupong party-list na binansagang prente ng Bagong Hukbong Bayan, anang IOM. “Dahil sa laganap na pandaraya, panloloko at manipulasyon, imposibleng magkaroon ng patas at malinis na eleksyon,” anito.

 

4. 38 armas ang nasamsam, 31 ang napatay, 37 nasugatan at 6 ang nabihag: Sunud-sunod na hambalos sa AFP

Nakalasap ng sunud-sunod na mga hambalos ang mga bayarang tropa ng rehimeng US-Arroyo sa Abra at iba pang lugar sa Pilipinas mula Mayo 3 hanggang Mayo 16. Sa kabuuan, 31 reaksyunaryong tropa ang napatay, 37 ang nasugatan at anim ang nabihag, kabilang ang isang tinyente at mga non-commissioned officer. Nadagdagan din ang arsenal ng hukbong bayan ng 38 armas na may iba’t ibang kalibre, kabilang ang isang M60 light machine gun.

Sa Abra. Nalipol ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Agustin Begnalen Command (ABC-BHB)-Abra ang walong sundalo na bahagi ng 3rd Platoon, “A” Coy ng 41st IB sa Barangay Amtuagan, Boliney noong Mayo 16. Nagsimula ang ambus alas-5:45 ng umaga at tumagal ito nang 45 minuto.

Pitong sundalo at isang elemento ng CAFGU ang napatay at pitong iba pa ang nasugatan. Kabilang sa mga napatay ay si 2Lt. Mark Evan Onrubia, kumander ng 3rd Platoon na bahagi ng 50-kataong yunit na nagpapatrulya noon sa sentral na bahagi ng prubinsya.

Muling sumiklab ang labanan makalipas ang halos dalawang oras mga dalawang kilometro na ang layo mula sa unang lugar na pinaglabanan. Dito’y nagtamo ng dagdag na dalawang patay ang Philippine Army at di pa malamang bilang ng mga sugatan.

Sa unang ambus ay nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng limang M16, dalawang M14, isang M230 grenade launcher, 1,600 bala at walong bandolier. Nakakumpiska rin sila ng limang bakpak mula sa mga pasistang tropa.

Pagsapit ng hapon ng araw ding iyon ay pinalaya ng ABC-BHB ang apat na POW na pinangunahan ni 2Lt. Jeron Labrador Etrone, kumander ng “C” Coy ng 77th IB. Nadakip sila sa isang tsekpoynt noong Mayo 15 ng umaga. Nakumpiska sa kanila ang dalawang .45 kal. pistola at iba pang kagamitang militar. (Para sa karagdagang detalye, basahin ang kaugnay na artikulo.)

Bago ang ambus sa Barangay Amtuagan, naglunsad ng operasyong isnayping noong hapon ng Mayo 14 ang isa pang yunit ng ABC laban sa patrol base ng 41st IB sa Barangay Kilong-olao sa bayan pa rin ng Boliney. Isang elemento ng CAFGU ang napatay sa operasyong ito.

Sa Northern Samar. Pauwi na sa kanilang himpilan ang mga nagpapatrulyang sundalo ng 20th IB nang tambangan sila ng BHB sa Barangay Magsaysay, Lope de Vega noong Mayo 13 alas-5:45 ng umaga. Isa ang napatay at dalawa pa ang nasugatan. Kumaripas ng takbo ang iba pang militar. Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng isang M60 light machine gun, isang M14 at mga bala.

Sa Mountain Province. Inambus ng isang yunit ng Leonardo Pacsi Command ng BHB-Mountain Province ang apat-na-sasakyang komboy ng pusakal na 54th IB noong Mayo 12 sa Barangay Sukit, Bontoc. Tatlo ang napatay at 17 ang nasugatan, kabilang ang berdugong kumander mismo ng “C” Coy ng 54th IB na si 2Lt. Edward Sia-ed.

Isinagawa ang pananambang sa Bontoc-Paracelis Road bandang alas-11 ng umaga at malayang nakaatras ang mga Pulang mandirigma bandang alas-12:20 ng hapon nang walang kaswalti. Ang 50-kataong yunit militar ay kagagaling sa limang araw na pag-ooperasyon sa silangang bahagi ng Mountain Province.

Ang ambus ay aksyong pamarusa laban sa 54th IB, ayon kay Ka Magno Ugyaw, tagapagsalita ng Leonardo Pacsi Command. Ilan sa mga matitingkad na krimen ng berdugong yunit ng militar ang sumusunod:

  • iligal na paghahalughog sa mga kubo at pagnanakaw sa mga imbakan ng palay ng mga magsasaka sa Saclit, Padanga at sa Patang, Tonglayan, Natonin noong Nobyembre 18-20, 2006;

  • pagpatay sa estudyanteng si Michael Uyad ng Gueday, Besao noong Hulyo 2006;

  • pagsunog sa tatlong bahay ng maliliit na minero sa Chapek Creek, Mainit noong Marso 20-23, 2006; at

  • pagpatay sa magsasakang si Etfew Chadyaas noong Agosto 5, 2003 na pinaratangan ng militar na isang kumander ng BHB.

Sa Quezon. Tinambangan ng BHB ang nagpapatrulyang platun ng 76th IB sa Barangay Bantad, Gumaca noong umaga ng Mayo 11. Isang sundalo ang napatay sa labanang ito.

Sa Mindoro. Limang kasapi ng 407th Provincial Mobile Group ng Philippine National Police (PMG-PNP) ang napatay at anim pa ang nasugatan sa ambus na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng Lucio de Guzman Command noong Mayo 10, alas-7 ng umaga sa Sityo Tugtugin, Barangay Batasan, San Jose, Occidental Mindoro.

Lulan ng isang dyip na back-to-back ang mga tropa ng PMG nang masabugan sila ng command-detonated land mine. Kasunod ng pagsabog ay pinaulanan ng bala ang mga kaaway, pati ang mga tropang unang bumaba at naglakad. Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakaatras na ang mga Pulang gerilya mula sa lugar na pinangyarihan dahil hindi na nakapanlaban ang mga pulis.

Nakasamsam ang BHB ng apat na M16, dalawang M14, isang M203 grenade launcher at maraming bala.

Sa kanilang pahayag sa midya noong Mayo 11, nilinaw ng Lucio de Guzman (LDG) na ang isinagawang ambus ay isang lehitimong operasyong militar. Lehitimong mga target militar ang mga tropa ng PMG na nagsasagawa noon ng “clearing operations” para sa miting de abanse ni Gov. Josephine Ramirez-Sato. Pinabulaanan ng LDG ang ibig palitawin ni Sato at kasapakat niyang mga upisyal ng militar at pulisya na ang pananambang ay bunsod ng hindi pagbayad ng gubernador ng “permit to campaign” sa BHB.

Bago ito, tinambangan ng BHB ang mga armadong badigard ni Mayor Alex Aranas ng Pola, noong hapon ng Mayo 4 sa Sityo Proper, Barangay Matula-tula, Pola.

Iniulat ni Higom Maragang, tagapagsalita ng LDG, na napatay sa labanang ito sina Lt. Policarpio Malvar Dimaano ng 68th IB at isang pulis. Nasamsam ng mga gerilyang bayan sa mga pwersang panseguridad ng alkalde ang dalawang M16, isang karbin, anim na .45 kal. pistola at isang .38 kal. rebolber.

Nakipagputukan ang mga badigard ni Aranas ngunit napilitan silang sumuko nang mapasok ng BHB ang bahay na kanilang pinagtaguan. Nabihag si Aranas at kasama niyang dalawang pulis ngunit pinalaya rin sila pagkatapos ng ilang oras. Kinausap ng mga responsableng kadre ang alkalde at binigyan siya ng mariing babala kaugnay sa mga kasalanan niya laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.

Kabilang sa kanyang mga kasalanan ang pagpatay sa mag-amang Perlas na taga-Campaminto; pambubugbog sa dalawang magsasaka na taga-Calimo; at paggamit ng mga armadong badigard na militar at pulis sa pangangampanya na mahigpit na ipinagbabawal ng BHB. Bago pinalaya si Aranas ay pinayuhan siyang lisanin ang bayan ng Pola at tigilan na niya ang pakikipagkutsaba kay Col. Mario Chan ng 204th Infantry Brigade.

Sa Negros Occidental. Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng Jean Pelle Command noong Mayo 10 ng umaga ang mga tropa ng 33rd Recon Company sa Sityo Malasaging, Barangay Pinapugasan, Escalante City. Apat sa mga sundalong nakapailalim sa Task Force North Group ang napatay. Dumating ang mga panaklolong pwersa ngunit ang mga ito ay tinambangan din. Nakasamsam ang BHB ng isang M16, isang M14 at maraming bala.

Noong Mayo 5 naman, ilang kolum ng 303rd Bde na sumusuyod sa kanayunan ng Moises Padilla ang inambus ng mga gerilya ng Leonardo Panaligan Command. Pinili nila ang pinakamahinang kolum ng kaaway. Apat na sundalo ang napatay at dalawa pa ang nasugatan habang walang pinsalang natamo ang BHB.

Bunsod ng matagumpay na ambus, nabulabog ang iba pang kolum ng Philippine Army at nagsitakbuhan ang mga ito. Nakaagaw naman ang mga Pulang mandirigma ng apat na M16 at isang .45 kal. pistola.

 

Bago ito, inambus ng isang yunit partisano ng Roger Mahinay Command ang mga pwersa ng bandidong Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) sa Barangay Pinggot, Ilog noong Mayo 3. Nakasamsam ang BHB ng dalawang M16 mula sa mga nagsitakbuhang bandido. Dalawa ang nasugatan sa RPA-ABB. Ang RPA-ABB ay aktibong katuwang ng 61st IB sa paghahasik ng terorismo sa kanayunan.

 

5. Mga POW, pinalaya ng BHB

Pinalaya ngayong Mayo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga rehiyon ng Ilocos-Cordillera (ICR) at Southern Mindanao (SMR) ang kanilang mga nabihag na sundalo.

Sa ICR, pinalaya nitong Mayo 16 sa Baoyan, Boliney, Abra sina 2Lt. Jeron Labrador Etrone, kumander ng “C” Coy ng 77th IB ng Philippine Army, Sgt. Restino Angoluan Alabon, Sgt. Alexander Salvador Paulo at Cpl. Eugenio Soriano, Jr. Nabihag sila noong Mayo 15 ng umaga nang dumaan sila sa isang tsekpoynt na itinayo ng BHB sa pagitan ng Barangay San Ramon, Manabo at Barangay Baoyan, Boliney.

Sa isang pahayag, sinabi ng Agustin Begnalen Command ng BHB-Abra na ginawaran ang mga bihag ng mga karaparatan at mga pribilehiyong naaayon sa kanilang katayuan bilang mga prisoner of war o POW. Isinauli ng BHB ang lahat ng kanilang mga personal na kagamitan, pati ang dalawang motorsiklong kanilang sinasakyan noon. Pinakawalan sila nang mapatunayang wala silang mga utang na dugo sa mamamayan at mga paglabag sa karapatang-tao. Ngunit kinumpiska ng BHB ang dalawang .45 kal. pistola ng mga sundalo dahil ito ay mga gamit pandigma.

Saksi ang mga upisyal ng Barangay Council ng Baoyan, mga katutubong lider at taumbaryo nang lagdaan nina Etrone at mga kapwa niya sundalo ang isang kasulatang nagsasaad na maayos silang tinrato bilang mga POW. Hinimok din sila ng mga kasapi ng hukbong bayan na lisanin na lamang ang reaksyunaryong AFP o kaya’y galangin ang mga probisyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Sa SMR, pinalaya rin ng Merardo Arce Command (MAC) noong Mayo 8 sa Trento, Agusan del Sur si S/Sgt. Alberto A. Baludoya. Si Baludoya ay nabihag ng BHB sa isang tsekpoynt na itinayo ng BHB sa Barangay Aragon Road, Cateel, Davao Oriental noong Abril 13.

Napatunayang nagkasala si Baludoya sa mga kontra-rebolusyonaryong gawain. Sa loob ng 17 taon niyang pagseserbisyo sa AFP, aktibo siyang lumahok sa mga operasyong kombat at paniktik at iba pang gawaing mapaminsala sa masa sa mga bayan ng Asuncion at Talaingod sa Davao del Norte, sa Loreto, Agusan del Sur at sa iba’t ibang bayan ng Davao Oriental. Bilang kumander ng detatsment ng 72nd IB sa Barangay Aliwagwag, Cateel, pinamunuan niya ang pagrerekrut ng CAFGU, paglulunsad ng mga operasyong SOT at pagtatayo ng mga detatsment sa mga sibilyang komunidad, na pawang labag sa pandaigdigang makataong batas.

Pinalaya siya dahil sa mga batayang makatao nang mag-apela ang kanyang mga magulang. Iniatras ang mga akusasyon laban sa kanya, subalit bubuhayin ito kung patuloy niyang lalabanan ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Pilipino, ayon kay Kasamang Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng MAC.

 

6. Mga krimen ni Arroyo, lalo pang dumarami

Patuloy ang pananalasa ng mga uhaw sa dugong berdugo ni Arroyo sa kabila ng lumalawak na internasyunal na kundenasyon. Ayon sa mga pinakahuling ulat na nakalap ng AB, tatlong myembro ng mga progresibong partido ang pinaslang kaugnay ng eleksyon sa Camarines Norte at Iloilo. Apat namang mga myembro ng militanteng grupong magsasaka ang pinatay sa Agusan del Sur at Negros Occidental. Pinaslang din ng mga sundalo at sinalaula ang mga bangkay ng isang mag-ina sa Agusan del Sur.

Mayo 16. Natagpuang patay sina Jun Bagasbas, 20, at Ronilo Vallevare, 16, sa pagitan ng Barangay Matague at Cabataguangan sa Capalonga, Camarines Norte. Sina Bagasbas at Vallevare, mga organisador at poll watcher ng Kabataan Party, ay dinukot ng mga pinaghihinalaang sundalo noong gabi ng Mayo 15.

Mayo 14. Binaril ng mga elemento ng death squad si Melbert Camariosa, 32, habang papauwi siya mula sa katatapos na canvassing ng mga boto ng mga kandidato sa Igdampog Sur Primary School, Igdampog Sur, Tubungan, Iloilo. Tinamaan si Camariosa sa dibdib at hindi na nakaabot nang buhay sa ospital. Maliban sa pagiging kasapi ng konseho ng barangay, siya ay aktibong kasapi ng Bayan Muna (BM) at tagapangampanya ng isang kandidato sa pagkaalkalde sa Tubungan.

Mayo 5. Pinatay ng mga berdugo ni Arroyo si Jorge Dinolan, 40, myembro ng Nagkahiusang Mag-uuma sa Agusan del Sur-KMP sa bayan ng Loreto, Agusan del Sur. Umalis si Dinolan sa kanilang bahay noong Mayo 4 at hindi na nakauwi. Kinabukasan, nakita na lamang ang kanyang bangkay malapit sa ilog ng Umayam. Bukod sa tama sa ulo, nagtamo rin ang biktima ng maraming pasa sa katawan.

Mayo 5 hanggang sa kasalukuyan. Tatlong magsasaka ang walang awang minasaker ng nag-ooperasyong mga elemento ng 11th IB sa Sityo Malipayon, Barangay Sibucauan, Isabela, Negros Occidental. Ang mga biktima ay sina Benjamin Gellonga, 72; Richard Sarillo, 28; at Bobby Quilo, 20. Lahat sila ay mga sibilyan na taga-Upper Coyaoyao, Barangay Inulingan sa kanugnog na bayan ng Moises Padilla at pawang mga myembro ng Barangay Inulingan Farmers Association (BIFAD), isa sa mga alyadong organisasyon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Ngunit ipinrisinta sila sa midya ni Lt. Col. Jess Mananquil, kumander ng 11th IB, bilang mga kasapi ng BHB.

Bunga ng karumal-dumal na krimen, halos 1,000 katao ang lumikas sa kanilang mga tahanan at pansamantalang nakatira sa mga paaralan at kapilya ng mga bayan ng Moises Padilla at Isabela. Dahil sa hirap ng kalagayan sa mga sentro ng ebakwasyon ay namatay ang 84 taong gulang na si Sotero Aborado.ro ng ebakwasyon ay namatay ang 84 taong gulang na si Sotero Aborado.

 

7. Salaysay ng karumaldumal na pasismo

Noong hapon ng Abril 2 ay nagpapahinga sa isang kubo sa Barangay Caromata, San Miguel, Surigao del Sur sina Betty Quillano at walong iba pang kababaihan at tatlong bata kasama ang anak niyang si Dan-Dan, 11. Bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 58th IB, Special Civilian Armed Auxiliary (SCAA) at Civilian Armed Auxiliary (CAA). Tinamaan sa tiyan si Dan-Dan, na agaran niyang ikinamatay.

Nakatakbo si Betty ngunit nahuli siya ng mga sundalo. Dinala siya malapit sa bangkay ng kanyang anak, pinagbubugbog at hinampas ang ulo hanggang sa mapatay. Pagkatapos nito ay pinagputol-putol ang katawan ng mag-ina at muling pinagbabaril. Isinama ang kanilang mga bangkay sa kinatay na baboy at sabay silang sinunog. Ilang oras pagkatapos nito ay naghulog ng bomba ang isang Huey helikopter sa lugar na pinangyarihan. Kaagad na ibinalita ng 402nd Bde na napasok ng 48th IB ang isang kampo ng Bagong Hukbong Bayan sa Barangay Caromata.

Dahil sa sunud-sunod na operasyong pagtugis, noong Abril 11 na lamang nakita ng mga kamag-anak ang isang sunog na paa ng bata at isang bungo ng nakatatanda na posibleng sa mag-inang Betty at Dan-Dan. Hindi nila mabigyan ng disenteng libing ang mag-ina dahil tuluy-tuloy pa ring binabantayan ang lugar ng mga pwersang paramilitar.

 

8. Pagdukot kay Burgos, patuloy na kinukundena

Hiniling ni Ambassador Alistair MacDonald, pinuno ng delegasyon ng European Commission, na lutasin na sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagdukot kay Jonas Joseph “Jayjay” Burgos na hanggang ngayon ay di pa inililitaw. Nagpahayag ng lubhang pagkabahala si MacDonald sa patuloy na pagkawala ni Burgos na kumpirmadong dinukot ng militar sa isang restawran sa Quezon City noong Abril 28.

Inianunsyo rin ni MacDonald ang pagbisita ng isang tim ng mga eksperto mula sa mga myembrong bansa ng EU ngayong Hunyo 4 para tasahin ang mga pangangailangan ng gubyerno ng Pilipinas para maihinto at malutas na ang iba’t ibang mga paglabag sa karapatang-tao.

Samantala, sa isang manipesto noong Mayo 11, nagpetisyon ang Concerned Citizens of the Philippines sa European Union at sa United Nations na buuin ang UN International Criminal Tribunal na sisingil sa gubyernong Arroyo sa pananagutan nito sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa mga myembro ng mga militanteng grupo sa Pilipinas at iginiit na ihinto na nito ang naturang mga pamamaslang. Ang manipesto ay tinanggap ni Gabriel Munuera Viñals, pinuno ng Political, Economic and Trade and Public Affairs Section ng delegasyon ng European Union.

Noong Mayo 16 ay mahigpit na hiniling ng Asian Legal Resource Center (ALRC), Asian Human Rights Commission (AHRC) at Karapatan sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) at iba pang grupo na pigilan ang muling pag-upo ng gubyernong Pilipinas sa naturang konseho.

Ayon sa ALRC, AHRC at Karapatan, walang anumang pagbabago sa kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas sa kabila ng pangako ng gubyernong Arroyo noong Mayo 6, 2006 nang maluklok ito bilang kasapi ng UNHRC. Sa katunayan, anang ALRC, lalo pa ngang lumalala ang kalagayan ng karapatang-tao sa Pilipinas dahil umaabot na ngayon sa halos 900 ang mga biktima ng mga asasinasyong pulitikal at 198 na ang sapilitang nawawala mula 2001.

Ngunit bunga ng matinding pangangampanya ng rehimeng Arroyo, iginawad pa rin sa Pilipinas ang pwesto bilang myembro ng UNHRC sa susunod na tatlong taon.

 

9. Panununog sa Batangas, mariing binatikos ni Ka Roger

Sa pamamagitan ng mensaheng audio, mariing binatikos ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang panununog ng mga pulis sa isang paaralan sa Taysan, Batangas noong Mayo 15 ng madaling araw. Namatay sa sunog si Nellie Banaag, isang guro ng Pinagbayanan Elementary School sa Taysan at si Leticia Ramos, isang poll watcher.

Iginiit ni Rosal na bawiin agad ni PNP Dir. Gen. Oscar Calderon ang nauna niyang akusasyon na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan ang gumawa ng nasabing krimen. Dapat din aniyang humingi ng paumanhin ang pulisya sa mga kaanak ng mga biktima at sa mamamayan ng Taysan.

Ayon pa kay Rosal, hindi magagawa ng BHB ang nasabing panununog at ang anumang pananakit sa mamamayan.

Napatunayan sa mga imbestigasyon na ang panununog ay kagagawan ng limang elemento ng PNP Regional Special Operations Group (RSOG) at Special Action Force (SAF) ng Batangas, kabilang si Chief Insp. Robert Marinda. Ayon sa mga saksi, tatlong araw bago nangyari ang panununog ay nakita nila ang mga nasabing pulis sa campaign headquarters ni Mayor Hernando Villena na tumatakbong muli sa pagkaalkalde.

 

10. Arroyo, binatikos ng mga partido at organisasyong komunista

PINASALAMATAN ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng buong rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang mga partido komunista at rebolusyonaryong organisasyon na kumundena sa malawakang paglabag ng rehimeng Arroyo sa karapatang-tao ng mamamayang Pilipino. Nanawagan din sila sa iba pang partido, organisasyon at indibidwal na itakwil ang “gera kontra-terorismo” ng rehimen at suportahan ang pakikibakang Pilipino para sa pambansang paglaya at demokrasya.

Inihapag ang isang resolusyong naglalaman ng panawagang ito sa isang sesyong plenaryo ng International Communist Seminar sa Brussels, Belgium noong Mayo 6. Apatnapu’t apat nang partido komunista at rebolusyonaryong organisasyon ang pumirma sa naturang resolusyon.

Kabilang sa mga pumirma ang Workers’ Party of Belgium, Partido Comunista de Cuba, Partido Comunista de Venezuela, Movement Towards Socialism of Bolivia, Partido Communista do Brazil, Partido Communista Marxista-Leninista del Ecuador, Workers’ World Party of the USA, Freedom Road Socialist Organization of the USA, Syrian Communist Party, Russian Communist Workers’ Party, Workers’ Communist Party of Norway, Communist Party of Sweden.

Nakiisa rin ang All Nation Movement for Democracy and Progress of Afghanistan, Communist Party of Albania, Parti Alegerien pour la Democratie et le Socialisme (Algeria), Kommunistische Initiative Osterreich (Austria), Communist Party of Bangladesh (ML), Socialist Party of Bangladesh, Communist Party of Soviet Union, Movimiento Revolucionario 8 de Octubre (MR8-Brazil), Socialist Workers’ Party of Croatia, Communist Party of Denmark, Danish Communist Party, Communist Workers’ Party for Peace and Socialism (Finland), Communistes, PRCF at URCF (lahat sa France), Communist Party of Germany, Socialist Unity Centre of India, Socialist Party of Latvia, Socialist Party of Lithuania at Communist Party of Lithuania.

Pumirma sa resolusyon ang Partido Democratico Popular Revolucionario (Mexico), Nepalese People’s Progressive Forum-Belgium, United Nepalese Front-Europe, Red Workers’ Communist Party AKP (Norway), Democratic Front for the Liberation of Palestine, Movement of Yugoslav Workers (Serbia), Communist Party of Slovakia, Partido Communista de los Pueblos de España at Union Proletaria (parehong sa Spain), The Labour Party of Taiwan (prubinsya ng Taiwan, China), Parti Communiste Ouvrier Tunisien (Tunisia), Communist Party of Turkey, Union of Communists (Ukraine) at Communist Party of Great Britain (ML).

Ang resolusyong ito ang pinakahuli lamang sa napakarami nang mga resolusyon at panawagan ng mga organisasyon at indibidwal na naggigiit sa rehimeng Arroyo na itigil na ang mga pampulitikang pamamaslang sa bansa.

Nagpahayag din ng suporta ang mga pumirma sa mga pagsisikap ng mamamayang Pilipino laban sa rehimeng Arroyo. Nagpugay sila sa ligal na demokratikong kilusan sa kalunsuran at sa BHB sa pagdudulot nito ng matitinding dagok sa mga reaksyunaryong pwersa. Binatikos din nila ang pagturing kay Prof. Jose Maria Sison, sa PKP at BHB bilang mga terorista.

 

11. Sabwatang gubyernong Arroyo at San Miguel Corporation, kinundena

MARIING kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pagpapahintulot ng Sandiganbayan noong Mayo 11 sa San Miguel Corp. (SMC) na ibenta ang P6 bilyong halaga ng mga sapi na nabili ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. gamit ang pondo na sapilitang kinolekta mula sa maliliit na magsasaka sa mga niyugan noong panahon ng diktadurang Marcos (coco levy funds). Ang naturang pondo ay inilagak sa United Coconut Planters Bank (UCPB) na pagmamay-ari ni Cojuangco. Noong 1975 ay iligal na ginamit ni Cojuangco ang pondong ito para bumili ng sapi sa SMC.

Nag-aagawan ngayon ang Sandiganbayan at Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa pondong dapat ay mapasakamay ng ilang milyong maliliiit na magniniyog. Nangyari ang nasabing bentahan habang nakasalang pa sa korte ang usapin ng kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng pondo. Pinalalabas ng PCGG na gubyerno ang may-ari ng pondo at dapat itong mapunta sa reporma sa lupa. Ngunit katulad lamang ng Sandiganbayan, hindi kinikilala ng PCGG na ang maliliit na magniniyog ang tunay na may-ari ng naturang pondo at tumatanggi rin itong ibalik sa kanila ang pondo.

Pinayagan ng First Division ng Sandiganbayan na makapagbenta si Cojuangco ng 56,581,813 Class B Shares na nasa pangalan ng 11 korporasyon na pagmamay-ari niya para mabayaran ang kanilang mga utang sa United Coconut Planters Bank (P5.3 bilyon) at Bank of Commerce (P2.6 bilyon).

Sa desisyon ng Sandiganbayan ay ipinagkanulo na naman ng gubyerno ang laban ng maliliit na magniniyog para mapasakanila ang naturang mga sapi. Noong 2003, pinawalambisa ng Sandiganbayan ang order na isekwester ang naturang mga sapi at noong 1998, pinayagan din ng Sandiganbayan si Cojuangco at ang kanyang mga kumpanya na gamitin ang mga sapi para makaboto sa eleksyon ng San Miguel para sa board of directors.

Samantala, patuloy ang laban ng maliliit na magniniyog para mapasakamay nila ang coco levy funds na ninakaw sa kanila ni Cojuangco.

 

12. Mga Iraqi, bumoto laban sa okupasyon ng US

MISMONG ang parlamento ng Iraq ay pumirma na ng isang petisyon para paalisin ang mga pwersang mananakop ng US. Noong Mayo 11, mayorya ng parlameno ang pumabor sa pagpanukala ng resolusyong para paalisin na ang mga tropa ng US. Ang resolusyong ito ay malaking sampal sa gubyernong Bush.

Ang pagpirma sa petisyon ng mayorya ay pagpapatunay sa malaon nang sentimyento ng mga Iraqi na dapat umalis na sa pinakamaagang panahon ang mga Amerikano. Matatandaang noong Abril, bilang protesta sa pagpayag ng rehimeng al-Maliki sa pagpapatagal pa ng mga pwersang mananakop, iniatras ng mga Shiite ang anim nilang mga representante sa kanyang gabinete.

Lumalakas ang presyur sa loob ng US at Iraq para magkaroon na ng iskedyul ng pag-alis ang mga tropang Amerikano. Ito ay sa gitna ng pagdaragdag ng US ng tatlong brigada, o 7,000 tropa sa Baghdad at mga karatig pook, at ang napipintong pagdating ng dalawa pang brigada sa susunod na dalawang buwan.

Subalit ang mga dagdag na tropang ito ay hindi nakabawas sa araw-araw na karahasan at pambobomba. Nagpapatuloy ang paglaban ng mga mandirigmang Sunni at Shiite sa mga tropang sumasakop sa Iraq at lumalawak pa sa mga syudad at bayan sa labas ng kabisera ng Iraq ang labanan. Hindi rin tumitigil ang pagbomba sa mga imprastruktura sa produksyon ng langis kaya hindi ganap na mapakinabangan ng mga imperyalistang kumpanyang Amerikano ang mga ito.

 

13. Iraq oil bill, tinatanggihan ng mga Iraqi

Mariing tinanggihan ng mga mambabatas at negosyanteng Iraqi ang panukalang batas ng US na ibukas ang produksyon ng langis sa mga dayuhang imperyalistang kumpanya. Ipinasa na ng mga pribadong kumpanya ng langis sa Iraq sa Iraqi National Oil Company ang pamamahala sa rekonstruksyon ng maraming imprastruktura sa produksyon ng langis o oil wells na nawasak dulot ng pananalakay ng US noong 2003. Ngunit hanggang ngayon, karamihan ng mga ito ay hindi pa naisasaayos sa kabila ng pagmamadali ng US.

Hindi makausad-usad ang rekonstruksyon ng mga nasirang oil well dahil batbat ng katiwalian at pagwawaldas ang proseso at pamamahala nito. Dagdag dito, tuluy-tuloy na sinasabotahe ng mga mandirigmang Iraqi ang mga pagsisikap ng US at papet na rehimen na pakinabangan ang mga ito.

Ang Iraq ang may ikalawang pinakamalaking reserba ng langis sa mundo. Bukod rito ay pinakamataas din ang kalidad ng langis nito kumpara sa ibang bansa sa Middle East. Kaya takam na takam ang mga imperyalistang kumpanya ng US na makuha ito.

Ngunit mula nang sakupin ng US ang Iraq noong 2003 ay bilyun-bilyong dolyar na ng produktong langis ng bansa ang naiulat na nawawala. Bago binomba ng US ang Iraq, umaabot sa dalawang milyong bariles ng krudong langis bawat araw ang produksyon nito. Ngayon ay tinatayang 100,000 hanggang 300,000 bariles/araw ang nawawala. Kung kukwentahin ito sa $50/bariles na presyo sa kasalukuyan, umaabot na sa daan-daang bilyon ang nalulugi sa mga kumpanyang imperyalista. Dagdag dito, natuklasan sa isang pananaliksik ng US noong Abril ang pagkawala ng milyun-milyong bariles ng langis bunga ng korapsyon o ismagling.

Ayon sa mga mambabatas at negosyanteng Iraqi, hindi nila ipauubaya sa US at kay Bush ang mayamang rekurso ng langis ng kanilang bansa, at hindi rin bibigay ang mga Iraqi sa kagustuhan ng mga imperyalistang agawin ang yaman ng Iraq.

Bukod sa nawawalang mga suplay ng langis, tinatayang umaabot sa $18 bilyon ang nawaldas sa badyet ng gubyerno ng US para sa rekonstruksyon ng Iraq. Kalakhan nito ay malalaking kontratang sinolo ng Halliburton Co., Kellogg, Brown and Root (subsidyaryo ng Halliburton) at Bechtel Corp., mga kumpanyang Amerikanong kunektado kay US Pres. George W. Bush. Nagsilbi ring upisyal ng Halliburton Co. si Vice Pres. Richard Cheney.

Sa kabila nito ay tatlong US Army reserve officers at dalawang sibilyan pa lamang ang nakakasuhan dahil sa pagbibigay nila ng $1 milyong halaga ng salapi, magagarang sasakyan, mamahaling alahas at iba pa para makakuha ng proyektong rekonstruksyon. Hanggang ngayon ay iniimbestigahan pa rin ng Senado at Kongreso ng US ang malalaking kontratang hindi pa idinedetalye ng mga kumpanyang ito.

Hindi rin lang sa pagwawaldas ng pondong rekonstruksyon ng Iraq sangkot ang mga ganid na kumpanyang ito. Sangkot din ang Halliburton at Bechtel sa katiwalian sa rekonstruksyon ng mga lugar sa US na sinalanta ng Bagyong Katrina at sa mga kontrata sa Balkan peninsula.

 

 


Leave a Comment so far
Leave a comment



Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s



%d bloggers like this: